Friday, December 7, 2007

Pre-Christmas Predicament

Ako 'yung taong hindi masyadong nagsi-celebrate ng Christmas. Pero minsan, medyo pabor din sa'kin ang panahong 'yan dahil malapit-lapit din 'yan sa kaarawan ko. Lalo na nu'ng bata ako. Swerte at malas ako 'pag ganitong buwan:

(Bata pa ako)

Jake: Ninong, Pamasko ko po.
Ninong 1: (Abot 500.)
Jake: Ninong, birthday ko pa. Nyehehe.
Ninong 1: (Abot ulet 500.)

Jake: Ninong, Pamasko ko po.
Ninong 2: (Abot 500.)
Jake: Ninong, birthday ko pa. Nyehehe.
Ninong 2: Aba Jake, 'yan na rin ang pam-birthday mo.

Ewan ko kung saan ko narinig 'yung "sana, araw-araw e Pasko," e pabor na pabor sa'kin 'yan nu'ng bata ako.

Kapag naramdaman ko nang malamig ang hangin at nakakakita na ako ng mga Krismas Layts, alam kong paparating na rin ang birthday ko. Pero mas madalas e hindi ko rin sine-celebrate ang birthday ko. Parang isang ordinaryong araw lang. Malamang kasi sa malamang, kapiling ng mga kaibigan ko ang kani-kanilang mga pamilya dahil na ito 'yung panahon na magkakasama silang magdiriwang. At dahil ako naman e halos hiwalay sa sariling pamilya, madalas kinakantahan ko na lang ang sarili ko, o kaya e manlilibre sa mga masuswerteng makakapiling ko. Higit sa lahat, hindi pa ako nakakapag-celebrate ng birthday ko na may girlfriend ako at magkasama kami. Nu'ng nakaraang taon, kami pa naman ni Angelique noon pero nasa probinsya siya nu'n. Masayang-masaya na ako nu'ng tinawagan niya ako (pero nag-away kami kinabukasan).

Kaya pagsapit ng darating na ika-22 ng buwang ito, magpakita lang kayo sa'kin at sukdulan ko kayong paliligayahin.

Wishlist?

1) Nintendo DS Lite - kapag may napala akong mabuti sa trabaho ko, alam kong makakabili na ako nito. At sa buong buhay ko, ito ang pinakamahal kong bibilhin gamit ang sariling pera. Ilang beses nang nauudlot ang plano kong bumili nito dahil laging kapos sa badyet. Oo, mas gusto ko ang NDSL kesa sa Sony PSP. Marami kasing meron nito sa tropa ko. Tsaka mas maraming innovations tulad ng touchscreen at mic. Medyo talo nga lang sa graphics pero ayos lang. Mas marami ka namang madadalang mga laro kesa sa PSP.

2) Upgrades sa kompyuter - kinakalawang na ang kompyuter na gamit-gamit ko at kating-kati na ang yagbols kong ipa-upgrade ito. Palitan ang motherboard, dagdagan ng memory, o kung anupaman.

3) Magandang trabaho - aminado akong maalat-alat pa rin ako sa estado ng trabaho ko. Sana'y maka-landing na ako sa trabahong para talaga sa'kin. Sa ngayon, gusto kong maging isang matagumpay na callboy (lalaking nagtatrabaho sa call center).

4) Malupit na fashion make-over - Kakaunti lang ang mga damit ko kung tutuusin. Medyo magaling lang talaga ako sa mix and match. Pero tumatanda na ako at mukha pa rin akong timang. Sana e may sapat akong damit at gamit-pampogi para naman lumabas ang aking angking kagwapuhan ('tanginang 'yan, kilabutan ka nga).

5) Isang malupit at mapag-alagang girlfriend. Basta. Sa ngayon, one step at a time kami. Masyado pang maaga para sabihin ang sitwasyon namin. Masaya kami ngayon, at 'yun ang mahalaga.

Monday, November 19, 2007

Bits and Pieces #2: Fulltime Callboy, Single Forever, Makapunit-Brief Na Utot, Atbp.

* Sa mga nagtatanong kung ano nga ba ang trabahong nakuha ko, isa akong fulltime callboy. Kailangan kong ng ibayong paggiling at pag-indayog ng katawan upang mawala ang antok. Kailangang magaling kaming gumamit ng dila para makapagsalita ng diretso. Kailangan malakas ang karisma namin upang makapanghalina. Ibig sabihin, call center agent. Pero trainee pa lang ako kaya wala pa talagang kasiguraduhan kung uubra ako pagdating sa Inglisan, pag-troubleshoot ng DSL, pakikipagbolahan sa mga galit na 'Kano, at sa papalit-palit na oras.

* Nu'ng isang beses na break namin sa office at nagtungo ako sa CR upang umihi, may nakasabay akong lalaki at pumuwesto siya sa urinal isang pagitan mula sa'kin. Taimtim akong nagpa-praktis ng mga spiels habang umiihi nang bigla akong nagulantang sa sobrang pagkabigla. Pumunit sa katahimikan ng CR ang lakas ng utot ng lalaking nakasabay ko. Sadistang utot na parang pwede ko na siyang idemanda sa kasong genocide. At parang hindi pa siya nakuntento, humirit siya ng isa pa, 'kala mo e nanganak bigla 'yung utot niya. Kung napunit din pati ang brief niya sa lakas ng impact ng utot niya, siya na lang ang nakaka-alam. Patay-malisya na lang ako pero dali-dali din akong umeskapo. Wala ako sa mood para umamoy nang anumang pinaglumaan na ng panahon. Kung namukhaan niya ako at binabasa niya ngayon ito, rak on, pare!

* Nais ko rin palang magpasalamat kay Joice dahil isinali niya ang blog ko sa kanyang pag-recognize sa kanyang 20 best bloggers. Maraming-maraming salamat. Tingnan niyo dito ang kanyang regalo para sa'kin.

* Nagkaroon kami ng di-pagkakaunawaan ni Fluff at hindi na siya nagpaparamdam ngayon. Kunsabagay, kasalanan ko naman kasi ang lahat. Hindi ako sigurado kung pormal na niyang pinutol ang komunikasyon namin dahil hindi na talaga siya nagti-text. At wala naman akong ni katiting na pag-asa sa kanya. At tulad din nilang lahat-lahat... basta. Pero nami-miss ko na siya.

* Hindi pa rin matapus-tapos ang depression ko. Naiinis na ako sa sarili ko. Lahat na lang ng taong dumarating sa buhay ko, biglang nawawala, biglang umaalis, biglang naglalaho. Dati-rati, masaya ko silang nakakausap (o nakakasama kung swertehan). Pero ewan ko ba kumbakit simbilis ng pagkakakilala ko sa kanila ang paglaho nila. Kausap ko sa YM magdamag, napupudpod na ang mga kamay kati-text, sobrang saya kapag nagkikita, sabay bigla na lang silang mawawala. Andyan man, suntok sa buwan naman kung magparamdam ulet. Kung busy naman talaga sa ibang mga mahahalagang bagay o kung anupamang dahilan, sila na lang din ang nakaka-alam. People always, always leave. Lalo tuloy akong hindi naniniwala na may mga taong mananatili sa buhay ng sinuman... Single Forever na talaga ako. And yes, it sucks to be me.

* Sa susunod na buwan na ang birthday ko. At patapos na rin ang taon na ito. At ang masasabi ko, itong taon na ito ang pinakapangit, pinakamalas, pinaka-walang-kwenta, pinaka-sawi, pinaka-depressive, pinaka-lahat-na sa buong buhay ko. Oo, may mga magaganda din namang nangyari sa buhay ko. Siyempre, itong taon na ito pormal na nagsimula ang blog na ito (dahil naman sa isang kamalasan sa relationship). May nakilala akong bagong mga kaibigan. May mga "dumating sa buhay ko" (naglaho naman rin yata ang iba sa kanila). Pero, sobrang dami ng mga pangit na nangyari sa buhay ko ngayong taon. Sobrang dami kong pinagsisisihan. Sobrang layo ito sa buhay ko dati. Kung may gusto akong burahin sa buhay ko, gusto kong burahin ang buong taon na ito. O kahit i-edit ko na lang. Nakahanda akong ibenta ang katawan ko. Ah este kaluluwa pala.

* Head-over-heals-swept-me-off-my-feel-love-at-first-sight-lahat-lahat-na-leche ako sa isang trainer dito sa account namin. Nu'ng pinakauna ko siyang nakita, instant laglag agad ang puso at ngala-ngala ko. Sobrang napakagandang dilag. Maputi, medyo katamtaman ang taas, at mala-perlas. Pinakanagustuhan ko sa kanya e 'yung mga mata niyang animo'y mapanghalina sa likod ng salamin na lalong nagbibigay sa kanya ng ibayong kagandahan. Simula nang makita ko siya, hindi na siya maalis-alis sa isipan ko. Hindi ko pa siya magawang lapitan at kausapin kahit na isang beses. Kulang na lang e itanong ko sa trainer namin ang tungkol sa kanya. Pero, asa-pa-ako-asa-pa-ako-asa-pa-ako-asa-pa-ako-asa-pa-ako!!! Certified trainer/QA siya. Isang institusyon. Samantalang ako, hamak na kulugo na wala pang kasiguraduhan kung makakapasa sa training na ito. Ni hindi pa nga plantsado ang ang spoken-in-dollars (English) ko para makipagsabayan sa kanya. At siyempre sa ganda niyang 'yun, malamang e may boylalu na 'yon o kaya'y sambatalyong fans club. Sobrang layo ng katayuan namin. Haay, kailan kaya niya mapapansin ang hamak na pusong ito? Hindi naman ako manyakis tulad ng iba. Ipapangako ko sa'yo na igagalang ka. (Oo, mga linya sa kanya 'yan kasi saktong-saktong pinakikinggan ko 'yan habang itina-type ko 'to). Malapitan ko lang siya at makausap sa kahit na sandali man lamang, sobrang maligaya na ako.

* Naiinis na ako sa sarili ko. 'Tangina naman.

Wednesday, October 17, 2007

Unexpected Circumstances

Edit: May nilagay akong video.

MRT – Cubao Station, southbound lane. Isang araw ng Linggo. Mga alas-tres ng hapon. Kakagaling ko lang sa isang anime movie marathon kapiling ng barkada, sabog na ako at medyo nilalagnat. Kausap ko sa text ang isang “special friend” na papangalanan na lang nating “Fluff.” Gusto ko sana siyang makita nu’ng mga oras na ‘yon, pero naisip kong huwag na lang muna. Wasted na talaga ako at parang hindi talaga kami nakatakdang magkita nu’ng araw na ‘yon. Hanggang…

*pasakay na sa tren*
Jake: So uhm, how have you been doing lately?
Fluff: Ah eto, on the way to Gateway to meet a friend.
*sabay labas sa tren*
Jake: What the… I’m at Gateway right now. Actually uhm inside the MRT station already.
*naisip ko kasing napakalapit lang ng Gateway dito sa MRT*
Fluff: Ay, sorry!
Jake: Oh why? Well uh since you have other appointments with a friend, I guess I just have to head home. Hehe. Besides, I’m so pooped and wasted anyway. Haha, the moment I received that text, lumabas agad ako ng train.
Fluff: I’m sorry talaga. It’s just that I’m one hour late.
Jake: It’s okay. Haha ano ka ba. No worries with that. Hindi naman ako ‘yung may usapan sa’yo today e. =) I’ll ride on to the third train. *mwah!* Basta ingat ka. I miss you so much.
Fluff: Ikaw rin, ingat ka. *mwah!*
Jake: Yeah, hehe. =) This is a bloggable moment.
Boy Abunda: Kaibigan, usap tayo.

Sumakay na ako sa sumunod na tren matapos palampasin ang isa, sa pag-asang baka nga naman may pagkakataong magkita kami, sa sandali man lamang. Nang dumating ang tren sa may Guadalupe Station…

Fluff: I’m sorry. Sobra.
Jake: No, there’s nothing to apologize. Baka itinadhana lang na hindi tayo magkita. Tsaka iba naman ‘yung agenda mo today, in the first place. *pats on the back*
Solid Snake: Damn.

At nang makauwi na ako sa bahay…

Fluff: Me will text you when I get home.
Jake: Okay okay. =) Ingat ikaw, ah? Missing you.
*sabay tulog*
Audience: Aww…

Sayang. But oh well…

Bagay na bagay ang video na ito sa kwentong ko.


Video: Densha Otoko TV Series Ending Credits
Song: 世界はそれを愛と呼ぶんだぜ (Sekai Wa Sore Wo Ai To Yobundaze)
Artist: サンボマスター (Sambomaster)



Sidenote

* Nag-Bubble Tea ulet kami ni Toniwoni. Wala lang. Picture namin.

* Ang "Stardust" ay ang kauna-unang pelikula na pinanood ko sa sinehan nang dalawang beses na magkaibang araw. Nu'ng una, kasama ko si Fluff. Kinabukasan, si Toniwoni naman 'yung kasama ko.

Sunday, September 30, 2007

House Rules

Nu’ng minsang nagtatago ako sa bahay ng isang kaibigan, sa isang liblib na kagubatan sa Quezon City, ipinakita sa’kin ng kaibigan kong ito ang isang kapirasong papel na naglalaman ng “House Rules.” Matagal-tagal na ang nasabing papel dahil nahalungkat niya lang ito habang nililinis namin ang bahay niya.

Ang nasabing house rules ay ginawa ng nanay niya bilang katugunan sa tila lumalalang kaguluhan sa bahay nila noong mga panahong ‘yon. Nu’ng binasa ko ito, namangha at napangiti ako sa angking talento ng sumulat nito. Nalalaman niya ang pangangailangan sa kung anumang sitwasyon ang nandu’n. Interesante ring malaman na tila may pinapatungkol ang bawat patakaran. Ang setup ng bahay noon: ang kaibigan ko (babae siya), nakababatang kapatid na babae, nanay niya, boypren ng nanay niya, at ang babaeng kasambahay.

Ang mga naka-italic na pangungusap ay galling sa’kin at hindi ito kasama sa house rules.

House Rules*:

1. We help each other. Gawin ang inaasahan sa bawa't isa. Kung may hindi malinaw, magtanong. Kanya-kanyang linis ng kwarto. Kung hindi kaya at kailangan ng tulong, saka lang magpatulong at kung maaari, bayaran ang sinumang gumawa ng extra trabaho.

Lahat ay may kanya-kanyang gawain. May taga-hanap buhay, may mga nag-aaral, may katulong sa mga gawain.

Kumbaga, sabi ng wrestler na si The Rock, “know your role." Kung ang tungkulin mo ay kasambahay, ‘wag maging girlfriend. Ooops.

2. Hangga't maaari, huwag magpagabi sa labas dahil delikado sa daan, etc., at kung gagabihin man, magsabi, mag-text, o tumawag sa bahay.

Dapat lang.

3. Mag abiso kung kailangan lumabas maliban sa pagpasok sa eskwela, o kung kailangang mag day-off, mag abiso mga 3 days before.

Tulad ng nasa itaas, dapat lang.

4. Kung gusto ninyong baguhin ang ayos ng bahay general area, magsabi muna, kasama na doon ang pag-alis ng adaptors, extension cords, etc.

Siguro para madaling hanapin ang mga bagay-bagay.

5. Ibalik ang mga bagay sa dating lalagyan, kasama na diyan ang pagbalik ng extension cords, phone cords, etc. sa dating ayos.

Teka, ano’ng meron sa extension cords?

6. Magsabi muna kung magdadala ng kaibigan sa bahay, at hindi palagi. Pwedeng pakainin dito one meal (maximum 2 meals) na libre. Kung hihigit pa diyan, magdala na ang kaibigan ng kanyang pagkain o mag-contribute na ng pera sa pagkain, tubig, kuryente, etc.

Teka, counted as one meal ba ‘yung squidballs? Ayon sa kaibigan ko, madalas daw kasing andu’n ‘yung boyfriend niya nu’ng mga panahong ‘yun. “…magcontribute na ng pera sa pagkain, tubig, kuryente, etc.” In short, kung gusto na sigurong manatili ng “kaibigan.” Nyehehe.

7. May kasabihan, “leave to Caesar what is Caesar's.” Kung hindi sa iyo, ‘wag mong pakialaman. Applicable ‘yan sa gamit, boyfriend, etc. ‘Wag gamitin ang ‘di mo gamit, ‘wag mong landiin ang ‘di mo boyfriend. Asikasuhin mo ang sa iyo, bumili ka ng sa iyo, o humingi ka o maghanap ka ng para sa iyo.

Ako man, ayoko ng may nakikialam ng mga personal kong bagay. Okay na sana e, pero bakit nabanggit ‘yung boyfriend? Hmmm… “’Wag mong landiin ang ‘di mo boyfriend.” Headshot. Sapul. *ngisi*

8. Observe courtesy. Tayo ay social animal, hindi basta hayop. Take time na batiin ang bawa't isa, mag magandang umaga, etc. Kausapin ang bawa't isa. Bawal sumimangot ng walang dahilan dahil nakakasira ng araw. Magsabi kung ano ang dahilan ng pagsimangot, or ipaalam kung bakit nagsisimangot.

Mahigpit na ipinagbabawal ang pagsimangot. Sinumang mahuli ay paparusahan sa pamamagitan ng pagtawa sa loob ng isang oras. At kahit gaano pa ka-lungkot o ka-alat ang buhay, dapat e maganda pa rin ang umaga, tanghali, at gabi. Pauso ko lang ‘yan.

MMDA: Bawal Sumimangot. Nakamamatay.


9. Kung may problema, magsabi - kung may sugat, masakit ang tiyan, buntis, masakit ang ngipin, may problema sa kaibigan, problema sa school, magsabi at baka magkakatulungan tayo.

Inday: Ma'am, may problema ako.
Ma'am: Ano?
Inday: Buntis po ako.
Ma'am: Baka magkakatulungan tayo. Usap tayo mamaya.


Pagkakakitaan:

1. 10% commission sa photo session. Sa bawat madala ninyong customer sa photo session dito, may kumisyon. Php250 ang photo session per person. 1 8x10 at 4 wallets yan. Pwedeng ibahin ang sizes as would be agreed, pero Php250 ang price. Kung may kaibigan kayong magre-refer, bigyan siya ng 5% commission or less.

Ayos. Networking. Pwede palang mag-sideline sa business. The more friends I bring, the more chances of winning in the grand draw.

Any other matters:

1. Mag-practice sa English language dahil laging kailangan sa labas. Hangga't maaari, mag-English sa bahay, mag turuan tayo ng English. I-improve ang English. ‘Wag pagtawanan ang mali ng bawat-isa.

Alam niyo ba ‘yung kumakalat, popular, at usong-usong “Inday” chain text messages ngayon? Paniguradong papabor sa kanya ito.

* In-edit ko sa paraan ng tamang pababaybay, at hindi nabago ang kahulugan nito.

Ayon sa kaibigan ko, “I admit that I have contributed to the creation of rules 2, 4, 5, 6, 8 and 9 (shit, that's a lot). As far as I know, Jackie (‘yung kapatid niya) has also contributed to the creation of rules 1, 6, 8 and 9. God help the one who contributed to rule 7.” Rule 7? Sabi na nga ba e. Tagos ba?

Maraming salamat sa kaibigan kong nag-share sa’kin nito. Itago na lang natin siya sa pangalang “Chii.”

Thursday, September 13, 2007

Kilabot Ng Tapsilog

Bukod sa titulong “Hari Ng Mga Bitter,” hawak-hawak ko rin ang titulong “Kilabot Ng Tapsilog.” Bale kasi isa ito sa pinakamadalas kong kinakain at hindi ako nagsasawa. Tapsilog ang kadalasang kasagutan sa aking kagutuman sa gabing magdamag. Dahil lagi akong nagpupuyat sa harapan ng PC at madalas akong ginugutom, aba e alam na ‘yan.

Para sa mga katulad kong adik sa tapsilog, kani-kanyang preference din kung ano’ng oras pinakamasarap kumain nito. Merong trip kumain nito ‘pag almusal kasabay ng pagsikat ng araw at pagsimoy ng hangin na kunwaring sariwa, minsan e counted din siya bilang pananghalian, at meron din namang naso-solve kapag hapunan. Ako, pinaka-swabeng kumain ng tapsilog kapag hatinggabi o madaling-araw, lalung-lalo na sa mga sitwasyong katulad ng na-stuck up ako sa ginagawa ko (‘wag niyo nang alamin), o pag-alis sa tamang dala ng nakalalasing na inumin. Pakiramdam ko kasing nakikiramay ang ambience ng ganitong oras sa appetite ko ng tapsilog.

Marami-rami na akong tapsilugang nakainan. Dito sa amin, may isang liko at dalawang kanto ang tinatahak ko patungo du’n sa madalas kong tinatambayang tapsilugan. Kilala na nga nila ako. Palagi kasi silang swabe magluto, lalo na kapag nata-tiyambahan kong sinangag ang inihain nila at hindi ‘yung sinaing lang na kanin. Buwenas ako dahil 24/7 silang bukas. Nu’ng kami pa ng ex-girlfriend ko, may tapsilugan ding malapit sa kanila at madalas kami du’ng kumain lalo na kapag umaga at du’n ako sa kanila natulog (Uyy, memories…). Kapag naman naglalamyerda kaming mga Hawi Boys sa SM Megamall at semi-nagtitipid kami o kaya’y inabot na kami ng closing at ayaw pa naming magsi-uwi, dumidiretso kami sa tapsilugang binansagan naming “tapsilugan ni Hudas.” Andu’n ‘yun sa may Shaw Boulevard, sa tapat ng Starmall, at malapit sa terminal ng jeep. Kumbakit “tapsilugan ni Hudas” ang bansag naming, nakalimutan ko na. Kasabayan naming ang mga bigotilyong manong jeepney drivers at ang mga tsiks nila. Feeling ko tuloy e nasa 1980s Pinoy action movie kami sa tuwing tsumitsibog kami rito. Meron ding Tapa King, at malamang e nakita mo na ang "Akik" o nakakain ka na sa kainang ito na nagkalat sa Kamaynilaan.

May iba’t-ibang style ng pagkakaluto ng tapsilog. Merong medyo tuyo. Meron ding medyo masarsa. May parang deep-fried, may semi-uncooked. Pinakatrip ko ‘yung medyo deep-fried na medyo masarsa. Para sa’kin, ‘yun ang champion na tapsilog. At dapat laging sunny-side-up ‘yung itlog, hindi iskrambol. At siyempre, waging-wagi kapag sinangag ang kanin na may kaunting rekados.

Kulang din sa akin ang tapsilog kapag walang sawsawan on the side. Ang weapon of choice ko naman rito e ‘yung toyo-kalamansi-sili combination. Kaunting patak sa kanin, sa ilang slice ng tapa, sa itlog, ikukutsara, sabay subo. Rakenrol.

Finishing move ko naman magyosi at magmuni-muni pagkatapos ang isang malawakang kainan. Solb. Tipong pag-uwi ko ng bahay e may panibagong lakas ako.

Bukod sa tapsilog, ayos din sa akin ang cornsilog, longsilog, chicksilog (hindi 'yung tsiks na may itlog), at baconsilog (hindi 'yung nagbi-bacon na brief).

Tatapsilog muna ako.

(Pwede na ba akong maging endorser ng tapsilog?)



Sidenotes

Sa wakas at natupad ko na rin ang isa sa mga pangarap ko sa buhay. Nagkita na rin kami ni Toniwoni at nakapag-Bubble Tea kami (September 5). Minsan ko kasing nabanggit sa kanya na madalas ako sa Bubble Tea. Wala kaming gaanong pictures. Sana, may next time kami para meron na.

Nu'ng Lunes naman (September 10), nagkaroon kami ng impromptu meetup ni Joiz sa Greenbelt. Chat on coffee lang naman. Bonding moment. Nasaksihan niya kung paano ako manligaw sa tingin. Isa sa mga naging highlights ng gabing ito e nag-chic hunting kami.

Wednesday, August 15, 2007

Ligaw Sa Tingin

Taimtim na nagbabasa ng libro sa Powerbooks, nakakita ako ng isang magandang dilag na nagbabasa rin ng libro, di-kalayuan sa kinatatayuan ko. Sadyang nakapagandang dilag. Tila maamo ang dating. Kolehiyala. Isang anghel sa aking paningin. Nabihag niya agad ang puso kong makailang beses nang nasawi dahil sa mga kapwa niyang anghel. Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga ng malalim. "Siya na nga. Siya na nga marahil." Dahan-dahan ko siyang nilapitan. Sa bawat pagyapak ng aking mga paa patungo sa kanyang kinalulugaran, nararamdaman kong pati ang mga nakasalumbabang manunulat sa mga librong nakatambay sa mga istante e nakatingin sa'kin at bumubulong yata ng "Go, Jake! Rakenrol! Kaya mo 'yan!"

Tangan-tangan ang isang nakasisilaw na ngiti sa aking mga labi (note: mukha akong manyak kapag ngumingiti ng ganito), klinaro ko ang aking lalamunan nu'ng medyo nakalapit na ako sa kanya para marinig niya ito -- isang napakalaspag na eksena kung trip magpalipad-hangin ang isang lalaki kapag nakakakita siya ng tsikas. Dumampot ako ng isang libro at kunwaring binasa-basa. General English Fiction -- ito 'yung mga tipong binabasa ng mga "bigtime" at "high-maintenance" na uri ng mga dilag, samantalang ako naman e walang interes sa mga ganitong libro. Sinulyapan ko siya. Aba, ibinalik niya sa akin ang ngiti. Matapos ang mga matitipid na pagpapalitan ng mga salita, duon nagsimula ang aming pagmamahalan. 'Nakanaman. Bigtime.


Ang kwentong 'yan ay isa sa mga paboritong paksa ng imahinasyon kong walang ibang matinong maisip dahil siguro tigang na ako matagal na akong walang "intimate interaction" sa kahit na isang babae. Nakngtinapa. Lagi naman may mga pagkakataon na nakakakita ako ng isang babae sa mga lugar na tinatambayan ko. Gusto ko man, hindi ko man lang magawang lapitan at tanungin ni kanyang pangalan. Wala na nga yata akong progress bukod sa eye contact e.

Panliligaw sa tingin. 'Yan marahil ang isa sa mga bagay na magaling ako. Paniguradong Gold Medalist ako sa ganitong larangan. Halos buong buhay ko, inialay ko na ang aking sarili sa -- saan pa nga ba -- sa mga magagandang babae, pero wala akong naalala na naging matagumpay ako sa paglapit sa sinuman sa mga ito.

Sabi pa naman ng isang tropa ko, kami ang sadyang iniregalo sa kanila. Hindi ko tuloy alam kung matatawa ako o kikilabutan.

Lagi na lang may eksena sa pang-araw-araw kong buhay na may nasasalubong akong dilag, tapos sasabihin ko sa sarili ko, "malalaman ko ang pangalan nito" o "makaka-date ko ito, isang araw." Pero napangungunahan talaga ako ng kaba. At sa katagalan ng aking pag-iisip, wala, lumipad na ang manok. At bakit nga ba takot akong lumapit sa mga ito? Sa palagay ko, karamihan sa mga kalalakihang may parehong dilemma sa'kin ay mga ganito ring mga rason:

* Hindi ko alam kung ano ang aasahan ko. - 'Yan ang isa sa mga dahilan kumbakit nagtatagal ako sa kinakatayuan ko at nagdadalawang-isip kung lalapitan ko nga ba ito o hinde. Siguro kasi iniisip ko ang lahat-lahat ng mga pwedeng mangyari. At sa tagal ng pagbabaka-sakali ko, wala na.

* Iniisip ko ang iisipin ng ibang tao sa paligid. - Pero sa bagay, naiintindihan ko sila. Medyo nakakatawa rin kasi ako mag-isip kapag nakakakita ako ng isang lalaking lalapit sa mga Aphrodites na nagkalat sa mundo. Binubulong ko sa sarili ko, "ampogi naman nito."

* Ayokong ma-reject. - Sino ba naman ang may gusto? Ang pagkatakot sa rejection ay isa nang self-defense mechanism na nasilid na sa ating mga utak. Tsaka iniisip naman kasi natin na mas mataas ang posibilidad na i-mission failed ka lang nila.

* Hindi ko alam kung ano ang gagawin o sasabihin ko. - Ano'ng diskarte ba ang pinaka-effective? Nasisiguro kong ang lahat ng mga lalake sa mundo ay ipinanganak para matuto at maging magaling sa paggamit ng mga pick-up lines. Sa mga hindi, sureball na in-denial lang ang mga 'yun.

* Hindi ako naniniwalang uubra ako sa mga 'to. - Ako ang tipikal na polo-tee-and-jeans guy. Wala namang interesante sa hitsura ko. At sa pagiging pessimist kong makipagkilala sa mga 'yan, wala talaga akong mapapala.

* Ayokong maistorbo ang mga kaibigan niya. - Minsang napansin ko at naitanong sa mga tropa ko, "napansin mo bang mga bading ang kadalasang kasama ng mga magagandang babae?" O kung hindi man, sambatalyon silang Spice Girls na magkakasama. Siyempre nakaka-intimidate 'yun.

* Tila yata hindi natural o magandang tingnan na basta na lang ako lumapit sa kanila at magsimula ng isang pakikipag-usap. - Ewan ko kung paranoid lang talaga ako, pero kapag napapansin nilang nakatingin ako sa kanila, parang nagbubulungan sila na "Ay shet, si Jake! 'Di ba manyak 'yun?" Iniisip ko na lang siguro na laging may nakasulat na "Jake Morales: MANYAK!" sa pader ng CR ng mga babae kaya ganu'n.

* Mababa ang tingin ko sa sarili ko. - Siguro kasi sa taas ng tingin ko sa kanila, bumababa naman ang tingin ko sa sarili ko. Parang linya lang 'yan na "hindi tayo bagay, kasi langit ka at lupa lang ako." Sa mukha kong 'to, sinong hindi matatakot sa'kin? Sayang lang, hindi nila alam na magaling ako sa...

* Iniisip kong napaka-importante nito sa buhay ko, gusto kong maging makabuluhan ang gagawin ko, isinasa-alang-alang ko ang lahat ng meron sa buhay ko dito. - Parang isang pelikula kung saan nakasalalay ang tagumpay ng bida sa kakayahan niyang maging pogi at swabe. Ito 'yung tipo ng pakiramdam na kapag pumalya ako rito, anlaki ng mawawala sa'kin. Ah, ewan!

* Ang aking paborito: Hindi ko kayang kontrolin ang takot na pumipigil sa'kin. - TORPEdo. Kapag napangunahan na ako ng takot, wala na. Nakakatawa ngang isipin na hindi naman nakakatakot ang mga hitsura nila, pero bakit natatakot ako?

Sapul ba, mga repapips? Siguro kung may kakayahan lang ako, magpapa-survey ako sa mga babae kung pa'no nila gustong lapitan sila.

Inaalay ko ang post na ito sa mga babaeng nililigawan ko sa tingin du'n sa school library namin, du'n sa isang magandang dilag na taga-rito sa amin na madalas kong nakakasalubong kung papasok na ako sa school o kung uuwi ako, sa mga babae du'n sa mga coffee shops na kadalasang nagiging dahilan ng pagpunta ko sa mga ganu'ng lugar bukod sa gusto kong lang magkape at magbasa ng libro mag-isa, sa mga babae sa mga gimikang tinatambayan namin na naisasayaw ko naman pero lagi kong nalilimutang itanong 'yung number, sa mga crushes kong chatmates, textmates, blogmates at kung anu-ano pang mates kung saan e nakuntento na lang akong ligawan ang mga pictures nila sa Friendster at pagmasdan silang online sa YM hanggang sa mag-signout sila, at sa lahat ng mga magagandang dilag sa buong Kamaynilaan.

Tuesday, July 17, 2007

Haw Flakes

Nabanggit ko na rin lang at medyo napansin niyo na rin, bakit hindi ko pa pagtripan?

Karamihan sa mga kaedaran ko e siyempre nakakain na ng haw flakes. Kung hindi mo alam 'yan, malamang e hindi ka rito sa Pilipinas lumaki, o baka hindi ka masyadong lumalabas ng bahay at nag-e-eksperimento ng mga barya-goodies sa suking tindahan. Ang haw flakes ang isa sa mga napakaraming simbulo ng nakalipas na panahong kaysarap balikan kung minsan.

Para sa kapakanan ng mga kahapon lang ipinanganak, ang haw flakes ay isang mamisong pagkain galing sa Tsayna (China). Medyo kulay pink sila na halos simbilog ng old-school na beinte-singkong barya ('yung paru-paro ang naka-engrave). Tigsa-sampu yatang piraso 'yun na nakabalot sa papel na ang design e pwede mong mapagkamalang paputok para sa Bagong Taon. Malalaman mo agad na galing siya sa Tsayna dahil sa mga nagtsatsaynisang mga characters sa label nito. Walang kahalintulad ang lasa nito (at sa totoo lang, hindi ko na halos maalala). Basta maasim-asim siya na manamis-namis (at ayoko 'yung naiisip ko).



Ang haw flakes ang isa sa mga naging dahilan kumbakit ko ikinakatok ang mga barya ko du'n sa friendly neighborhood sari-sari store nu'ng mga bata pa kami ng kapatid ko. Ito rin ang staple food namin sa hapon kapiling ng mga kalaro ko. Haw flakes din ang nakapagpatunay na sa murang edad, may alam ang mga bata ukol sa Banal na Misang Katoliko.

*itataas ang isang piraso ng haw flakes*
Bata 1: Ito ang katawan ni Kristo.
*isusubo niya sa kalaro*
Bata 3: HOY, TAWAG KA NA NG NANAY MO!

Ewan ko kung nakakain na ako ng sundot-kulangot, pero sigurado akong nakakain na ako ng kundol, sweet-and-spicy dilis, mga candy na may kung anu-ano ang hugis, at iba pa. At hindi ko malilimutan ang haw flakes.

Bata pa ako nu'ng huli akong nakakain nito. Hindi ko nga alam kung meron pa nga ba nito sa kasalukuyang panahon. Ayon naman sa crush kong si Chel, marami-rami daw siya nito. Marami. Nang-iingit pa. Pero banggit din niyang mabibili daw ito sa Aji Ichiban. Grabe, na-miss ko nang kumain niyan.

Sa tulong ng Wikipedia, ito ang napag-alaman ko sa haw flakes.

Gawa pala ito sa prutas na nanggagaling sa "Chinese Hawthorn." Hindi ko alam kung ano ang hitsura niyan. At pinamimigay pala ito ng isang "traditional Chinese doctor" sa mga pasyente nito pagkatapos ng mga konsultasyon sa kanya. Ngayon, alam ko na kung saan ako magpapabunot ng ngipin next week.

1970s pa pala 'tong Haw Flakes. At ang "Shandong Foodstuffs Import & Export Corporation" ay ang pinakamalaking nagpo-prodyus nito. At madalas itong makikita at mabibili sa mga Chinatowns sa labas ng China. Kung meron niyan sa Binondo, hindi ko pa alam.

Minsan na pala itong nasita ng Estados Unidos dahil sa pagkakaroon nito ng "Ponceau 4R (E124, Acid Red 18)," isang di-aprubadong food coloring. Pero wala akong pakialam. Basta masarap ang haw flakes.

Thursday, July 5, 2007

Primary School Days

Bago mo basahin ito, kung may pinapatugtog ka sa sandaling ito, maari sana'y pakipatay muna 'yan at patugtugin mo muna 'yung mga kantang inilagay ko rito. Wala lang. Para mas "feel" mo 'yung kwento ko. Ayos ba? Game.


Press play...

Usong-uso 'yang kantang 'yan noong mga 1994. Grade 4 ako niyan at sa Cavite pa ako nakatira. Hatid ng kantang 'yan ang mga masasaya at hindi gaanong masasayang alala nu'ng nasa Primary pa lang ako.

'Yan 'yung mga panahong nagsisimula pa lang halos 'yung Elementary School kung saan ako nag-aral. Siguro mga tatlo o apat na taon pa lang ang operasyon nila. Hindi gusali ang school namin noon. Isang bahay - as in bahay na residential - ginawang dalawang classroom 'yung living room tsaka master bedroom (nilagyan ng blackboard, teacher's table, mga upuan, at mga murals at charts sa mga dingding), ginawang canteen 'yung kitchen, ginawang mini-playground ang tarangkahan at likod-bahay, at voila! May school na kami! Annex pa nga 'yan dahil nag-e-expand pa lang yata sila. Ayos lang kasi walking distance naman 'yun main campus. May ilog pa nga sa likuran namin kaya minsan, ka-jamming namin ang mga palaka pag oras ng klase. Maswerte din kami dahil nakaranas na kaming mag-klase sa open-area na likod-bahay. Siyempre may lilim 'yun.

Naalala ko, 1 is to 3 ang ratio ng lalaki sa babae. Kaya lahat kaming mga lalaki ay magbabarkada na rin, samantalang ang mga babae naman e may grupo-grupo pa yata. Pero all in all e masaya naman kaming buong klase. Mas madalas kaming magkasundu-sundo kesa sa mag-away-away. Hindi kami isolated sa isa't-isa kaya mas madalas e damay-damay kami sa kalokohan at academics.

Required kaming dalhin ang lahat-lahat ng mga notebooks, mga libro, at iba pang mga school paraphernalia araw-araw, kaya uso sa'min 'yung palakihan ng bag. Buti na lang at nabuhay ako sa panahong usong-uso 'yung "stroller" type na bag. May iba na backpack o knapsack pa rin 'yung gamit pero ayos lang 'yun. At siyempre, payabangan pa kami ng mga lunch boxes at water jugs. Ako, batang backpack ako (isa ngayon itong teyoriya ng mga siyentipiko kumbakit nakuba ako). Hindi halos uso ang paperclips, dahil "puncher-fastener" ang uso noon. Iba rin ang hitsura ng mga folder - kulay dilaw. Nakagamit na rin ako ng iba't-ibang uri ng papel - manila paper, crepe paper, papel de japon, art paper, bond paper, writing pad, cartolina. Maaga rin akong natuto kung pa'no ibalot ang mga libro at notebook ng plastic cover.

Karamihan sa amin ay pinagbabaon ala-lunch box, at ang iba sa amin ay binibigyan na lang ng pera. Araw-araw, naging baon ko 'yung sandwich na may palaman. Depende yata sa balitang showbiz ang palaman na inilalagay ng yaya ko du'n sa toasted tasty bread ko. Kapag masaya, keso. Kapag olats, mayonnaise kahit alam niyang ayaw na ayaw ko 'yun. Kaya nu'ng sinabi kong ayoko ng sistemang tinapay, napilitan tuloy akong magbitbit ng lunch box dahil kanin-at-ulam ang dala kong baon. Binibigyan naman ako ng pera, pero hindi ganu'ng kalaki kasi baka hindi naman pagkain ang ipambili ko. Ang problema naman, hindi ko na trip kainin 'yun pagdating ng lunch time kasi hindi na siya mainit. Ganu'n ako ka-arte. At ang naging final solution? Uuwi ako sa bahay tuwing lunch time. Pinapayagan lang kasing lumabas tuwing lunch time ang mga batang walking distance lang ang bahay. Buti na lang at isang likuan lang ang pagitan ng bahay namin sa school.

Kasabay sa mabilis na pag-unlad ng mga hormones sa katawan namin 'yung pagkakaroon ng mga crushes. Sa hindi malamang dahilan, sikat na sikat 'yung love team namin ng crush ko. Sa mga babae, siya kasi ang pinakamatalino. Sa mga lalaki, walang halong yabang o kung anuman, ako naman ang topnotcher. Kaya madalas, pinaglalaban o pinagpa-partner kami sa mga in-classroom activities. Naging mortal na kalaban ko siya sa Math (hindi pa ako bobo sa Math dati!), at naging tweetums partner ko siya tuwing may mga dance intermissions o field demonstrations. (Naging ka-"love team" ko siya hanggang sa nagtapos kami ng Elementarya.) "Puppy love" daw ang tawag sa ganu'n. Lagi pa akong nagpapasikat nu'n para lang mapansin niya ako. Isa tuloy siya sa naging dahilan kumbakit ginagalingan ko tuwing quizzes, lalo na kapag Spelling contests kasi du'n ako magaling. O kaya halimbawa, hihintayin ko siyang matapos sa exam, kapag ipapasa na niya, tsaka pa lang ako magpapasa. Sumisimple pa ako ng pagtabi sa kanya tuwing seating arrangement. Du'n ko lang unang narinig ang salitang "blush." "Uyyy!~ Nagba-blush!~" Namumula kaming dalawa kapag pinagtitripan kami ng buong klase kasama na pati 'yung adviser namin.

Kung ano naman ang itinalino ko, 'yun din ang iginulo ko. Lagi akong kasama sa listahan ng mga notorious troublemakers. Kasama ng mga tropapips kong kapwa-sabog sa Haw Flakes (oo, Haw Flakes!), kami ang nangunguna pagdating sa kalokohan. Minsan, gumawa kami ng napakaliit na butas sa may CR. Siyempre alam na 'yan. Ginawa na rin naming sketchbook 'yung pader ng CR dahil walang kaming habas kung mag-vandal. Sa dami ng obrang isinulat ko du'n, isa lang ang naalala ko. "Sige, tae ka!" tapos may arrow na nakaturo sa toilet bowl. (Wala pang nakaka-alam niyan hanggang ngayon, kaya 'wag mo akong isusumbong!) May milagro din kaming ginagawa sa CR, pero kung bastos ang iniisip mo, nagkakamali ka. Bawal kasi sa loob ng campus 'yung tex cards. Kaya halimbawang may mga undeground negotiations, trade-ins, o tex tournaments na magaganap, CR ang naging opisina namin. Bukod pa diyan sa may mga nagpupuslit ng porn magazine (hindi pa ako nakakarinig ng salitang "porn" dati, alam ko lang e "bold") at mga nagka-cutting classes para lang magpunta sa convenience store na malapit sa amin para makapag-Slurpee o kaya sa isang tagong lugar para mag-tex. Andyan din ang mga usual na bullies na walang ibang alam kundi mambulahaw ng mga kaklase.

Kung ang isang bansa ay may mga karampatang parusa para sa mga nagkasala, ganu'n din kami sa klase. Pinapatayo sa upuan, pinalalabas ng klase, minsan pa nga e diretso nang pinauuwi kung heinous crime na 'yung nagawa, pinaglilinis ng classroom mag-isa, pinapag-squat, at iba pa tulad ng pinakasikat sa lahat - bring your own parent. Natikman ko na yata ang halos lahat ng uri ng parusa. Siyempre bukod sa usual bullying at harap-harapang paglabag sa school regulations, counted ding pinarurusahan ang mga hindi gumagawa ng assignment, walang project, hindi nagdadala ng mga libro, at ang mga kahalintulad.

Uso sa'min ang tex cards. Street Fighter, Dragon Ball, Ghost Fighter, X-men, Power Rangers - dinaanan naming lahat sa tex 'yan. Para sa mga smalltime, isa-isa hanggang tatlo-tatlo ang tayaan. Para naman sa mga bigtime, pakapalan ang taya. The more you bet, the more you win or lose. Bukod diyan, dumaan din kami sa kausuhan ng jolens, goma, at gagamba. Problema nga lang, kumpiskado ang lahat-lahat ng 'yan kapag nagkahulihan. Didiretso 'yan sa crime lab - basurahan - kapag nahulihan ka. Buti pa 'yung mga babae sa amin, tsismisan at intrigahan lang ang uso sa kanila. Kaya para sa "clean physical fun," nakuntento kami sa taguan - ng gamit! Pero kung mapagkakasunduang magkaroon ng fun and games ang buong klase pagsapit ng uwian, pwede kaming maglaro ng taguan, open the basket, agawang beys, bulaklak, at kung anu-ano pang maisip namin kapag wala kaming maisip.

Ah, oo. 'Yan 'yung panahon ng "ice-candy craze." Halos bawat bahay sa amin ay may tindang ice candy. Kami rin, nagtitinda niyan, kasa ng yelo at "ice tubig." Nagtataka nga ako kumbait "ice tubig" ang tawag nila du'n. Adik din ako sa mamisong chichirya na hindi ko na maalala ngayon kung ano ang mga variants. Wala pa yatang squidball noon. Meron pa lang fishball, kikiam, at siomai. Tapos siyempre, 'yung candy na may dalawang tex.

Minsan, nakaka-miss 'yung panahong kasama pa sa school supplies na dapat mong bilhin ay ang music writing book at drawing book. Tapos pagandahan kayo ng lapis, pambura, pencil case, at bag. Tuwing kainan, umpukan kayo at sabay-sabay kakain. Pag-uwi, sasabayan mo 'yung crush mo o sasamahan mo hanggang dumating ang service ng isa sa inyo. Nakaka-miss 'yung pinupuri ka ng teacher kapag nagbo-volunteer kang magbura ng blackboard o 'yung pinasisigaw mo siya kapag maingay ka sa classroom. Magaling ka sa favorite subjects mo, dole-outs ka sa not-that-favorite subjects mo.

Karamihan sa mga ka-edad ko ay nagsasabing sinayaw daw nila ang isa o pareho sa mga kantang sinabi kong patugtugin mo (kaya kung hindi mo pa pinatutugtog, punta ka ulet sa itaas, patugtugin mo, at basahin mo uli ang entry na ito sa umpisa). Sa amin, sinayaw namin 'yung "Sweet Soul Revue" nu'ng Field Demonstration. Kahit bata pa lang ako, music-minded na ako. Alam ko ang mga usong kanta at genres dati. Nu'ng panahon 'yan mas uso ang mga dance songs. Sumunod naman ang OPM at ang mga old-school Pinoy banda na hindi hamak na mas maganda kesa sa mga banda ngayon. May mga Western songs na rin ako naririnig-rinig noon. Salamat sa kuya kong nagdya-jamming sa kausuhan ng Nirvana at Metallica. Kahit wala pa kaming cable TV, updated kami sa radyo. Ikaw ba, nasayaw mo ba 'yan?

Wednesday, June 27, 2007

Bits And Pieces #1

* 'Yung mga nagpa-tag po for the "Interview Me" questionnaires, namely, Nina, Mae, Czian, Chel, Edden, Jesse (ano'ng nangyari sa blog mo?), Ate Rho, and Habble, hintay-hintay lang po. Lubos ko pang pinag-iisipan ang mga tanong na naangkop sa inyo sa pamamagitan ng background research at global positioning system. Sana'y hindi niyo ito pagsisihan.

* Nu'ng Linggo, nakausap ko 'yung ilang crew sa Bubble Tea. Ayos, may mga friendly-friends na ako du'n. Magkakaroon na ako ng "Bubble Tea Chronicles" sa mga susunod na linggo. Ang first mission: maka-date si "crush" na crew du'n. Matatagpuan ang Bubble Tea sa Lower Ground Floor ng Megamall, malapit sa Skating Rink.

* Speaking of crush, alam niyo bang may listahan ako ng mga "crushes" na na-encounter ko rito sa blogosphere? Abangan kung sinu-sino sila. Pinag-iisipan ko pa kasi kung pa'no ko iba-blog 'to. Kung papangalanan ko ba with matching link love, o siguro mala-showbiz na "Da Who." Basta ito ang clue: mga babae sila na may mga blog. 'Yung iba, halata naman dahil madalas ko silang nababanggit dito. 'Yung iba, sinabi ko naman sa kanila. Tulad ni "idol." Kung papangalanan ko, baka kumuha sila ng mga hired gunmen at pagbabarilin ako isang araw. Kung hindi naman, baka may mag-comment ng "ay, killjoy?"

* Gustung-gusto ko 'yung weather kahapon (26 June). Ang nostalgic ng dating. Maaraw siya pero hindi mainit. Pakiramdam ko e bumata ako. O siguro dahil sa mga ala-alang nagbabalik.

* Sa totoo lang, parang ayoko nang ipagpatuloy ang pagba-blog ko. Wala na kasi akong masabing matino. Okay lang ba?

* Nitong mga nakaraang gabi, sunud-sunod ako nakakapanaginip ng masama. Hindi katulad ng iba na nanonood ng porn bago matulog, horror movies ang pinapanood ko. Sa pagkakataong ito, alam ko ang dahilan kumbakit ako dinadalas ng bangungot. Nagma-marathon kasi ako ng "The Exorcist" trilogy. Isang magandang trilogy na bumubuo nito ay ang (1) The Exorcist [1973], (2) The Exorcist III: Legion [1990], at (3) Dominion: Prequel To The Exorcist [2005]. 'Wag niyo nang panoorin 'yung "The Exorcist II" tsaka "Exorcist: The Beginning" dahil isa silang malaking FAIL, story-wise and statistics-wise.

* Nitong mga nakaraang araw din, tila yata lagi akong inaantok buong araw. May bago nang adjective na i-a-associate sa'kin: ANTUKIN-EVER.

* Sa isang banda, pareho kami ng kapalaran ni Kurt Cobain. Wala kasing maka-intindi ang totoong kahulugan ng mga gusto naming sabihin.

* Nu'ng nakita ko ang mga naggagandahang larawan ni "titah gandah," napasulat ko on-the-spot ng isang tula para sa kanya:

Sa gitna ng kadiliman
Kapag ang boses mo'y napakikinggan
Lahat ay maliliwanagan
Dahil sa taglay mong kagandahan

'Wag magagalit
Sa aking nasasambit
Sapagka't ayaw kong mawaglit
At sa kagandahan mo'y gusto kong madikit

Oh sinta kong Shelley
Ako'y hindi mapakali
Sa kariktan mo'y wala akong masabi
Talo mo pa si Aphrodite


* Palakpakan naman tayo diyan.

Thursday, June 14, 2007

Instant Swimming Pool

Natapos na nga ang panahon ng summer. Medyo. Kung tutuusin, ang init-init pa rin kasi at hindi pa gaanong umuulan. At kung nakatira ka rito sa may amin, ang isang malaking palatandaan na panahon na nga ng tag-ulan ay ang mala-Niagara Falls na baha. Grabe naman kasi 'yung baha rito. Ito 'yung tipong kahit barko ni Noah e lulutang. Diyahe. Kung dito lumubog ang Titanic, malamang e buhay pa halos ang mga tao nu'n.

Mga ilang linggo na rin ang nakakaraan, nakatambay kami ng aking pinakamamahal na matalik na kaibigang kabayo na si Jeff sa isang tapsihan du'n sa may Shaw Boulevard. Kalalabas lang namin noon ng SM Megamall at dito kami nagpasyang bumogchi nu'ng gabi. At 'yun, bumuhos ang isang napakalakas at galit na galit na bugso ng ulan. Ambush attack. Sarap na sarap kaming kumakain nu'n. Hotsilog kay Jeff, cornsilog naman 'yung sa'kin.

Nu'ng una, masarap nga ang pakiramdam. Masarap kumain ng kumain habang malamig ang panahong hatid ng bawat pagpatak ng ulan. Ngunit matapos ang ilang sandali, medyo nag-aalanganin na kami dahil unti-unti nang bumabaha sa open-area na kinalulugaran namin. Kakanta pa sana ako ng "Kung Ikaw Ay Masaya, Tumawa Ka" pero bigla akong binaril ni Jeff ng kalibre kwarenta'y singko. Pero siyempre pauso ko lang 'yan. Buti na lang at nasa silungan kami. Maya't-maya pa, nawalan na ng ilaw sa lugar. Pati 'yung Starmall sa may pagtawid, dedbol ang kuryente. Pero ayos din dahil masarap pa rin namang tumambay. Yosi na lang ang nagpapainit sa dibdib namin. Pinagmasdan namin ang mga nagsisitakbuhang tao habang nababasa sila sa tubig-bahang itinatalsik ng mga dumaraang sasakyan. Ka-text ko pa nu'n si Chuchay Kulet.

Makalipas na rin ang ilang saglit, sumukob na lang kami sa ulan dahil nag-aalala na ako. Baka kasi nababasa 'yung computer ko sa may bahay namin. Sumakay ng bus. Bumaba si Jeff sa Guadalupe. Traffic sa may Ayala Avenue.

Heto na ang masayang bahagi ng adventure ko nu'ng gabing 'yun.

HINDI AKO MAKABABA SA DAPAT KONG BABABAAN. Bakit? Nag-uumapaw na baha. Medyo lumampas pa 'yung bus nang ilang kanto bago ako tuluyang nakababa. Jumping Jupiter...


Buendia Avenue 'yan. Nag-uumapaw sa baha. Wala na akong ibang choice. Lumusong ako. Hanggang tuhod ang walangyang baha. Lusong... lusong... akyat... lusong... akyat... Malayu-layo rin ang nilakbay ko. Hindi na kasi makakatawid sa dapat kong tawiran dahil bukod sa rumaragasang baha e baka madamay pa ako sa problema ng mga motoristang nai-stuck sa kalsada. Nagmistulang submarine ang mga kotse nila. Kinakailangan ko pang ikutan 'yung ruta ko pauwi.

Intro pa lang 'yan...


'Yan ang bukana ng Dela Rosa Street corner Chino Roces Avenue (Pasong Tamo). Sa Dela Rosa Street kasi ako umuuwi. Kinakailangan kong pasukin at tawirin ang kahabaang 'yan dahil nasa kabilang dulo ang bahay namin (dahil nga inikutan ko). Hindi biro ang paglusong sa bahang halos umaabot na sa may "crotch" ko. Lusong... lusong... akyat... lusong... akyat...


Pagmasdang mabuti kung ano 'yan. Lapit pa. At kung hindi mo talaga na-gets kung ano 'yan, 'yan e ang mga paa kong nakalubog sa baha. Pinagtripan kong piktyuran ang sarili ko habang literal na lumalangoy sa baha. Kung si Bob Ong e may extension ng River Ganges, kami rito e extension ng Amazon River.


Rakenrol. Nakarating na rin ako sa may pintuan ng bahay namin. At 'yan ang harapan ng bahay namin.

Dalawang oras akong naligo bago ako pumasok sa kwarto...



Sidenotes

Nami-miss ko na si Chuchay Kulet. Para sa mahilig sa kakikayan, sana'y bisitahin niyo ang website niya. 'Pag ginawa niyo 'yun, parang binigyan niyo na rin ako ng lollipop.

May idinagdag na naman ako sa listahan ko ng mga "crushable idols." Si Chel.

Above all, I am still, and will always be, exclusive for her. I know, she could never forgive me anymore. But still, I miss her a lot. And I love her still.

Nakuha ko na 'yung schedule ko sa school. 6pm-9pm lagi 'pag weekdays. At anak naman ng bakang baog, may pasok ako 'pag Sabado. 11.30am-6pm. Haay, araw sana 'yun ng...

Tuesday, May 29, 2007

Hari Ng Tardiness

Wala akong partikular na schedule na sinusunod, bukod siyempre kung required katulad ng schedule sa school, sa trabaho, mga appointments sa takdang oras, mga napagkasunduang oras kapag makikipag-EB, at kung anupaman. Mas madalas, gumigising ako at natutulog kung kelan ko gusto. At tulad ng nabanggit ko dati, laging wala ako sa oras kung kumain nitong mga nakaraang araw. Naglalakwatsa ako kung kelan ko gusto, at (sa kasamaang palad), pumapasok ako sa school kung kelan ko gusto. Minsan, gumagawa naman ako ng time plan, pero 101% na hindi ko ito nasusunod. Halimbawa, magtatakda ako ng oras para mag-aral, manood, o anumang napagtitripan kong gawin. Madalas na kapag hindi ko ito nasusunod o nagagawa, nagagawa ko siya sa hindi takdang oras. Siguro late lang ng mga ilang... buwan? *ngisi* Dati, sinubukan kong gumawa ng schedule para sa lahat ng mga regular kong ginagawa. "Internet time sa ganitong oras, kain sa ganitong oras, labas sa ganitong oras, ay teka depende kung may pasok ako, ito ang mga oras ng gising at tulog ko." Pero nu'ng isusulat ko na sana, tinamad na lang ako bigla at naisip kong sabog nga pala ang mga ginagawa ko at hindi ko 'yun kayang ilista isa-isa.

"Tardiness is next to bitterness." 'Yan ang kantiyaw sa'kin ng mga barkada kong Hawi Boys. Lagi daw kasi akong late sa lahat ng oras ng usapan. Naisip ko minsan na ipinanganak akong may sariling timezone. Kapag napag-uusapan na magkikita-kita ang tropa halimbawa ng mga 2pm, madalas e 5pm na ako dumarating. Oh, ha?! Oo, aminado ako. May sakit talaga akong tardiness madness. Ito ang pinakaunang dahilan kumbakit mababa ang mga grades ko sa school kahit na kung tutuusin e may utak ako. Mas marami ang mga tardiness at maging mga absences ko kesa sa mga ipinapasok ko. At tulad ng maraming kapwa-estudyante, hari din ako ng cramming. Na-perfect ko na nga yata 'yung abilidad kong gumawa ng isang project sa loob ng dalawang oras na dapat e ginagawa ko ng dalawang buwan (naalala ko na naman 'yang thesis na 'yan). Ewan ko nga ba kung ano'ng meron sa mga ginagawa ko kaya ako laging nali-late bukod sa usual suspects tulad ng pagbababad ko sa PC, kabagalang kumilos, at katamaran.

Ibang usapan naman kung nakikipagkita ako sa mga ka-EB ko o sa kung sinuman ang girlfriend ko. Kahit papaano *ubo* *ubo* naman e dumarating ako sa takdang oras o mas maaga. Pero ayokong pag-usapan ang anumang may kinalaman sa lovelife kasi kalokohan lang 'yun basta ewan.

May animnapung segundo ang isang minuto, at animnapung minuto ang isang oras. Wala. Kunwari importanteng sabihin 'yan.

Nu'ng kelan lang, natutunan ko mula mismo sa sarili ko ang ilang masasakit na punto tungkol sa oras. Nalaman ko na kahit kailan, wala tayong kalaban-laban kung napaglipasan na ng oras ang anumang mahahalagang bagay sa buhay natin. Bawat tao at bagay pala sa mundo ay may kani-kanyang threshold sa paghawak ng oras at kung gaano katagal na silang nalipasan nito. Depende rin sa kung anumang sitwasyon ang andyan sa kasalukuyang panahon ang mga bagay-bagay (siyempre, malamang). Taliwas sa paniniwala ng nakararami, hindi akong naniniwalang hawak nating ang oras. Hawak tayo ng oras - diyan ako mas naniniwala. May kakayahan lang tayong gumawa ng mga bagay-bagay pero oras ang hahatol nito para sa'tin at oras ang magdidikta kung saan tayo dadalhin ng mga ginagawa natin. Ang oras ay isa sa mga bagay na kahit ano'ng pilit natin e hindi natin kayang hawakan. Wala ring makatutumbas sa lupit at abilidad ng oras. Ewan ko nga rin kumbakit mas mataas ang pagkakataong gumagawa tayo ng mga maling bagay sa tamang oras at gumagawa tayo ng mga tamang bagay kung kelan mali na ang oras para sa mga ito. 'Yan, sa palagay ko, ang nagpapa-anghang lalo ng buhay natin sa mundo. Kung tumugma ang mga ginagawa natin sa mga takda nitong oras, paniguradong wala tayong pagsisisihan pagdating ng panahon.

Sa huli kong failed relationship, in-emphasize nito ang tamang paggamit ng oras para gumawa ng tama. Nagkamali kasi dati kaya niya ako iniwan. Nu'ng maglaon, naisip ko na kinakailangan ko talagang magkamali at ipatikim sa'kin ang sakit ng biglaang pag-iwan para may matutunan ako. Pero ano ako ngayon? Ano pa bang paggagamitan ko nito ngayong wala na siya? Nasa huli pa rin ang pagsisisi (ayoko na sanang isulat 'yan dahil sooobrang laspag na pero ewan, siguro kasi required).

Wala tayong magagawa kung nalimutan na tayo ng mga tao nang dahil sa mahabang oras na lumipas. Hindi na rin natin maibabalik pa ang mga oras kung saan sana e may mga ginawa at hindi tayo ginawa. Hindi pabaliktad tumakbo ang oras.

Isa lang ang hindi ko maintindihan. Ano ang DAYLIGHT SAVINGS? (Unrelated...)

Tuesday, May 22, 2007

Alamat Ng Lasing Na Butiki

Sa kabila ng pag-backout ng aking pinakamamahal na matalik na kaibigang kabayo na si Jeff at isa pa naming kaibigan, itinuloy namin ng isang kaibigan na itatago ko na lang sa pangalang Renz ang aming lakad nitong nakaraang Sabado: gimmick night sa Eastwood Citywalk du'n sa Libis, Quezon City. Matagal-tagal na rin kasi akong hindi gumigimik. Siguro mga dalawang dantaon na ang nakalilipas. Hindi naman masamang libangin ang sarili sa ganitong paraan paminsan-minsan. Minarkahan ko ang gabing ito bilang paglimot sa humahabang listahan ng mga problema ko at humahabang panahon ng aking pagiging miserable at bitter sa alam-mo-naman-siguro-kung-ano-'yun (kung hindi pa, maaring makipag-ugnayan).

Mula sa Robinson's Place Manila, nagtungo muna kami sa Farmer's Plaza sa Cubao upang maghapunan dahil natitiyak naming wala kaming kakainan sa aming destinasyon. Meron naman, pero siguradong dolyares ang currency nila du'n at mamumulubi kami. At tulad ng nakagawian kapag dito ako napapadpad, naging hapunan ko ang aking paboritong Shark's Fin with rice du'n sa may food court. At matapos ang panandaliang pamamalagi, tuluyan na kaming lumarga tungong Libis.

Marami-rami na ang mga taong kapwa-nagsasayang ng oras nu'ng dumating kami du'n. Naalala ko dating araw-araw ako rito sa isang building upang sunduin ang dati kong girlfriend. Pero hindi counted 'yun sa kwento ko ngayon. Dahil medyo maaga-aga pa naman, nagtungo muna kami sa Powerstation (video game arcades) sa ano-nga-bang-building-'yon upang maglibang sa paglalaro ng Drummania at GuitarFreaks (simulation games ng drums set at gitara).

Matapos niyan, medyo naghanap pa kami ng maari naming puntahan upang simulan ang aming maitim na balak. Naisip kong simulan ang lahat sa Blue Onion Bar. Nahilu-hilo pa kami sa paghahanap nu'n. At nang makarating, pormal na naming sinimulan ang aming magdamagang bonding kapiling ang tig-isang bote ng beer. Kasabay sa ingay ng mga lasing na magbabarkadang lalaki, daldalan ng mga pagkaganda-gandang mga chicas, at dagundong na gawa ng kanilang resident DJ, nilibang namin ang mga sarili namin. Ito 'yung tipong kahit nakaupo lang ako ay nag-e-enjoy naman.

Lumabas muna kami pansamantala matapos ubusin ang beer upang matingnan kung may sunod kaming bar na mapapasukan. Tsaka na lang namin nalaman na medyo limitado ang kayamanang dala-dala ng mga wallet namin kung kaya't nagbalik na lang kami sa Blue Onion. Sa palagay ko, dito na nagsimula ang highlight ng gabing ito. Sinagot ni Renz ang juice na in-order namin. Orange Juice sa kanya, Mango Juice sa'kin. Sa mga oras na ito ay jam-packed na ang mga tao. May mga nagsasayawan nang mga chicas sa stage, may mga taong sumasayaw na lang kung saan sila nakatayo. At dahil nga plano kong magpasanib sa impluwensya ng ispirito, um-order ako ng mga shots ng Arctic Vodka Strawberry bilang Go-Signal sa pagpasok sa kakaibang mundo. Matapos ang ilang lagok, pakiramdam ko e parang may nag-flying kick na hippopotamus sa ulo ko dahil tinamaan na 'ko. Nagmukha na akong American Indian dahil ang pula ko na raw sa itim kong ito. Mala-chainsaw na rin ang pagyoyosi ko nu'n at kung anu-ano na raw ang mga pinagsasabi ko.

"Lovelife? Kalokohan lang 'yan..."

"Masarap maging bitter kasi hindi ka masasaktan sa wala at hindi ka magiging tanga."

"Bawal magreklamo sa mga bagay na ginusto mo at hinayaan mong mangyari."

"Bakit ka magmamahal ng totoohanan kung iiwanan ka rin naman?"

"Hindi mo ako masisisi. Nagmahal lang ako."

"Sobrang laki ba talaga ng naging kasalanan ko?"

"Pero alam mo sa totoo lang, kahit ginanun niya ako, sobrang mahal ko pa rin siya hanggang ngayon. Maybe right at this moment, she's out with somebody else out there. Napakasakit isipin. Pero 't*ngina mahal ko pa rin siya. Mahal ko pa rin siya..."

Siguro dahil walang ibang maisagot si Renz bukod sa "bitter ka lang talaga," um-order ulet siya ng pangalawang round ng vodka. Arctic Vodka Lemon naman sa pagkakataong ito. 'Langyang 'to, talagang lalasingin niya ako. Hindi ko rin inaakala na magagawa kong tumayo na lang bigla sa kinauupuan ko at magsayaw-sayaw. Mukha akong butiking nasa barbecue stick na iniikot sa ihawan. At dahil mas makapal na ang mukha ko kesa sa balat ng polar bear, isiniksik ko pa nga ang sarili ko sa magulo at masikip na grupo ng mga taong walang habas na nakikipagsayawan kung kani-kanino.

Nu'ng una, mukha akong timang dahil wala akong ibang kasayaw bukod sa babaeng nasa imahinasyon ko. Hindi ko na lang namalayan, nakikipagkiskisan na pala ako ng balikat sa babaeng nakakarami nang tapak sa sapatos ko. Buong tapang niya akong hinarap at sinayawan na parang kilala ko siya simula pagkabata. At dahil rakrakan na 'to, ako ngayon si bida-bidang nakipagsabayan sa kanya.

Siguro tinatawanan na lang ako ni Renz mula sa kinauupuan niya. Lalo naman akong nagulat nu'ng sumali ang kaibigan niyang babae. Dalawa tuloy silang kasayawan ko. Kulang na lang siguro e alukin ko silang magsayaw ng Tinikling kahit na pan-disco 'yung music.

Matapos ang ilang minutong kalokohan, nagbalik na ako sa upuan ko at nilagok ang natitirang ispirito. Ininom din ang natira kong mango juice upang tuldukan ang kalanguan ko. Ngayon lang ako nalasing ulit ng ganito. Pero hindi pa naman nangyayari sa'kin 'yung katulad ng iba na kapag sobrang lasing e... <*sigh*>. Basta. Parang walang pakialam sa mga taong nagmamahal pa rin sa kanila. Kinakailangan ko pang maging lubos na masama o bitter para diyan. (Aminado akong nagawa ko na 'yun dati.)

Nu'ng todo na akong nahilo, inalok na ako ni Renz upang magkape para ma-neutralize ang gumagapang na ispirito sa dugo ko. Lumabas na kami sa bar at nagtungo sa malapit na coffee shop upang uminom ng mainit na cafe latte. Sarap ng hagod. Medyo nagbalik sa totoong mundo at nawala ang pagiging tuliro ko. Naisip ko na sa loob ng mahigit apat na oras, nalimutan ko ang mga problema ko.

Matapos makapagpahinga, tuluyan na kaming umuwi.


Jake The Miserable Wasted

"Pag-uwi ko ng bahay, walang nadatnan sinuman... Kay bilis pala ng oras at 'di ko na namalayan... May mga bagay na sadyang 'di ko na maunawaan. Ang tanging paraan, kalimutan ang nakaraan..." (Join The Club, "Nakalimutan Ko Na Bang Magmahal?")

Friday, May 18, 2007

Ang Kawawa Kong PC

Napipikon na ako sa sakit ng computer ko. Mahigit isang buwan na siyang ganito. Bigla-bigla na lang siyang nagha-hang sabay magre-restart na wala namang dahilan. Una kong naisip na corrupted na ang operating system ko at hindi ko na rin nagagawa ang aking love-your-PC-on-a-Sunday habit (registry cleaning, spyware checking, virus checking, surface scan disk, disk defragmenter, system tweaking). Nu'ng una, hinayaan ko lang siya sa sakit niyang 'yan. Pero habang tumatagal, lalo lang akong napipikon na kung minsan ay sirang-sira na ang araw ko dahil diyan. Nagloloko siya kung kelan niya gusto, lalo na kung may mahalaga akong ginagawa katulad ng pagpo-program, pagba-blog, pakikipag-usap sa YM, pagda-download, pakikinig sa mga mp3s na kung hindi Japanese music ay mga kantang pam-bitter o pampogi, paghahanap ng date, at iba pa.

Full format ang una kong naisip na kasagutan. Pero hindi ito naging madali dahil meron akong mahigit-kumulang 60gb na personal files na katulad ng mp3s, movies (mahigit sampung Japanese cult films ang meron ako), videos, music videos, J-dorama series (meron akong "Great Teacher Onizuka" live action at "Ichi Rittoru No Namida [One Litre Of Tears]"), pictures, e-books, gulay, mais, bigas, sardinas, Toilet Duck, at mga random na mga files. At tumagal ng tumagal ang ganitong drama ng buhay namin ng PC ko. Kulang na daw siya sa lambing kaya siya nagpapa-pansin ng ganito. Nu'ng una, hindi gaanong madalas ang pag-atake ng sumpong nito. Kaya ayos lang. Pero nung kalaunan, ayan na. Padalas na ng padalas ang blue-screen-of-death-sabay-restart, hangaang sa dumating sa puntong sunud-sunud-sunod na siyang nangyayari. Anak ng motherboard.

Sa sobrang aburido ko sa kanya, kasabay ng sa mundo at sa lovelife ko, sinumpa ko siya sa pamamagitan ng pag-text sa mga kaibigan ko. "Pun**** ipapakilo ko na 'tong put********* computer na 'to! Leche!" Isa sa kanila ang sumagot ng "easy lang, p're. Heto at pahihiramin kita ng hard drive para ma-backup mo 'yang mga files mo at nang ma-format mo na 'yan." Parang bigla niya akong nabuhusan ng tubig. Naipahiram naman niya. Handa ko nang operahan ang PC kong naghihintay ng amnesty.

Backup. Hang. Backup. Hang. Tiis pa. Backup. Hang. Backup. Tiis-tiis pa. Dumating ang oras ng paghahatol. Huminga ako ng malalim, at sinimulan ko na ang operasyon. Matapos ang pag-format sa hard disk, in-install ko na ang operating system. Akala ko e magiging banayad na ang lahat at magbabalik na siya sa dating kagandang anyo. Hindi pala. NAGHA-HANG-SABAY-RESTART PA RIN SIYA SA KALAGITNAAN NG INSTALLATION! Makailang beses ding nangyari 'yan. Ubos na ang pasensya ko, pati ang pasensya ko para sa susunod na araw e inubos na niya. Pero walang-wala na akong magagawa pa. Wishful thinking na lang na makukumpleto niya ang operasyong ito at baka sakaling maisalba ko pa ang buhay niya. Makalipas ang ilang dantaon, nag-install din siya.

Pero wala. Andito pa rin ang problema niya sa utak. Nasolusyonan man ng full format ang iba pa nitong problema kagaya ng pagbabagal ng mga applications, andito pa rin ang kalunus-lunos na dagok sa kanyang pusong bakal. Napunta sa wala ang mga ibang files na napilitan kong burahin. At hindi ko rin magawang i-update ang operating system na 'to dahil... alam mo na. At dahil nga hindi siya nakatatanggap ng anumang uri ng updates, hindi ko magawang mai-install ang ibang mga programs na kinakailangan ko dahil hindi ito mapatakbo ng mabuti ng installer ng operating system ko.

Sa ngayon, ang isa sa mga iniisip kong pwede pang gawin ay pagpapalit nito ng memory nang sa gayon ay madagdagan na rin ang 512mb lang nito. Kung hindi pa ito uubra, baka siguro sa hard disk na 'to. At kung walang-walang-wala na talaga, aawit na lang ako ng "Silent Night" bilang tanda ng pagsuko.

Sa kasalukuyan, ito ang hitsura ng desktop ko:


Click to enlarge. Will open in a new window.


Ano'ng masasabi niyo sa hitsura ng desktop ko bukod sa wala siyang kalatoy-latoy at walang ka-kyeme-kyeme?

Monday, May 14, 2007

"Bobo Ang Bumasa Nito" Revisited: Bakit May Naka-School Uniform 'Pag Linggo?

64 megabytes lang ang kapasidad ng utak ko ngayon at wala akong hindi matinong maisulat para sa araw na ito. Ewan ko, nabutas yata ito at sumingaw ang lahat ng mga dapat ko talagang ikwento o isulat para sa araw na ito. Bukod diyan, recovering pa rin ako sa malawakang inuman namin na naganap sa bahay ng isang kaibigan nu'ng nakaraang Sabado na ikinasawi ng tatlong ipis, na siyang naging sanhi para hindi ko naibahagi ang aking "Mother's Day Special" na dapat e isusulat ko kinabukasan. Cool pa naman ang kwento ng nanay ko. Ngayong araw naman, ayoko lang makisabay sa "election sickness." Sa aftermath na lang ako babanat.



Bakit May Naka-School Uniform 'Pag Linggo?

Hanggang ngayon, natatawa ako kapag naalala ko 'to.

Sunday breezy afternoon ako nu'ng nag-siyesta. Nanaginip ako, pero hindi ko naalala. Basta school-related yata 'yun.

Nagising ako at tumingin sa bintana. Anlamig at makulimlim. High school student pa lang ako niyan at kinakailangang 7am ay nasa school na.

Pagkalabas ko ng kwarto, nakita ko ang kuya kong naglalaro ng Playstation. Naligo ako, nagplantsa ng uniform, at lumabas ng bahay. Siguro masyadong abala 'yung kuya ko sa paglalaro kaya hindi niya ako napansin. Final Fantasy VIII pa yata 'yun at napipikon siya sa hirap ng pagtalo kay Omega Weapon.

Nu'ng nakarating na ako sa gate ng condo namin...

Guard: Oy, Jake, ang aga mo ah?!
Jake: Ah, oo. Kelangang maaga ako sa school ngayon.
Guard: Hindi kaya sooobrang aga mo?
Jake: E ano'ng oras na ba?
Guard: Alas-sais kinse.
Jake: Oh, 6:30 pa lang, nasa school na dapat ako. Pasikat na ang araw, oh!
Guard: Ha? E palubog pa lang 'yan. Jake, Linggo pa lang ng gabi.

Anak ng bakang baog, akala ko Lunes na ng madaling-araw. Linggo pa lang pala ng gabi.

Hindi na ako nagtaka kumbakit tawa ng tawa ang lahat ng tao sa bahay namin nu'ng nag-almusal na kami. Este, hapunan pala.

Tuesday, May 8, 2007

Poké-Tiyan / Selpown

Poké-Tiyan

May problema yata ako sa bituka.

Nitong mga nakaraang araw, tila yata lagi akong ginugutom kahit na kaing-kargador ang appetite ko. Katulad na lamang nu'ng isang gabi, dalawa tatlong beses akong naghapunan. Nu'ng sumunod na araw, dalawang beses naman akong nananghalian.

Oo, matagal ko nang alam at tanggap na ang pagkain ko ay katumbas ng pagkain ng isang buong pamilya. Pero hindi ko talaga mawari ang sarili ko nitong mga nakaraang araw. Dumadalas ang paglabas ko sa madaling-araw para kumain ng tapsilog du'n sa personal kong paboritong tapsilugan. Siguro mga isa o dalawang oras makalipas ang mala-Loch Ness monster kong pagkain, nagugutom na naman ako. At ayon sa huling pagtatala, mahigit kumulang sa dalawang daang piso ang nagastos ko para lamang sa isang hapunan, du'n sa isang fastfood chain kung saan e masarap ang Beef Motong. Pinakamataas na gastos para sa isang fastfood chain. Nakakapagtaka pa dahil pangalawang hapunan ko na 'yun at simut-sarap-talaga ang mga in-order ko.

Hindi ko alam kung saan inilalagay ng bituka ko 'yung mga kinakain ko. Wala naman akong ibang bantay sa loob ng tiyan ko maliban na lang kina Bantay, Muning, at Pikachu. Wala rin naman akong mabigat na ginagawa bukod sa pagmukmok sa harapan ng PC at pakikipag-usap sa sarili habang natutulog. Ewan ko ba. Parang nag-e-evaporate 'yung mga kinakain ko.

Pero natutuwa rin naman ako kahit na papaano. Hindi ko na kasi kinakailangang alalahanin ang timbang at pagtaba dahil hindi uso sa'kin 'yun. Kahit na ga-halimaw ako kung kumain, hindi ako tumataba ni kaunti. Mabilis ang metabolismo. At dahil dito, may karapatan akong kainin ang lahat-lahat ng gusto kong kainin at kahit na gaano karami. Blessing in disguise pala kung tutuusin. I can eat, eat, eat without getting fat, fat, fat.



Selpown

Nitong Sabado, plano ko sanang magpabili ng memory modules at ipa-upgrade ang PC ko na ilang buwan na ring may sakit sa utak. Madalas kasing mag-hang 'tong PC ko, lalo na sa mga kritikal na panahon katulad ng pagpo-program ko o pagkikipag-chat sa mga celebrities sa YM. Nai-format ko na siya pero andito pa rin ang tuberculosis niya. At habang isinusulat ko ang entry na ito, isang beses na siyang nag-hang ngayong araw.

Poporma pa lang ako para magsabi, pero naunahan na ako. Ibibili daw ako ng bagong mobile phone. Ang 1gb DDR memory na sana'y ilalagay ko sa maysakit kong PC, naging mobile phone na may 1gb memory. Hindi na masama? Siguro. Umuwi akong may bagong phone.

Natuwa naman ako nu'ng una sapagkat nagsasawa na rin ako sa nauna kong phone. Bukod pa ito sa dahilang gusto ko ring magkaroon ng music player. Ngayon e may bago na akong phone na pwede ring music player. Hitting two birds with one stone. Pero matapos lamang ng ilang oras, naisip ko lang na kung tutuusin, hindi ko naman masyadong ginagamit ang phone ko. Wala naman kasing nagti-text sa'kin. Kung meron man, puro quotes naman. Wala naman akong kaso sa mga taong mahilig mag-forward ng mga quotes. Pero dumarating 'yung oras na naiirita na lang ako dahil ginagawa ko na lang bangko ng mga quotes 'tong phone ko. Kung tutuusin, mas matutuwa pa ako kung makakatanggap ako ng mga matitipid na mensahe katulad ng "Kamusta?" o "Magandang araw." o "Mamatay ka na, Jake." kesa sa mga quotes-quotes-quotes. Kahit naman ako e nagpapadala rin ng mga ganitong quotes, lalo na kung gusto kong iparating na "Hoy, buhay pa ako at nagpaparamdam." Pero kung nakakahalata na ako na wala na akong ibang natatanggap sa isang araw kundi ang mga ganitong klaseng mensahe, parang wala na ring saysay sa'kin ang cellphone ko. Sa opinyon ko, walang masama kung regular kang nagpapadala ng mga ganito. Pero ugaliin ding magpadala ng mas personal na mensahe sa mga taong madalas mong pinapadalhan nito.

Friday, May 4, 2007

Nakakita Ka Na Ba Ng Butiki Sa MRT?

Kung hindi pa, ibig sabihin, hindi mo pa ako nakakasabay sumakay rito. Isa ako sa mga madalas sumakay sa MRT, sa nakatatandang kapatid nitong LRT, at sa bunso nilang LRT 2.

Ito kasi ang pinaka-efficient na paraan ng transportasyon. Akalain mong mas mabilis pa ito kaysa mga pampasaherong sasakyan, sa mas murang pamasahe. Labinlimang piso lang ang pinakamataas na pamasahe, mula sa isang dulo hanggang sa kabila nito. Samantalang kapag ako ay sasakay mula rito sa’min sa may Buendia Avenue hanggang du’n sa may Cubao-Araneta, humigit-kumulang dalawampu’t-limang piso na agad ang damage. Sobrang tipid sa laki ng pagkakaiba. Aabutin din ako ng mahigit-kumulang kalahating oras na biyahe sa bus, samantalang humigit-kumulang naman sa sampu hanggang labinlimang minuto ang biyahe sa MRT. Kitang-kita ang ebidensya.

Madalas akong sumasakay sa MRT kapag pupunta ako sa SM Megamall, Shangri-La, Gateway Mall, Cubao, SM North EDSA, o sa kung saan mang nasa area of access ng tren. Sa Magallanes Station naman ang destinasyon ko kung uuwi ako sa’min. LRT naman ang mabisang paraan para magpunta ako sa Robinson’s Place Manila, SM Manila o SM San Lazaro mula Buendia Station, lalo na kung may ka-eyeball ako at sampung oras na akong late. Ang pinakagusto ko namang rail transit e ‘yung halos bago pa lang na LRT 2. Dito naman ako sasakay magmula sa Recto hanggang Gilmore para tumingin-tingin ng mga computers. Tatambay naman ako pagkatapos para tumingin-tingin ng mga chicas mula sa kalapit na paaralan. At kung chicas din naman ang pag-uusapan, marami sa kanila ang nakakasabay ko rito sa LRT 2. Siyempre, e malapit-lapit sa University Belt e. Ito ‘yung tipong kahit saan ako tumingin e may isa o isang grupo ng mga magagandang dilag na naka-uniform ang naghihintay na ligawan ko sa tingin. Kadalasan akong lumalabas ng tren na busog na busog ang mga mata.

Pinakagusto ko rin ‘yung sumasakay ako sa MRT kapag umaga. ‘Yung tipong halos kasisikat pa lang ng araw o ‘yung tipong mga bandang alas-otso pa lang ng umaga. Masarap kasi ‘yung ambience ng paligid. Pag-akyat mo sa hagdanan ng isang istasyon, sasalubong sa’yo ang sarap ng simoy ng hanging-umaga na kunwaring sariwa. At ang pinakamasaya sa lahat, masarap dumungaw sa kalunsuran na nilalakbay ng mga paningin mo mula sa loob ng tren. E ang kaso mo, umaga pa lang e sobrang siksikan na ang mga tao at halos punuan ang mga tren. Kadalasang mga dalawa o tatlong tren pa ang magdaraan bago pa ako makasakay, at kung makasakay man, siksikan pa rin.

Usapang siksikan, slam-an, mosh pit. Nakaka-sira talaga ng mood ‘yung tipong kahit karayom e hindi mo na mahulugan dahil sa sooobrang sikip. Gitgitan dito, tulakan du’n. At sa palagay ko, ikaw ang pinakamalas na pasahero kung ang mga nakapalibot sa’yo e ‘yung mga taong amoy 4:30pm na kahit na alas-diyes pa lang ng umaga. Malas mo rin kapag nasa gitna ka, dahil medyo malayo ka sa pinto at kung lalabas ka na, andyan ‘yung pakiramdam na parang maiiwanan ka na lang. Wala pa naman akong naririnig na mga documented cases na ganito, ‘yung lumapas sa destinasyon dahil naipit siya sa maraming tao. Pero may kilala akong lumampas sa kanyang bababaan, sa dahilang siya ay nakatulog. Hindi ko na ikukwento ‘yun dahil baka batukan niya ako ‘pag nabasa niya ‘to.

Naalala ko tuloy ‘yung isang araw, habang nakasakay ako sa tren na siksikan at Guadalupe ang susunod na hintuan nito. Pagbukas ng pinto, kakaunti lang ang mga lumabas, samantalang halos walang kahit isang makapasok. E may isang lalaki du’n, na nakita niya mula sa labas na pwede pa namang umurong pagitna ‘yung mga tao pero walang gumagalaw. Ipinagpipilitan niyang pumasok sa tren pero hindi makapasok ni ilong niya dahil sa sikip ng tao. Ang resulta: Nagmura siya ng malakas habang pasara ‘yung pinto. ‘Yung tipong p***** -- *sabay sarado ng pinto.* Nagtawanan kaming mga nasa loob.

Bago mo ipagpatuloy ang pagbabasa, isa munang Brain Blitz. Punan ng patlang ng tamang sagot: “Next station, Pedro Gil. Paki-ingatan lang po ang mga personal na gamit katulad ng mga ___ at _________. Ingatan na rin po ang ____________ na gagamitin sa paglabas ng tren. Maraming salamat sa patuloy na pagtangkilik sa LRT at isang magandang araw.”

Ibayong ingat lang ang kinakailangan sa lahat ng lugar at oras. At hindi exception ang LRT. Sa palagay ko, ang LRT ‘yung bad-ass ng mga magkakapatid na tren, dahil mas marami ang mga reports ng crime rates dito. Mas marami daw ritong mga mandurukot at mga mandurukot ng pwet. Minsang nakasakay ako sa LRT papuntang R. Papa Station kasama ang kaibigang mangga (dahil sa hugis ng mukha niya). E siksikan din ang mga tao at halos dikit-dikit ‘yung mga balat namin. Bigla kaming nagulat nu’ng may isang lalaking sumigaw na parang galing yata sa impyerno, “KAKAPASOK MO PA LANG, NAKAYAKAP KA NA!” Muntik na siyang ma-biktima ng isang mandurukot. E dahil madalas akong may toyo sa ulo, nagpasimuno ako ng kantiyaw. “OOYYY, diyan nagsisimula ‘yan. Puppy love.” Nagsunuran ‘yung mga tao sa kantiyaw ko. Ayos, bumenta ‘yung pauso ko. Nakaka-alerto nga lang ‘yung isa pang lalaki. “’Naku, ingat talaga kayo. Nawalan na ako ng cellphone kanina.” Walanghiya.

At kung kawalanghiyaan din lang naman ang pag-uusapan, wala naman ako masyadong kaso sa mga mandurukot at mga manyakis. Pero sino ba namang mag-aakala na may mga tao palang sobrang walanghiya na umuutot sa loob ng tren? Naka-encounter na ako nito, mga ilang beses na rin. Isa sa hindi ko malilimutan e ‘yung isang araw na nakasakay ako sa LRT papuntang SM San Lazaro. Maganda ang mood ko at masaya akong nanliligaw sa dalawang taga-St. Paul na chics – sa tingin, as usual. Bigla na lang kaming naka-langhap ng amoy na parang pinaglumaan na ng panahon. Anak ka naman ng tinapay. Nagtitinginan tuloy kaming lahat sa loob ng bus kung sino ang salarin. Hanggang sa mga sandaling ito, wala pang nakaka-alam. Ikaw na umutot nu’ng araw na ‘yun, kung nababasa mo ito ngayon, sana e nakapagbasa ka na rin ng mga libro tungkol sa etiquette, good manners and right conduct. Pero salamat sa’yo, tumingin sa’kin ‘yung dalawang St. Paul chics.

Sa medyo tinagal ko ng pagsakay sa mga tren na ito, medyo nakapag-develop na ako ng mga istratehiya tungo sa isang masayang paglalakbay. Kahit kailan, hindi ako nalalayo sa pintuan ng tren at nakatayo lang ako’t nakahawak sa handrails. Patigasan na ‘to. Hinding-hindi ako gagalaw kahit pison na ‘yung sasagasa sa’kin. Pero ibang usapan kung may isang magandang dilag. Siyempre, simpleng tabi. Kadalasan din akong nagtatabi ng mga barya – exact fare – para sa MRT. Pero ewan ko kung minsan, mas mabagal pa yata ‘yung Exact Fare Lane kaysa ordinaryong pila. Isa rin sa naging habit ko ‘yung pagsakay sa may pinakaunahang bahagi ng tren, ‘yung couch bago ‘yung sa mga for-girls-only. Lalo na kung sa Shaw Boulevard ang destinasyon ko. Dito kasi ‘yung pagbukas ng pinto, escalator na agad. At para dumungaw na rin sa kabilang couch at ibubulong ko sa sarili ko, “andyan kaya si Ms. Right?”

Sino’ng gustong makipag-eyeball?

Tuesday, May 1, 2007

Pinalo Ako Sa Pwet

[Addendum: Thanks to NostalgiaManila for having this featured on their website through my submission. You can see it HERE. You may leave your comments on either/both posts.]

Ang pinakaunang pagpaparusa na ginawa sa’kin nu’ng bata ako e ‘yung iniluhod ako sa munggo ng nanay ko. Siguro mga apat na taong gulang pa lang ako niyan. Nu’ng maglaon, umakyat na sa Level 2 ang parusang ito dahil idinagdag niya ang pagpapapasan sa’kin ng diksyunaryo sa kaliwang kamay ko at ang Banal na Biblya sa kanan habang nakaluhod sa asin.

Nu’ng maghiwalay ang mga magulang ko, lumaki naman ako sa piling ng mga kasambahay na hindi yata tumatagal sa’kin dahil sa talento ko sa katigasan ng ulo. Sa pagkaka-alala ko, laging kaming dalawa lang ng isang kasambahay ang naiiwan sa bahay dahil OFW pa noon ang tatay ko.

Isa sa mga paboritong nilang pagdidisiplina sa’kin ay ang pag-iwan sa’kin, mag-isa lang ako sa may tarangkahan ng bahay at madilim na silang uuwi. At dahil takot akong mag-isa sa dilim, madalas e dinadatnan akong humahagulgol. Umaabot yata sa New Zealand ang mga pagngangawa ko nu’n. Naging karaniwan na ring parusa sa’kin ang pagkakakulong sa madilim na CR mula anim na buwan hanggang isang taon.

Minsan namang lumagi ng matagal na panahon ang pinsang-buo ko sa bahay namin. Pinili niya kasi ang bahay naming bilang kanyang asylum. Siya ang nagtuloy sa pagpapalaki sa’kin, at siya rin ang nagturo sa’kin ng samutsaring mga bagay. Sa kanya rin ako nakatikim ng mala-Batas Militar na pandidisiplina. Ang sinturon ay ang primary weapon niya sa tuwing gagawa ako ng kapilyuhan, bukod sa napaka-generic na kurot at sampal.

Kung kasabayan kita ng panahon, malamang ay pinalaki ka sa siyesta, o ang compulsory na pagtulog sa tanghali. Ito ang isa sa mga pinaka-ayaw kong bahagi ng aking kabataan. Habang ang mga kaedaran ko ay masayang naglalaro at nagbibilad sa araw sa labas ng kanilang mga kural, pilit naman akong pinatutulog ng pinsan ko. Pinaka-ayaw ko ito dahil hirap na hirap naman talaga akong matulog sa tanghali. At kapag nalaman niyang hindi ako nakatulog sa tanghali, parusa niya sa’kin na hindi niya ako pinapabangon sa higaan hanggang 6pm. Saving grace ko ang boses ni Noli de Castro sa TV Patrol ito lagi ang nagsisilbing hudyat na napagsilbihan ko na ang sintensya ko. Kapag naman nakakatulog ako, reward niya sa’kin ang karapatang bumangon ng 4pm, lumasap ng masarap na merienda, at magsaya sa panonood ng mga cartoons (Shaider at Masked Rider Black naman kapag weekends).

Pinsan ko rin ang nagtaguyod at tumulong sa aking Primary School life. Tulad ng nabanggit, tinuruan niya ako ng maraming bagay. Personal ko siyang tutor bago ako pumasok sa school at bago matulog. Tinuruan niya akong magtali ng sintas, at kung hindi ko ito nagagawa ng tama, instant kurot ang naghihintay sa’kin. Nu’ng hirap na hirap naman ako sa pagkakabisa ng The Lord’s Prayer, Hail Mary, at Glory Be (nga ba ‘yung pamagat ng Glory be to the Father, to the Son, and to the Holy Spirit, blah-blah-blah), ipinabigkas niya ang mga ito sa’kin ng tig-i-isandaang beses bawat araw. Daig ko pa ang Holy Week dahil isang beses lang ang Pabasa. Mahigpit din ang pagbabawal sa’king maglaro ng Nintendo Family Computer kapag may mga mali akong sagot sa mga battery exams sa Algebra at English na araw-araw niyang binibigay.

Isa rin sa mga malaking issue sa’kin ang wastong pagkain. “Walang tabi-tabi!” ‘Yan ang opening remarks niya sa tuwing haharap na ako sa hapag-kainan. E hindi ako kumakain ng mga taba, mga atay at balun-balunan, at halos lahat ng uri ng gulay o kahit ano basta kulay green. Hindi na kataka-takang inaabot ako ng tatlong oras sa pagkain. Tinutulugan na yata ako ng guardian angel ko. Bawat pagsubo ng mga pagkaing nabanggit ay parang countdown ng kamatayan ko (napaka-aga naman sa edad kong pito na yata). Required na dapat maubos ang lahat ng nasa plato hanggang sa pinakahuling butil ng kanin. Ito ang isa sa mga dahilan kumbakit hindi ako nakakapanood ng Takeshi’s Castle sa Channel 13. Madalas din niya akong hindi pinalalabas ng kwarto kapag nakagagawa rin ako ng ibang mga krimen.

Nu’ng lumipat na ng tirahan ang pinsan ko, akala ko e magiging ayos na ang lahat. Magagawa ko na ang lahat-lahat ng mga trip kong gawin. Wala na akong siyestang aalahanin at makakain ko na ang mga gusto kong lang na ulam. Hindi pala.

Isang araw na lang, umuwi ang tatay ko mula abroad na may kasamang <*suspense music*> asawa at ang anak nila. Indonesian ang breed ng mga ito. Nu’ng una, maayos ang pakikitungo ng bago kong madrasta. Mabait. Pero nang maglaon, mas malala pa pala siya sa pinsan ko. Pakiramdam kong sumailalim ako sa Kamay Na Bakal.

Mahilig siya sa mga pagkaing sooobrang pina-anghang sa sili. Bawat ulam yata naming ay mayroong humigit-kumulang 32767 siling labuyo na mas mapula pa sa Valentine’s Day. Isa ito sa mga primary weapon niya dahil kapag hindi na naman ako kumain nang tama, asahan ko nang kakagat ako ng isang malupit na sili. Umabot yata ng sampung dekada ang anghang sa dila ko. Bukod dito, sa kanya rin ako nakatikim ng sinturon na ang ipinampapalo ay bakal. Bukol, pasa, at gasgas ang inaabot ng mura kong balat. Iniumpog na rin ako sa ulo kapag nagpa-power trip siya. Sa pagkakaalala ko, sintalim yata ng katana ‘yung mga kuko niyang ipinangkukurot sa’kin kapag ako naman ang nagpa-power trip sa “kapatid” ko. Magkatulad din sila ng pinsan ko sa pagdidisiplina sa’kin sa usapang siyesta. Naging ganito ang mga uri ng pagdidisiplina sa’kin hanggang sa tuluyan na akong grumaduweyt sa kanya nu’ng Grade 5. Naghiwalay sila ng tatay ko at ibinalik siya sa kanyang pinanggalingan. Parang nabunutan na ako ng tinik dahil sa nangyaring ‘yan.

Swerte ko lang, hindi ako nakatikim ng pisikal na parusa sa school tulad ng mga ikinukwento sa’tin ng mga magulang natin. Isa sa mga naging pagdidisiplina sa’kin sa loob ng paaralan ay ang pagpapalabas sa’kin sa classroom sa tuwing maingay ako kasama ng mga usual suspects. Pinaglinis na rin ako ng classroom nang isang linggo – mag-isa! Bukod pa ito sa pagpapahiya sa’kin sa buong klase kapag hindi ako gumagawa ng assignment. Kaya siguro hindi ako nakaka-porma sa mga nagiging crush ko. Naalala ko, minura ako nang adviser ko nu’ng Grade 4 ako nu’ng pinagtripan ko ang kaklase kong uhugin. Nakita ko na ring lumipad ang lahat ng mga kagamitan ko palabas ng classroom matapos akong sigawan ng teacher ko sa Filipino na “MAKAKAUWI KA NA!” nu’ng Grade 5 ako. Pinatayo na rin ako sa upuan, sa pintuan ng classroom namin, sa may main entrance ng school namin, at maging sa talahiban.

Lumipas ang napakaraming taon. Pero patuloy pa rin akong – tayong – dinidisiplina at pinapalo. Iba-ibang mga tao, iba-ibang mga oras, iba-ibang mga sitwasyon, iba-ibang mga pagkakataon. Alam nating lahat ang mga layunin nila kumbakit nila tayo pinapalo sa pwet. Gusto nila tayong tumino. May mga bagay silang gusting ituro sa’tin, at kung matigas ang ulo natin at ayaw makinig, dinidisiplina nila tayo upang hindi na nating ulitin ang mga pagkakamali. Kinakailangan nilang gawin ‘to upang kolektahin natin ang mga sarili, mag-isip, at isapuso ang mga aral na itinuturo nila sa’tin. Ganito sila magpa-alala sa mga bagay-bagay sa mundo.

Sa mga nabanggit ko sa itaas, wala sa kanila ang nakapagparanas sa’kin ng pinakamasakit na palo, bugbog, o kurot. Para sa’kin, wala nang mas sasakit pa kapag sinampal ka ng katotohanan. ‘Yung tipong masakit na ngang isipin dahil totoo, isasampal pa ito sa’yo. Minsan na akong sinampal ng katotohanang binigo ko ang magulang ko sa kanilang mga gustuhin para sa’kin. Sinampal ako ng katotohanang patay na ang matalik kong kaibigan nu’ng High School. At ang pinakamasakit sa lahat, not-so-long ago ay sinampal ako ng katotohanan nu’ng makita ko ang babaeng minamahal ko na may kasama iba. Bukod ‘yan sa napakarami pang ibang mga bagay. Masakit. Sobra. Masakit ang pakiramdam sa tuwing isasampal ang katotohanan na hindi lahat ng mga bagay na gusto natin ay makakamit natin. Marapat lang na matuto tayong tanggapin ang mga bagay-bagay na ayaw natin.

Pinakamasakit na palo ang pagsampal ng katotohanan…

Friday, April 27, 2007

Sniper Rifle

Ang weirdo ng panaginip ko kagabi...

Ang timeline ng panaginip ko ay ang kasalukuyan nating panahon, ngunit ang girlfriend ko daw ay 'yung naging girlfriend ko (nga ba?) mga dalawang taon na ang nakakaraan (clue: naging model siya para sa isang telecommunications company at tindahan ng mga alahas d'yan sa may Glorietta). Ang set-up namin: nagdi-date kami, paligid-ligid rito sa Makati, ngunit lagi kaming sinusundan ng ex-boyfriend niyang deranged at sobrang obsessive. At sa sobrang kasiraan ng ulo ng lalaking ito, naging pakay niya ang harapang pagpatay sa'kin. Nu'ng minsan daw na nakatambay kami ni "girlfriend" sa harapan ng school namin na nasa Buendia Avenue, biglang may nakita akong bala na tumama malapit sa paa ko. SNIPER MODE PALA ANG WALANDYONG EX. Nasa katapat siyang gusali at kitang-kitang nakatutok sa'kin ang sniper rifle niya. At dahil sa panic, sumilong kaming dalawa ni "girlfriend" sa loob ng school namin at hindi na muling lumabas. Eh may naka-park na space ship sa may likuran ng school namin. Sinakyan namin 'yun, pinaandar, at dumiretso sa outer space. Jumping Jupiter!

Nagising nitong umaga at napaupo. Sobrang bilis ng kabog ng puso ko at nararamdaman ko pang nanginginig ang mga paa ko.

Sinubukan kong alamin ang motibo kumbakit ako nanaginip ng ganu'n. At sa palagay ko, medyo may idea ako. Ngayon kasi, mayroon akong kaibigan na may sobrang possessive na ex-boyfriend. Schizophrenic (split personality) pa nga daw, sabi niya. Wala na silang relasyon, ngunit patuloy sa pagkontrol ng buhay ng kaibigan ko 'tong ex niya. At itong kaibigan ko, wala siyang magawa dahil takot siya sa lalake. Ayon sa kanya, "may alas daw itong pinanghahawakan." Eh kahapon, kasama ko siya at nang best friend kong kabayo na si Jeff sa may SM Manila. Nasabi ko yata sa kaibigan kong 'to na "baka sinusundan tayo ng ex mo, kaya hindi na ako magugulat kung masa-salvage ako."

Medyo alam ko ang itatanong niyo. "Ano'ng connect?"

Wednesday, April 25, 2007

Kaibigan, Usap Tayo.

Hindi, hindi ako ‘yung best friend ni Kris Aquino.

Isa sa mga nagpapagaan at nagpapasaya sa’tin ay ang mga kaibigan sa paligid natin. Hindi maiiwasan na may (malaking) bahagi ng buhay natin ang nakadepende sa kanila. Bukod sa ating pamilya, ang mga kaibigan ay ang mga taong nakikibahagi sa oras na inilalagi natin rito sa mundo. Kasabayan natin sila sa kung anuman ang trip nating gawin - kaututang-dila mo sa kwentuhan, ka-jamming mo sa kainan, kasipaan mo sa pagtulog, kakopyahan mo sa klase, kaulayaw mo sa kaharutan, kakumpisalan mo sa lovelife, at kung anu-ano pa. Sila ang mga kapwa mong nagsasayang ng oras sa mundo.

Kaibigan ka nila kapag apektado ka sa mga nangyayari sa kanila. Sa isang tawag lang, to-the-rescue ka agad kung may mga sitwasyon silang kinasasangkutan. Mula sa pag-iyak nila dahil sa breakup hanggang sa pagkaka-aresto nila at pagkakadala sa presinto, hanggang sa tagumpay nila sa kanilang mga prayer requests, sinisigurado natin na madarama nilang hindi natin sila napag-iiwanan sa ere. Maraming salamat sa biglaang pag-usbong ng text messaging at teknolohiyang katulad ng Friendster na mas mabilis pang umaksyon kaysa mga pulitiko natin, mas nagiging malapit at updated tayo sa kanila. Isinasa-alang-alang natin ang kapakanan at ikabubuti nila. Minsan pa nga ay inuuna pa natin sila higit sa ibang pang mahahalagang bagay katulad ng pamilya, trabaho/pag-aaral, pamimili ng mga pirated DVDs, o maging mga sarili natin. Ikaw man, kung batung-bato ka na sa buhay mo at sana ay naging buni ka na lang, kadalasan natin silang hinahanap upang damayan tayo at bawasan ang pakiramdam ng pag-iisa. Maaring gumala sa mga mall, magkape sa Greenbelt, mag-sleepover sa bahay, o mag-grand escape sa mga liblib na kagubatan. Kaibigan. Alam nating laging andyan para sumuporta at gumabay sa’tin.

Ngunit nu’ng kelan lang, isang kaganapan ang nakapagbigay sa’kin ng mga katanungan. “Hanggang saan nga ba ang panghahawakan mo sa buhay ng kaibigan mo?” “Anu-ano nga ba ang mga bagay na maari nating pakialaman at alin ang mga hindi?” At marami pang iba. Napaisip tuloy ako.

Sabihin man natin na kaibigan natin sila at pinahahalagahan natin ang nararamdaman nila, wala rin tayong magagawa kung saan sila lubos na magiging masaya. Sa opinyon ko, ang layunin natin bilang mga kaibigan nila ay tulungan sila sa pagpapasya sa mga bagay na naguguluhan sila, at ibahagi sa kanila ang ating mga karanasan upang makatulong sa sitwasyon nila. Ngunit sa bandang huli, nasa sa kanila pa rin ang huling pagpapasya. Tinutulungan lang natin sila sa kanilang pagpapasya, at hindi tayo ang magpapasya para sa kanila. Gaano man kalalim ang kaalaman natin sa sitwasyon nila, anumang bagay na gawin at sabihin ng lahat ng mga taong sangkot ay magdidikta kung ano ang susunod na mangyayari sa mga kaibigan natin. Siyempre, iniiwasan nating ang mga bagay na makasasama sa’ting mga kaibigan, tama ba? (Boses ni Jeff: “Am I right or am I right?”)

Isipin mo, hindi ba nakalulungkot isipin na may mga nasisirang relationships nang dahil sa impluwensya ng mga kaibigan? Sa parehong dahilan, hindi ba nakalulungkot ding isipin na may mga nasisirang pagkakaibigan nang dahil sa relationship? Higit na nahihirapan ang taong kinakailangang mamili ng lugar – kung susundan niya ang pintig ng puso o susundan ang tawag ng mga kaibigan.

Ang tangi na lang nating magagawa bilang mga kaibigan ay unawain sila sa abot ng ating makakaya. Kung naguguluhan sila sa mga bagay-bagay, tulungan natin sila based on what we have known, what we have learned, and what we have experienced. (Boses ulit ni Jeff: “Jake, English ‘yun, ah?! Nakakaintindi ka pala nu’n?!”) Kung hinahangad natin ang kaligayahan nila, mas mainam kung hahayaan natin sila sa kung saan sila mas magiging maligaya. Pero siyempre, kinakailangan din natin gamitin ang utak (lagi naman dapat), na kung sa palagay at pagkakaalam natin ay mali na ang ginagawa nila at hahantong ito sa kanilang kapahamakan o sa mga bagay na ikasasama nila, bigyan niyo ng karapatan ang sarili para ihango sila sa nakaabang kasawian. Sa mga ganyang pagkakataon, mag-isip tayo ng mabuti at subukang lawakan ang pag-unawa. Kung saan sila masaya, suportahan natin dahil gusto natin silang maging masaya, ‘di ba? ‘Yun ang isa sa mga pwede nating gawin bilang mapag-unawang kaibigan.

Mula sa “Wentong Walang Wenta” moments:

* Naranasan ko nang kaayawan ng mga kaibigan ng naging girlfriend ko.
* Naranasan ko na ring mawalan ng girlfriend dahil sa impluwensya at pandidikta ng mga “kaibigan” na kung tutuusin ay one-sided pala.
* Nu’ng High School days, ako ang dakilang taga-sulat ng mga love letter para sa mga kaibigan ko.
* May best friend akong kabayo…
* …na alam kong laging andyan para sa’kin. Ang isa sa sikreto ng matagumpay naming pagkakaibigan ay ang pagsuporta sa kung anuman ang ibig naming gawin sa buhay.
* Bukod sa nabanggit kong pangyayari nu’ng kelan lang, ang isa sa mga naging inspirasyon ko para sa paksang ito ay ang sinabi sa’kin ng best friend ko nu’ng minsan sobrang bitter ako. Ayon sa kanya, “kaming mga kaibigan mo ay lagi lang andyan para tulungan ka. Pero sa bandang huli, ikaw pa rin ang magde-desisyon sa buhay mo. Tulungan mo rin sana 'yang sarili mo. Hanggang kelan ka magiging ganyan? Kung hanggang kelan mo gusto.”

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails