Friday, April 27, 2007

Sniper Rifle

Ang weirdo ng panaginip ko kagabi...

Ang timeline ng panaginip ko ay ang kasalukuyan nating panahon, ngunit ang girlfriend ko daw ay 'yung naging girlfriend ko (nga ba?) mga dalawang taon na ang nakakaraan (clue: naging model siya para sa isang telecommunications company at tindahan ng mga alahas d'yan sa may Glorietta). Ang set-up namin: nagdi-date kami, paligid-ligid rito sa Makati, ngunit lagi kaming sinusundan ng ex-boyfriend niyang deranged at sobrang obsessive. At sa sobrang kasiraan ng ulo ng lalaking ito, naging pakay niya ang harapang pagpatay sa'kin. Nu'ng minsan daw na nakatambay kami ni "girlfriend" sa harapan ng school namin na nasa Buendia Avenue, biglang may nakita akong bala na tumama malapit sa paa ko. SNIPER MODE PALA ANG WALANDYONG EX. Nasa katapat siyang gusali at kitang-kitang nakatutok sa'kin ang sniper rifle niya. At dahil sa panic, sumilong kaming dalawa ni "girlfriend" sa loob ng school namin at hindi na muling lumabas. Eh may naka-park na space ship sa may likuran ng school namin. Sinakyan namin 'yun, pinaandar, at dumiretso sa outer space. Jumping Jupiter!

Nagising nitong umaga at napaupo. Sobrang bilis ng kabog ng puso ko at nararamdaman ko pang nanginginig ang mga paa ko.

Sinubukan kong alamin ang motibo kumbakit ako nanaginip ng ganu'n. At sa palagay ko, medyo may idea ako. Ngayon kasi, mayroon akong kaibigan na may sobrang possessive na ex-boyfriend. Schizophrenic (split personality) pa nga daw, sabi niya. Wala na silang relasyon, ngunit patuloy sa pagkontrol ng buhay ng kaibigan ko 'tong ex niya. At itong kaibigan ko, wala siyang magawa dahil takot siya sa lalake. Ayon sa kanya, "may alas daw itong pinanghahawakan." Eh kahapon, kasama ko siya at nang best friend kong kabayo na si Jeff sa may SM Manila. Nasabi ko yata sa kaibigan kong 'to na "baka sinusundan tayo ng ex mo, kaya hindi na ako magugulat kung masa-salvage ako."

Medyo alam ko ang itatanong niyo. "Ano'ng connect?"

Wednesday, April 25, 2007

Kaibigan, Usap Tayo.

Hindi, hindi ako ‘yung best friend ni Kris Aquino.

Isa sa mga nagpapagaan at nagpapasaya sa’tin ay ang mga kaibigan sa paligid natin. Hindi maiiwasan na may (malaking) bahagi ng buhay natin ang nakadepende sa kanila. Bukod sa ating pamilya, ang mga kaibigan ay ang mga taong nakikibahagi sa oras na inilalagi natin rito sa mundo. Kasabayan natin sila sa kung anuman ang trip nating gawin - kaututang-dila mo sa kwentuhan, ka-jamming mo sa kainan, kasipaan mo sa pagtulog, kakopyahan mo sa klase, kaulayaw mo sa kaharutan, kakumpisalan mo sa lovelife, at kung anu-ano pa. Sila ang mga kapwa mong nagsasayang ng oras sa mundo.

Kaibigan ka nila kapag apektado ka sa mga nangyayari sa kanila. Sa isang tawag lang, to-the-rescue ka agad kung may mga sitwasyon silang kinasasangkutan. Mula sa pag-iyak nila dahil sa breakup hanggang sa pagkaka-aresto nila at pagkakadala sa presinto, hanggang sa tagumpay nila sa kanilang mga prayer requests, sinisigurado natin na madarama nilang hindi natin sila napag-iiwanan sa ere. Maraming salamat sa biglaang pag-usbong ng text messaging at teknolohiyang katulad ng Friendster na mas mabilis pang umaksyon kaysa mga pulitiko natin, mas nagiging malapit at updated tayo sa kanila. Isinasa-alang-alang natin ang kapakanan at ikabubuti nila. Minsan pa nga ay inuuna pa natin sila higit sa ibang pang mahahalagang bagay katulad ng pamilya, trabaho/pag-aaral, pamimili ng mga pirated DVDs, o maging mga sarili natin. Ikaw man, kung batung-bato ka na sa buhay mo at sana ay naging buni ka na lang, kadalasan natin silang hinahanap upang damayan tayo at bawasan ang pakiramdam ng pag-iisa. Maaring gumala sa mga mall, magkape sa Greenbelt, mag-sleepover sa bahay, o mag-grand escape sa mga liblib na kagubatan. Kaibigan. Alam nating laging andyan para sumuporta at gumabay sa’tin.

Ngunit nu’ng kelan lang, isang kaganapan ang nakapagbigay sa’kin ng mga katanungan. “Hanggang saan nga ba ang panghahawakan mo sa buhay ng kaibigan mo?” “Anu-ano nga ba ang mga bagay na maari nating pakialaman at alin ang mga hindi?” At marami pang iba. Napaisip tuloy ako.

Sabihin man natin na kaibigan natin sila at pinahahalagahan natin ang nararamdaman nila, wala rin tayong magagawa kung saan sila lubos na magiging masaya. Sa opinyon ko, ang layunin natin bilang mga kaibigan nila ay tulungan sila sa pagpapasya sa mga bagay na naguguluhan sila, at ibahagi sa kanila ang ating mga karanasan upang makatulong sa sitwasyon nila. Ngunit sa bandang huli, nasa sa kanila pa rin ang huling pagpapasya. Tinutulungan lang natin sila sa kanilang pagpapasya, at hindi tayo ang magpapasya para sa kanila. Gaano man kalalim ang kaalaman natin sa sitwasyon nila, anumang bagay na gawin at sabihin ng lahat ng mga taong sangkot ay magdidikta kung ano ang susunod na mangyayari sa mga kaibigan natin. Siyempre, iniiwasan nating ang mga bagay na makasasama sa’ting mga kaibigan, tama ba? (Boses ni Jeff: “Am I right or am I right?”)

Isipin mo, hindi ba nakalulungkot isipin na may mga nasisirang relationships nang dahil sa impluwensya ng mga kaibigan? Sa parehong dahilan, hindi ba nakalulungkot ding isipin na may mga nasisirang pagkakaibigan nang dahil sa relationship? Higit na nahihirapan ang taong kinakailangang mamili ng lugar – kung susundan niya ang pintig ng puso o susundan ang tawag ng mga kaibigan.

Ang tangi na lang nating magagawa bilang mga kaibigan ay unawain sila sa abot ng ating makakaya. Kung naguguluhan sila sa mga bagay-bagay, tulungan natin sila based on what we have known, what we have learned, and what we have experienced. (Boses ulit ni Jeff: “Jake, English ‘yun, ah?! Nakakaintindi ka pala nu’n?!”) Kung hinahangad natin ang kaligayahan nila, mas mainam kung hahayaan natin sila sa kung saan sila mas magiging maligaya. Pero siyempre, kinakailangan din natin gamitin ang utak (lagi naman dapat), na kung sa palagay at pagkakaalam natin ay mali na ang ginagawa nila at hahantong ito sa kanilang kapahamakan o sa mga bagay na ikasasama nila, bigyan niyo ng karapatan ang sarili para ihango sila sa nakaabang kasawian. Sa mga ganyang pagkakataon, mag-isip tayo ng mabuti at subukang lawakan ang pag-unawa. Kung saan sila masaya, suportahan natin dahil gusto natin silang maging masaya, ‘di ba? ‘Yun ang isa sa mga pwede nating gawin bilang mapag-unawang kaibigan.

Mula sa “Wentong Walang Wenta” moments:

* Naranasan ko nang kaayawan ng mga kaibigan ng naging girlfriend ko.
* Naranasan ko na ring mawalan ng girlfriend dahil sa impluwensya at pandidikta ng mga “kaibigan” na kung tutuusin ay one-sided pala.
* Nu’ng High School days, ako ang dakilang taga-sulat ng mga love letter para sa mga kaibigan ko.
* May best friend akong kabayo…
* …na alam kong laging andyan para sa’kin. Ang isa sa sikreto ng matagumpay naming pagkakaibigan ay ang pagsuporta sa kung anuman ang ibig naming gawin sa buhay.
* Bukod sa nabanggit kong pangyayari nu’ng kelan lang, ang isa sa mga naging inspirasyon ko para sa paksang ito ay ang sinabi sa’kin ng best friend ko nu’ng minsan sobrang bitter ako. Ayon sa kanya, “kaming mga kaibigan mo ay lagi lang andyan para tulungan ka. Pero sa bandang huli, ikaw pa rin ang magde-desisyon sa buhay mo. Tulungan mo rin sana 'yang sarili mo. Hanggang kelan ka magiging ganyan? Kung hanggang kelan mo gusto.”

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails