Monday, February 25, 2013

Kwentong Tanga

Nagmamadali akong umalis sa bahay isang umaga. Male-late na naman ako sa opisina, at sa pagkaka-alam ko nu'n e isang late na lang e ga-graduate na ako.

'Yung normal kong 45 minutes sa banyo para maligo, naging 15 minutes na lang. Pagkatapos, nagmamadali na akong magbihis. Medyo natagalan pa rin akong pumili ng isusuot pero alam kong kukulangin na ako sa oras. Nagsuklay, nagpabango, at kinuha na ang mga gamit na regular nang nakikita sa bulsa ng pantalon ko. Hindi ako umaalis hangga't walang mga bagay na ito sa pantalon ko: mobile phone, panyo, lighter, wallet.

So tapos na ako magbihis, 'di ba? Pinatay ko na ang lahat ng appliances ko sa kwartong inuupahan ko, dali-daling lumabas, lumakad na semi-takbo hanggang sa terminal, at sumakay sa jeep.

Ano'ng oras kaya ako makakadating sa office? Ilang minuto na lang ang meron ako? Dumukot ako sa bulsa ko para tingnan ang telepono ko. Nanlaki ang mga mata sa nadukot ko.

Remote control ng cable TV.



Picture Of The Day


True story.

Music: None.
Mood: Semi-optimistic.

Wednesday, January 2, 2013

Migratory Bords

Siyempre, bagong taon. Kaya dapat meron tayong dapat isipin na gusto nating gawing bago para sa sarili natin. Ako 'yung tanungin mo, "simple pero rock" ang plano ko. Sa totoo lang, nu'ng 2011 ko pa naisip gawin ito. At naisip kong dapat ko nang maisakatuparan ang matagal ko nang ninanais.

Naisip ko na kasing mag-relocate sa probinsya. Dalawang lugar ang pinag-iisipan ko nang malalim ngayon, at sa kasalukuyan e nililista ko na lang ang pros at cons ng bawat lugar. At ang mga pinagpipilian ko ay dalawa: Baguio City at Davao City.

Sa oras ng pagkakasulat nito, ang mga ito ang mga pros at cons:

Baguio City

* PRO: Siyempre, unang-una na diyan ang weather. Malamig halos buong taon. Sige na, okay lang kahit wala akong kayakap, pero ang isa sa mga dahilan kumbakit binalik-balikan ko ang Baguio City e 'yung temperaturang madalas e mas mababa pa sa 25 degress Centigrade.

* PRO: Walang diyalektong dapat pang pag-aralan. Sana.

* PRO: Mababang cost of living. Para sa isang tao na nasanay na sa 40 pesos na flag-down sa taxi, sobrang balita sa akin ang 25 pesos na flag-down. Mura din ang pagkain at sagana pa sa gulay.

* PRO: Parang madami akong pwedeng tambayan duon, lalo na sa may Session Road.

* PRO: Kahit matagal ang biyahe, hindi naman kailangang bumili ng mahal na airfare kung kailangan kong bumalik sa Maynila. Kung sakaling magbago ako bigla ng isip, parang nag-Ctrl+Z lang ako sa isang bus trip pabalik.

* PRO: Maraming ganito:



* CON: Wala akong kilala kahit isa.

* CON: Hindi ko alam ha, pero mukhang mahirap yatang maghanap ng trabaho dito.

Davao City

* PRO: 'Di hamak na mas ligtas na lugar. Dito kasi sa Metro Manila, wala tayong (Vice) Mayor Duterte. Napaka-disiplinado ng mga tao duon. 'Yung mga taxi drivers, required ipaskil ang mga malalaking IDs nila. Kahit saan ka magpunta, may mga pulis.

* PRO: Katulad din naman sa Baguio City, mararami at masasarap ang pagkain dito. 'Tangina, all-you-can-eat na alimango?

* PRO: Samal Island. Isang tanggalan lang ng buhok sa ilong, nasa bakasyunan na agad ako. Parang mas accessible din sa mga beaches. Bukod din naman sa mga beaches, marami-raming pwedeng gawin sa Davao City - zipline, kung anu-anong adventures.

* CON: Kailangan ko pang matutong magsalita ng Bisaya. Sa totoo lang, gusto ko talagang matutunan 'yan e, kaya hindi naman siya eksaktong CON. Kaya lang, malakihang adjustment pa ang dapat mangyari at kailangan pa ng oras.

* CON: Parang masyadong malaki para sa isang baguhan na katulad ko ang lugar na ito. Tatapatin ko na kayo: nu'ng kelan ko lang nalaman na mas malaki pa ang Davao City kaysa buong Metro Manila. Putsa, ga-kulangot lang pala ang Kesong City (Quezon City) kumpara dito.

* CON: Wala nang balikan sa Maynila.

Pwede pa akong magpatuloy sa paglista ng mga pros at cons. Palagay ko, nalilinya ang desisyon ko sa Baguio City. Pero malay ko ba, baka gusto ko ng mas extreme at sa Davao City na lang ako mananahimik.

Ang challenge naman ngayon e ang paghahanap ng trabaho at matutuluyan.

Kung merong nagbabasa nito na naninirahan sa mga lugar na nabanggit, pwede niyo akong tulungan sa pagpapasya. Baka pwedeng maki-tuloy muna sa inyo.



Picture Of The Day



Music: None.
Mood: Lazy.

Sunday, August 26, 2012

While I Was Out

It was only after around six month that I decided to do something with this blog again. Take note of the word "only." Sa totoo lang, naka-usap ko kasi sa Facebook ang isa kong kasabayan sa pagba-blog dati kaya naisip ko, "tangina, ano na nga ba nangyari sa blog ko?"

At 'eto na nga, wala namang nangyari sa blog ko dahil, malamang, hindi naman ako nag-post nitong mga nakaraang buwan. Tinanong niya ako kung bakit nga ba hindi na ako nag-blog. Palagay ko, may mangilan na rin siguro ang gusto ring magtanong sa akin nang ganyan. At sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit. Para bang, natatakot ako sa isasagot ko.

Pero kahit walang nangyari sa blog ko, marami namang nangyari sa buhay ko. Pero hindi ko na ilalahad lahat at hindi ko na kayo ibo-bore. Kaya kung ikaw ay isa sa mga ito:

1) Nagbabasa ng blog ko dati,
2) Kilala ako dati,
3) Isa sa mga nagsabing na-inspire daw sa akin kaya nag-blog na din,
4) Hindi ako kilala, hindi alam ang blog na ito, wala lang talagang magawa sa buhay,

...para sa inyo ang post na ito. Siguro kung bago ka lang rito, baka hindi ka maka-relate. Pero okay lang. Siguro, punta ka na lang sa aking Features section.

1) Bahay-trabaho-bahay pa rin sa totoo lang ang karaniwang buhay ko. May mga magaganda at hindi gaanong magagandang nangyari sa akin sa pananatili ko sa opisina ko ngayon. Mahigit dalawang taon na ako duo ngayon. Akalain mo 'yun, two years and some months? Staying and working at the same office?

2) Hindi ko man nagawa at hindi ko rin nakuha ang marami sa gusto ko, may mga kaunting nagawa at nakuha rin ako.

3) Nakabili ako ng sarili kong TV. Namputsa, matagal ko nang gustong magkaroon ng TV kasi disconnected din yata ako dito nang mahigit sa isang taon. At dahil may TV na ako, makaka-relate na ulet ako sa mga usap-usapan sa paligid. Hindi na akong mukhang tanga sa mga balita, at napapanood ko pa ang paborito kong football team: FC Barcelona.

4) SA WAKAS, nakalayas din ako mag-isa! Bumisita ako sa Cebu nitong July para mag-solo vacation sa Bantayan Island. Tama, mga kaibigan! Mag-isa! Sa beach! At dito ko naisip na, mag-a-out of town ako once in a while. May mga lugar akong gustong puntahan at siyempre, sana hindi ito pangarap lang.


Paano po ba mag-soul searching sa maka-lalakeng paraan?

5) Bukod sa blog ko, medyo naging disconnected na din ako sa mga close friends ko. Hindi ko nga rin alam kung bakit e. Siguro kasi masyado akong naging abala at pagod sa trabaho. Kung aalis ako sa bahay, hindi na lang ako aalis at magpapahinga na lang ako sa bahay. May ilang buwan ko ring hindi nakita ang kahit isa sa mga kaibigan ko. At nitong nakaraang mga linggo lang, nagpasya ako na makipagkita ulit sa kanila. At sa totoo lang, medyo hindi ko nagustuhan ang binalikan ko. Sabihin na lang natin na: may pag-asa ba na magsama-sama ulit kaming lahat, ngayon at may problema sila sa isa't-sa? Totoo nga na ang lahat ng tao ay nagbabago habang panahon.

6) At dahil sa nasabi ko sa huli ng #5, gusto ko na ring magbago - ng lugar, environment, at iba pa. Eh kung... mag-relocate ako sa probinsya?

'Yun na lang muna siguro. At manalig tayo na ang susunod na update ko ay hindi aabot ng anim na buwan. Apir!



Picture Of The Day


TANGINA THIS! (Failbook)

Music: None.
Mood: Unsure.
Quote: None.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails