Tuesday, May 29, 2007

Hari Ng Tardiness

Wala akong partikular na schedule na sinusunod, bukod siyempre kung required katulad ng schedule sa school, sa trabaho, mga appointments sa takdang oras, mga napagkasunduang oras kapag makikipag-EB, at kung anupaman. Mas madalas, gumigising ako at natutulog kung kelan ko gusto. At tulad ng nabanggit ko dati, laging wala ako sa oras kung kumain nitong mga nakaraang araw. Naglalakwatsa ako kung kelan ko gusto, at (sa kasamaang palad), pumapasok ako sa school kung kelan ko gusto. Minsan, gumagawa naman ako ng time plan, pero 101% na hindi ko ito nasusunod. Halimbawa, magtatakda ako ng oras para mag-aral, manood, o anumang napagtitripan kong gawin. Madalas na kapag hindi ko ito nasusunod o nagagawa, nagagawa ko siya sa hindi takdang oras. Siguro late lang ng mga ilang... buwan? *ngisi* Dati, sinubukan kong gumawa ng schedule para sa lahat ng mga regular kong ginagawa. "Internet time sa ganitong oras, kain sa ganitong oras, labas sa ganitong oras, ay teka depende kung may pasok ako, ito ang mga oras ng gising at tulog ko." Pero nu'ng isusulat ko na sana, tinamad na lang ako bigla at naisip kong sabog nga pala ang mga ginagawa ko at hindi ko 'yun kayang ilista isa-isa.

"Tardiness is next to bitterness." 'Yan ang kantiyaw sa'kin ng mga barkada kong Hawi Boys. Lagi daw kasi akong late sa lahat ng oras ng usapan. Naisip ko minsan na ipinanganak akong may sariling timezone. Kapag napag-uusapan na magkikita-kita ang tropa halimbawa ng mga 2pm, madalas e 5pm na ako dumarating. Oh, ha?! Oo, aminado ako. May sakit talaga akong tardiness madness. Ito ang pinakaunang dahilan kumbakit mababa ang mga grades ko sa school kahit na kung tutuusin e may utak ako. Mas marami ang mga tardiness at maging mga absences ko kesa sa mga ipinapasok ko. At tulad ng maraming kapwa-estudyante, hari din ako ng cramming. Na-perfect ko na nga yata 'yung abilidad kong gumawa ng isang project sa loob ng dalawang oras na dapat e ginagawa ko ng dalawang buwan (naalala ko na naman 'yang thesis na 'yan). Ewan ko nga ba kung ano'ng meron sa mga ginagawa ko kaya ako laging nali-late bukod sa usual suspects tulad ng pagbababad ko sa PC, kabagalang kumilos, at katamaran.

Ibang usapan naman kung nakikipagkita ako sa mga ka-EB ko o sa kung sinuman ang girlfriend ko. Kahit papaano *ubo* *ubo* naman e dumarating ako sa takdang oras o mas maaga. Pero ayokong pag-usapan ang anumang may kinalaman sa lovelife kasi kalokohan lang 'yun basta ewan.

May animnapung segundo ang isang minuto, at animnapung minuto ang isang oras. Wala. Kunwari importanteng sabihin 'yan.

Nu'ng kelan lang, natutunan ko mula mismo sa sarili ko ang ilang masasakit na punto tungkol sa oras. Nalaman ko na kahit kailan, wala tayong kalaban-laban kung napaglipasan na ng oras ang anumang mahahalagang bagay sa buhay natin. Bawat tao at bagay pala sa mundo ay may kani-kanyang threshold sa paghawak ng oras at kung gaano katagal na silang nalipasan nito. Depende rin sa kung anumang sitwasyon ang andyan sa kasalukuyang panahon ang mga bagay-bagay (siyempre, malamang). Taliwas sa paniniwala ng nakararami, hindi akong naniniwalang hawak nating ang oras. Hawak tayo ng oras - diyan ako mas naniniwala. May kakayahan lang tayong gumawa ng mga bagay-bagay pero oras ang hahatol nito para sa'tin at oras ang magdidikta kung saan tayo dadalhin ng mga ginagawa natin. Ang oras ay isa sa mga bagay na kahit ano'ng pilit natin e hindi natin kayang hawakan. Wala ring makatutumbas sa lupit at abilidad ng oras. Ewan ko nga rin kumbakit mas mataas ang pagkakataong gumagawa tayo ng mga maling bagay sa tamang oras at gumagawa tayo ng mga tamang bagay kung kelan mali na ang oras para sa mga ito. 'Yan, sa palagay ko, ang nagpapa-anghang lalo ng buhay natin sa mundo. Kung tumugma ang mga ginagawa natin sa mga takda nitong oras, paniguradong wala tayong pagsisisihan pagdating ng panahon.

Sa huli kong failed relationship, in-emphasize nito ang tamang paggamit ng oras para gumawa ng tama. Nagkamali kasi dati kaya niya ako iniwan. Nu'ng maglaon, naisip ko na kinakailangan ko talagang magkamali at ipatikim sa'kin ang sakit ng biglaang pag-iwan para may matutunan ako. Pero ano ako ngayon? Ano pa bang paggagamitan ko nito ngayong wala na siya? Nasa huli pa rin ang pagsisisi (ayoko na sanang isulat 'yan dahil sooobrang laspag na pero ewan, siguro kasi required).

Wala tayong magagawa kung nalimutan na tayo ng mga tao nang dahil sa mahabang oras na lumipas. Hindi na rin natin maibabalik pa ang mga oras kung saan sana e may mga ginawa at hindi tayo ginawa. Hindi pabaliktad tumakbo ang oras.

Isa lang ang hindi ko maintindihan. Ano ang DAYLIGHT SAVINGS? (Unrelated...)

Tuesday, May 22, 2007

Alamat Ng Lasing Na Butiki

Sa kabila ng pag-backout ng aking pinakamamahal na matalik na kaibigang kabayo na si Jeff at isa pa naming kaibigan, itinuloy namin ng isang kaibigan na itatago ko na lang sa pangalang Renz ang aming lakad nitong nakaraang Sabado: gimmick night sa Eastwood Citywalk du'n sa Libis, Quezon City. Matagal-tagal na rin kasi akong hindi gumigimik. Siguro mga dalawang dantaon na ang nakalilipas. Hindi naman masamang libangin ang sarili sa ganitong paraan paminsan-minsan. Minarkahan ko ang gabing ito bilang paglimot sa humahabang listahan ng mga problema ko at humahabang panahon ng aking pagiging miserable at bitter sa alam-mo-naman-siguro-kung-ano-'yun (kung hindi pa, maaring makipag-ugnayan).

Mula sa Robinson's Place Manila, nagtungo muna kami sa Farmer's Plaza sa Cubao upang maghapunan dahil natitiyak naming wala kaming kakainan sa aming destinasyon. Meron naman, pero siguradong dolyares ang currency nila du'n at mamumulubi kami. At tulad ng nakagawian kapag dito ako napapadpad, naging hapunan ko ang aking paboritong Shark's Fin with rice du'n sa may food court. At matapos ang panandaliang pamamalagi, tuluyan na kaming lumarga tungong Libis.

Marami-rami na ang mga taong kapwa-nagsasayang ng oras nu'ng dumating kami du'n. Naalala ko dating araw-araw ako rito sa isang building upang sunduin ang dati kong girlfriend. Pero hindi counted 'yun sa kwento ko ngayon. Dahil medyo maaga-aga pa naman, nagtungo muna kami sa Powerstation (video game arcades) sa ano-nga-bang-building-'yon upang maglibang sa paglalaro ng Drummania at GuitarFreaks (simulation games ng drums set at gitara).

Matapos niyan, medyo naghanap pa kami ng maari naming puntahan upang simulan ang aming maitim na balak. Naisip kong simulan ang lahat sa Blue Onion Bar. Nahilu-hilo pa kami sa paghahanap nu'n. At nang makarating, pormal na naming sinimulan ang aming magdamagang bonding kapiling ang tig-isang bote ng beer. Kasabay sa ingay ng mga lasing na magbabarkadang lalaki, daldalan ng mga pagkaganda-gandang mga chicas, at dagundong na gawa ng kanilang resident DJ, nilibang namin ang mga sarili namin. Ito 'yung tipong kahit nakaupo lang ako ay nag-e-enjoy naman.

Lumabas muna kami pansamantala matapos ubusin ang beer upang matingnan kung may sunod kaming bar na mapapasukan. Tsaka na lang namin nalaman na medyo limitado ang kayamanang dala-dala ng mga wallet namin kung kaya't nagbalik na lang kami sa Blue Onion. Sa palagay ko, dito na nagsimula ang highlight ng gabing ito. Sinagot ni Renz ang juice na in-order namin. Orange Juice sa kanya, Mango Juice sa'kin. Sa mga oras na ito ay jam-packed na ang mga tao. May mga nagsasayawan nang mga chicas sa stage, may mga taong sumasayaw na lang kung saan sila nakatayo. At dahil nga plano kong magpasanib sa impluwensya ng ispirito, um-order ako ng mga shots ng Arctic Vodka Strawberry bilang Go-Signal sa pagpasok sa kakaibang mundo. Matapos ang ilang lagok, pakiramdam ko e parang may nag-flying kick na hippopotamus sa ulo ko dahil tinamaan na 'ko. Nagmukha na akong American Indian dahil ang pula ko na raw sa itim kong ito. Mala-chainsaw na rin ang pagyoyosi ko nu'n at kung anu-ano na raw ang mga pinagsasabi ko.

"Lovelife? Kalokohan lang 'yan..."

"Masarap maging bitter kasi hindi ka masasaktan sa wala at hindi ka magiging tanga."

"Bawal magreklamo sa mga bagay na ginusto mo at hinayaan mong mangyari."

"Bakit ka magmamahal ng totoohanan kung iiwanan ka rin naman?"

"Hindi mo ako masisisi. Nagmahal lang ako."

"Sobrang laki ba talaga ng naging kasalanan ko?"

"Pero alam mo sa totoo lang, kahit ginanun niya ako, sobrang mahal ko pa rin siya hanggang ngayon. Maybe right at this moment, she's out with somebody else out there. Napakasakit isipin. Pero 't*ngina mahal ko pa rin siya. Mahal ko pa rin siya..."

Siguro dahil walang ibang maisagot si Renz bukod sa "bitter ka lang talaga," um-order ulet siya ng pangalawang round ng vodka. Arctic Vodka Lemon naman sa pagkakataong ito. 'Langyang 'to, talagang lalasingin niya ako. Hindi ko rin inaakala na magagawa kong tumayo na lang bigla sa kinauupuan ko at magsayaw-sayaw. Mukha akong butiking nasa barbecue stick na iniikot sa ihawan. At dahil mas makapal na ang mukha ko kesa sa balat ng polar bear, isiniksik ko pa nga ang sarili ko sa magulo at masikip na grupo ng mga taong walang habas na nakikipagsayawan kung kani-kanino.

Nu'ng una, mukha akong timang dahil wala akong ibang kasayaw bukod sa babaeng nasa imahinasyon ko. Hindi ko na lang namalayan, nakikipagkiskisan na pala ako ng balikat sa babaeng nakakarami nang tapak sa sapatos ko. Buong tapang niya akong hinarap at sinayawan na parang kilala ko siya simula pagkabata. At dahil rakrakan na 'to, ako ngayon si bida-bidang nakipagsabayan sa kanya.

Siguro tinatawanan na lang ako ni Renz mula sa kinauupuan niya. Lalo naman akong nagulat nu'ng sumali ang kaibigan niyang babae. Dalawa tuloy silang kasayawan ko. Kulang na lang siguro e alukin ko silang magsayaw ng Tinikling kahit na pan-disco 'yung music.

Matapos ang ilang minutong kalokohan, nagbalik na ako sa upuan ko at nilagok ang natitirang ispirito. Ininom din ang natira kong mango juice upang tuldukan ang kalanguan ko. Ngayon lang ako nalasing ulit ng ganito. Pero hindi pa naman nangyayari sa'kin 'yung katulad ng iba na kapag sobrang lasing e... <*sigh*>. Basta. Parang walang pakialam sa mga taong nagmamahal pa rin sa kanila. Kinakailangan ko pang maging lubos na masama o bitter para diyan. (Aminado akong nagawa ko na 'yun dati.)

Nu'ng todo na akong nahilo, inalok na ako ni Renz upang magkape para ma-neutralize ang gumagapang na ispirito sa dugo ko. Lumabas na kami sa bar at nagtungo sa malapit na coffee shop upang uminom ng mainit na cafe latte. Sarap ng hagod. Medyo nagbalik sa totoong mundo at nawala ang pagiging tuliro ko. Naisip ko na sa loob ng mahigit apat na oras, nalimutan ko ang mga problema ko.

Matapos makapagpahinga, tuluyan na kaming umuwi.


Jake The Miserable Wasted

"Pag-uwi ko ng bahay, walang nadatnan sinuman... Kay bilis pala ng oras at 'di ko na namalayan... May mga bagay na sadyang 'di ko na maunawaan. Ang tanging paraan, kalimutan ang nakaraan..." (Join The Club, "Nakalimutan Ko Na Bang Magmahal?")

Friday, May 18, 2007

Ang Kawawa Kong PC

Napipikon na ako sa sakit ng computer ko. Mahigit isang buwan na siyang ganito. Bigla-bigla na lang siyang nagha-hang sabay magre-restart na wala namang dahilan. Una kong naisip na corrupted na ang operating system ko at hindi ko na rin nagagawa ang aking love-your-PC-on-a-Sunday habit (registry cleaning, spyware checking, virus checking, surface scan disk, disk defragmenter, system tweaking). Nu'ng una, hinayaan ko lang siya sa sakit niyang 'yan. Pero habang tumatagal, lalo lang akong napipikon na kung minsan ay sirang-sira na ang araw ko dahil diyan. Nagloloko siya kung kelan niya gusto, lalo na kung may mahalaga akong ginagawa katulad ng pagpo-program, pagba-blog, pakikipag-usap sa YM, pagda-download, pakikinig sa mga mp3s na kung hindi Japanese music ay mga kantang pam-bitter o pampogi, paghahanap ng date, at iba pa.

Full format ang una kong naisip na kasagutan. Pero hindi ito naging madali dahil meron akong mahigit-kumulang 60gb na personal files na katulad ng mp3s, movies (mahigit sampung Japanese cult films ang meron ako), videos, music videos, J-dorama series (meron akong "Great Teacher Onizuka" live action at "Ichi Rittoru No Namida [One Litre Of Tears]"), pictures, e-books, gulay, mais, bigas, sardinas, Toilet Duck, at mga random na mga files. At tumagal ng tumagal ang ganitong drama ng buhay namin ng PC ko. Kulang na daw siya sa lambing kaya siya nagpapa-pansin ng ganito. Nu'ng una, hindi gaanong madalas ang pag-atake ng sumpong nito. Kaya ayos lang. Pero nung kalaunan, ayan na. Padalas na ng padalas ang blue-screen-of-death-sabay-restart, hangaang sa dumating sa puntong sunud-sunud-sunod na siyang nangyayari. Anak ng motherboard.

Sa sobrang aburido ko sa kanya, kasabay ng sa mundo at sa lovelife ko, sinumpa ko siya sa pamamagitan ng pag-text sa mga kaibigan ko. "Pun**** ipapakilo ko na 'tong put********* computer na 'to! Leche!" Isa sa kanila ang sumagot ng "easy lang, p're. Heto at pahihiramin kita ng hard drive para ma-backup mo 'yang mga files mo at nang ma-format mo na 'yan." Parang bigla niya akong nabuhusan ng tubig. Naipahiram naman niya. Handa ko nang operahan ang PC kong naghihintay ng amnesty.

Backup. Hang. Backup. Hang. Tiis pa. Backup. Hang. Backup. Tiis-tiis pa. Dumating ang oras ng paghahatol. Huminga ako ng malalim, at sinimulan ko na ang operasyon. Matapos ang pag-format sa hard disk, in-install ko na ang operating system. Akala ko e magiging banayad na ang lahat at magbabalik na siya sa dating kagandang anyo. Hindi pala. NAGHA-HANG-SABAY-RESTART PA RIN SIYA SA KALAGITNAAN NG INSTALLATION! Makailang beses ding nangyari 'yan. Ubos na ang pasensya ko, pati ang pasensya ko para sa susunod na araw e inubos na niya. Pero walang-wala na akong magagawa pa. Wishful thinking na lang na makukumpleto niya ang operasyong ito at baka sakaling maisalba ko pa ang buhay niya. Makalipas ang ilang dantaon, nag-install din siya.

Pero wala. Andito pa rin ang problema niya sa utak. Nasolusyonan man ng full format ang iba pa nitong problema kagaya ng pagbabagal ng mga applications, andito pa rin ang kalunus-lunos na dagok sa kanyang pusong bakal. Napunta sa wala ang mga ibang files na napilitan kong burahin. At hindi ko rin magawang i-update ang operating system na 'to dahil... alam mo na. At dahil nga hindi siya nakatatanggap ng anumang uri ng updates, hindi ko magawang mai-install ang ibang mga programs na kinakailangan ko dahil hindi ito mapatakbo ng mabuti ng installer ng operating system ko.

Sa ngayon, ang isa sa mga iniisip kong pwede pang gawin ay pagpapalit nito ng memory nang sa gayon ay madagdagan na rin ang 512mb lang nito. Kung hindi pa ito uubra, baka siguro sa hard disk na 'to. At kung walang-walang-wala na talaga, aawit na lang ako ng "Silent Night" bilang tanda ng pagsuko.

Sa kasalukuyan, ito ang hitsura ng desktop ko:


Click to enlarge. Will open in a new window.


Ano'ng masasabi niyo sa hitsura ng desktop ko bukod sa wala siyang kalatoy-latoy at walang ka-kyeme-kyeme?

Monday, May 14, 2007

"Bobo Ang Bumasa Nito" Revisited: Bakit May Naka-School Uniform 'Pag Linggo?

64 megabytes lang ang kapasidad ng utak ko ngayon at wala akong hindi matinong maisulat para sa araw na ito. Ewan ko, nabutas yata ito at sumingaw ang lahat ng mga dapat ko talagang ikwento o isulat para sa araw na ito. Bukod diyan, recovering pa rin ako sa malawakang inuman namin na naganap sa bahay ng isang kaibigan nu'ng nakaraang Sabado na ikinasawi ng tatlong ipis, na siyang naging sanhi para hindi ko naibahagi ang aking "Mother's Day Special" na dapat e isusulat ko kinabukasan. Cool pa naman ang kwento ng nanay ko. Ngayong araw naman, ayoko lang makisabay sa "election sickness." Sa aftermath na lang ako babanat.



Bakit May Naka-School Uniform 'Pag Linggo?

Hanggang ngayon, natatawa ako kapag naalala ko 'to.

Sunday breezy afternoon ako nu'ng nag-siyesta. Nanaginip ako, pero hindi ko naalala. Basta school-related yata 'yun.

Nagising ako at tumingin sa bintana. Anlamig at makulimlim. High school student pa lang ako niyan at kinakailangang 7am ay nasa school na.

Pagkalabas ko ng kwarto, nakita ko ang kuya kong naglalaro ng Playstation. Naligo ako, nagplantsa ng uniform, at lumabas ng bahay. Siguro masyadong abala 'yung kuya ko sa paglalaro kaya hindi niya ako napansin. Final Fantasy VIII pa yata 'yun at napipikon siya sa hirap ng pagtalo kay Omega Weapon.

Nu'ng nakarating na ako sa gate ng condo namin...

Guard: Oy, Jake, ang aga mo ah?!
Jake: Ah, oo. Kelangang maaga ako sa school ngayon.
Guard: Hindi kaya sooobrang aga mo?
Jake: E ano'ng oras na ba?
Guard: Alas-sais kinse.
Jake: Oh, 6:30 pa lang, nasa school na dapat ako. Pasikat na ang araw, oh!
Guard: Ha? E palubog pa lang 'yan. Jake, Linggo pa lang ng gabi.

Anak ng bakang baog, akala ko Lunes na ng madaling-araw. Linggo pa lang pala ng gabi.

Hindi na ako nagtaka kumbakit tawa ng tawa ang lahat ng tao sa bahay namin nu'ng nag-almusal na kami. Este, hapunan pala.

Tuesday, May 8, 2007

Poké-Tiyan / Selpown

Poké-Tiyan

May problema yata ako sa bituka.

Nitong mga nakaraang araw, tila yata lagi akong ginugutom kahit na kaing-kargador ang appetite ko. Katulad na lamang nu'ng isang gabi, dalawa tatlong beses akong naghapunan. Nu'ng sumunod na araw, dalawang beses naman akong nananghalian.

Oo, matagal ko nang alam at tanggap na ang pagkain ko ay katumbas ng pagkain ng isang buong pamilya. Pero hindi ko talaga mawari ang sarili ko nitong mga nakaraang araw. Dumadalas ang paglabas ko sa madaling-araw para kumain ng tapsilog du'n sa personal kong paboritong tapsilugan. Siguro mga isa o dalawang oras makalipas ang mala-Loch Ness monster kong pagkain, nagugutom na naman ako. At ayon sa huling pagtatala, mahigit kumulang sa dalawang daang piso ang nagastos ko para lamang sa isang hapunan, du'n sa isang fastfood chain kung saan e masarap ang Beef Motong. Pinakamataas na gastos para sa isang fastfood chain. Nakakapagtaka pa dahil pangalawang hapunan ko na 'yun at simut-sarap-talaga ang mga in-order ko.

Hindi ko alam kung saan inilalagay ng bituka ko 'yung mga kinakain ko. Wala naman akong ibang bantay sa loob ng tiyan ko maliban na lang kina Bantay, Muning, at Pikachu. Wala rin naman akong mabigat na ginagawa bukod sa pagmukmok sa harapan ng PC at pakikipag-usap sa sarili habang natutulog. Ewan ko ba. Parang nag-e-evaporate 'yung mga kinakain ko.

Pero natutuwa rin naman ako kahit na papaano. Hindi ko na kasi kinakailangang alalahanin ang timbang at pagtaba dahil hindi uso sa'kin 'yun. Kahit na ga-halimaw ako kung kumain, hindi ako tumataba ni kaunti. Mabilis ang metabolismo. At dahil dito, may karapatan akong kainin ang lahat-lahat ng gusto kong kainin at kahit na gaano karami. Blessing in disguise pala kung tutuusin. I can eat, eat, eat without getting fat, fat, fat.



Selpown

Nitong Sabado, plano ko sanang magpabili ng memory modules at ipa-upgrade ang PC ko na ilang buwan na ring may sakit sa utak. Madalas kasing mag-hang 'tong PC ko, lalo na sa mga kritikal na panahon katulad ng pagpo-program ko o pagkikipag-chat sa mga celebrities sa YM. Nai-format ko na siya pero andito pa rin ang tuberculosis niya. At habang isinusulat ko ang entry na ito, isang beses na siyang nag-hang ngayong araw.

Poporma pa lang ako para magsabi, pero naunahan na ako. Ibibili daw ako ng bagong mobile phone. Ang 1gb DDR memory na sana'y ilalagay ko sa maysakit kong PC, naging mobile phone na may 1gb memory. Hindi na masama? Siguro. Umuwi akong may bagong phone.

Natuwa naman ako nu'ng una sapagkat nagsasawa na rin ako sa nauna kong phone. Bukod pa ito sa dahilang gusto ko ring magkaroon ng music player. Ngayon e may bago na akong phone na pwede ring music player. Hitting two birds with one stone. Pero matapos lamang ng ilang oras, naisip ko lang na kung tutuusin, hindi ko naman masyadong ginagamit ang phone ko. Wala naman kasing nagti-text sa'kin. Kung meron man, puro quotes naman. Wala naman akong kaso sa mga taong mahilig mag-forward ng mga quotes. Pero dumarating 'yung oras na naiirita na lang ako dahil ginagawa ko na lang bangko ng mga quotes 'tong phone ko. Kung tutuusin, mas matutuwa pa ako kung makakatanggap ako ng mga matitipid na mensahe katulad ng "Kamusta?" o "Magandang araw." o "Mamatay ka na, Jake." kesa sa mga quotes-quotes-quotes. Kahit naman ako e nagpapadala rin ng mga ganitong quotes, lalo na kung gusto kong iparating na "Hoy, buhay pa ako at nagpaparamdam." Pero kung nakakahalata na ako na wala na akong ibang natatanggap sa isang araw kundi ang mga ganitong klaseng mensahe, parang wala na ring saysay sa'kin ang cellphone ko. Sa opinyon ko, walang masama kung regular kang nagpapadala ng mga ganito. Pero ugaliin ding magpadala ng mas personal na mensahe sa mga taong madalas mong pinapadalhan nito.

Friday, May 4, 2007

Nakakita Ka Na Ba Ng Butiki Sa MRT?

Kung hindi pa, ibig sabihin, hindi mo pa ako nakakasabay sumakay rito. Isa ako sa mga madalas sumakay sa MRT, sa nakatatandang kapatid nitong LRT, at sa bunso nilang LRT 2.

Ito kasi ang pinaka-efficient na paraan ng transportasyon. Akalain mong mas mabilis pa ito kaysa mga pampasaherong sasakyan, sa mas murang pamasahe. Labinlimang piso lang ang pinakamataas na pamasahe, mula sa isang dulo hanggang sa kabila nito. Samantalang kapag ako ay sasakay mula rito sa’min sa may Buendia Avenue hanggang du’n sa may Cubao-Araneta, humigit-kumulang dalawampu’t-limang piso na agad ang damage. Sobrang tipid sa laki ng pagkakaiba. Aabutin din ako ng mahigit-kumulang kalahating oras na biyahe sa bus, samantalang humigit-kumulang naman sa sampu hanggang labinlimang minuto ang biyahe sa MRT. Kitang-kita ang ebidensya.

Madalas akong sumasakay sa MRT kapag pupunta ako sa SM Megamall, Shangri-La, Gateway Mall, Cubao, SM North EDSA, o sa kung saan mang nasa area of access ng tren. Sa Magallanes Station naman ang destinasyon ko kung uuwi ako sa’min. LRT naman ang mabisang paraan para magpunta ako sa Robinson’s Place Manila, SM Manila o SM San Lazaro mula Buendia Station, lalo na kung may ka-eyeball ako at sampung oras na akong late. Ang pinakagusto ko namang rail transit e ‘yung halos bago pa lang na LRT 2. Dito naman ako sasakay magmula sa Recto hanggang Gilmore para tumingin-tingin ng mga computers. Tatambay naman ako pagkatapos para tumingin-tingin ng mga chicas mula sa kalapit na paaralan. At kung chicas din naman ang pag-uusapan, marami sa kanila ang nakakasabay ko rito sa LRT 2. Siyempre, e malapit-lapit sa University Belt e. Ito ‘yung tipong kahit saan ako tumingin e may isa o isang grupo ng mga magagandang dilag na naka-uniform ang naghihintay na ligawan ko sa tingin. Kadalasan akong lumalabas ng tren na busog na busog ang mga mata.

Pinakagusto ko rin ‘yung sumasakay ako sa MRT kapag umaga. ‘Yung tipong halos kasisikat pa lang ng araw o ‘yung tipong mga bandang alas-otso pa lang ng umaga. Masarap kasi ‘yung ambience ng paligid. Pag-akyat mo sa hagdanan ng isang istasyon, sasalubong sa’yo ang sarap ng simoy ng hanging-umaga na kunwaring sariwa. At ang pinakamasaya sa lahat, masarap dumungaw sa kalunsuran na nilalakbay ng mga paningin mo mula sa loob ng tren. E ang kaso mo, umaga pa lang e sobrang siksikan na ang mga tao at halos punuan ang mga tren. Kadalasang mga dalawa o tatlong tren pa ang magdaraan bago pa ako makasakay, at kung makasakay man, siksikan pa rin.

Usapang siksikan, slam-an, mosh pit. Nakaka-sira talaga ng mood ‘yung tipong kahit karayom e hindi mo na mahulugan dahil sa sooobrang sikip. Gitgitan dito, tulakan du’n. At sa palagay ko, ikaw ang pinakamalas na pasahero kung ang mga nakapalibot sa’yo e ‘yung mga taong amoy 4:30pm na kahit na alas-diyes pa lang ng umaga. Malas mo rin kapag nasa gitna ka, dahil medyo malayo ka sa pinto at kung lalabas ka na, andyan ‘yung pakiramdam na parang maiiwanan ka na lang. Wala pa naman akong naririnig na mga documented cases na ganito, ‘yung lumapas sa destinasyon dahil naipit siya sa maraming tao. Pero may kilala akong lumampas sa kanyang bababaan, sa dahilang siya ay nakatulog. Hindi ko na ikukwento ‘yun dahil baka batukan niya ako ‘pag nabasa niya ‘to.

Naalala ko tuloy ‘yung isang araw, habang nakasakay ako sa tren na siksikan at Guadalupe ang susunod na hintuan nito. Pagbukas ng pinto, kakaunti lang ang mga lumabas, samantalang halos walang kahit isang makapasok. E may isang lalaki du’n, na nakita niya mula sa labas na pwede pa namang umurong pagitna ‘yung mga tao pero walang gumagalaw. Ipinagpipilitan niyang pumasok sa tren pero hindi makapasok ni ilong niya dahil sa sikip ng tao. Ang resulta: Nagmura siya ng malakas habang pasara ‘yung pinto. ‘Yung tipong p***** -- *sabay sarado ng pinto.* Nagtawanan kaming mga nasa loob.

Bago mo ipagpatuloy ang pagbabasa, isa munang Brain Blitz. Punan ng patlang ng tamang sagot: “Next station, Pedro Gil. Paki-ingatan lang po ang mga personal na gamit katulad ng mga ___ at _________. Ingatan na rin po ang ____________ na gagamitin sa paglabas ng tren. Maraming salamat sa patuloy na pagtangkilik sa LRT at isang magandang araw.”

Ibayong ingat lang ang kinakailangan sa lahat ng lugar at oras. At hindi exception ang LRT. Sa palagay ko, ang LRT ‘yung bad-ass ng mga magkakapatid na tren, dahil mas marami ang mga reports ng crime rates dito. Mas marami daw ritong mga mandurukot at mga mandurukot ng pwet. Minsang nakasakay ako sa LRT papuntang R. Papa Station kasama ang kaibigang mangga (dahil sa hugis ng mukha niya). E siksikan din ang mga tao at halos dikit-dikit ‘yung mga balat namin. Bigla kaming nagulat nu’ng may isang lalaking sumigaw na parang galing yata sa impyerno, “KAKAPASOK MO PA LANG, NAKAYAKAP KA NA!” Muntik na siyang ma-biktima ng isang mandurukot. E dahil madalas akong may toyo sa ulo, nagpasimuno ako ng kantiyaw. “OOYYY, diyan nagsisimula ‘yan. Puppy love.” Nagsunuran ‘yung mga tao sa kantiyaw ko. Ayos, bumenta ‘yung pauso ko. Nakaka-alerto nga lang ‘yung isa pang lalaki. “’Naku, ingat talaga kayo. Nawalan na ako ng cellphone kanina.” Walanghiya.

At kung kawalanghiyaan din lang naman ang pag-uusapan, wala naman ako masyadong kaso sa mga mandurukot at mga manyakis. Pero sino ba namang mag-aakala na may mga tao palang sobrang walanghiya na umuutot sa loob ng tren? Naka-encounter na ako nito, mga ilang beses na rin. Isa sa hindi ko malilimutan e ‘yung isang araw na nakasakay ako sa LRT papuntang SM San Lazaro. Maganda ang mood ko at masaya akong nanliligaw sa dalawang taga-St. Paul na chics – sa tingin, as usual. Bigla na lang kaming naka-langhap ng amoy na parang pinaglumaan na ng panahon. Anak ka naman ng tinapay. Nagtitinginan tuloy kaming lahat sa loob ng bus kung sino ang salarin. Hanggang sa mga sandaling ito, wala pang nakaka-alam. Ikaw na umutot nu’ng araw na ‘yun, kung nababasa mo ito ngayon, sana e nakapagbasa ka na rin ng mga libro tungkol sa etiquette, good manners and right conduct. Pero salamat sa’yo, tumingin sa’kin ‘yung dalawang St. Paul chics.

Sa medyo tinagal ko ng pagsakay sa mga tren na ito, medyo nakapag-develop na ako ng mga istratehiya tungo sa isang masayang paglalakbay. Kahit kailan, hindi ako nalalayo sa pintuan ng tren at nakatayo lang ako’t nakahawak sa handrails. Patigasan na ‘to. Hinding-hindi ako gagalaw kahit pison na ‘yung sasagasa sa’kin. Pero ibang usapan kung may isang magandang dilag. Siyempre, simpleng tabi. Kadalasan din akong nagtatabi ng mga barya – exact fare – para sa MRT. Pero ewan ko kung minsan, mas mabagal pa yata ‘yung Exact Fare Lane kaysa ordinaryong pila. Isa rin sa naging habit ko ‘yung pagsakay sa may pinakaunahang bahagi ng tren, ‘yung couch bago ‘yung sa mga for-girls-only. Lalo na kung sa Shaw Boulevard ang destinasyon ko. Dito kasi ‘yung pagbukas ng pinto, escalator na agad. At para dumungaw na rin sa kabilang couch at ibubulong ko sa sarili ko, “andyan kaya si Ms. Right?”

Sino’ng gustong makipag-eyeball?

Tuesday, May 1, 2007

Pinalo Ako Sa Pwet

[Addendum: Thanks to NostalgiaManila for having this featured on their website through my submission. You can see it HERE. You may leave your comments on either/both posts.]

Ang pinakaunang pagpaparusa na ginawa sa’kin nu’ng bata ako e ‘yung iniluhod ako sa munggo ng nanay ko. Siguro mga apat na taong gulang pa lang ako niyan. Nu’ng maglaon, umakyat na sa Level 2 ang parusang ito dahil idinagdag niya ang pagpapapasan sa’kin ng diksyunaryo sa kaliwang kamay ko at ang Banal na Biblya sa kanan habang nakaluhod sa asin.

Nu’ng maghiwalay ang mga magulang ko, lumaki naman ako sa piling ng mga kasambahay na hindi yata tumatagal sa’kin dahil sa talento ko sa katigasan ng ulo. Sa pagkaka-alala ko, laging kaming dalawa lang ng isang kasambahay ang naiiwan sa bahay dahil OFW pa noon ang tatay ko.

Isa sa mga paboritong nilang pagdidisiplina sa’kin ay ang pag-iwan sa’kin, mag-isa lang ako sa may tarangkahan ng bahay at madilim na silang uuwi. At dahil takot akong mag-isa sa dilim, madalas e dinadatnan akong humahagulgol. Umaabot yata sa New Zealand ang mga pagngangawa ko nu’n. Naging karaniwan na ring parusa sa’kin ang pagkakakulong sa madilim na CR mula anim na buwan hanggang isang taon.

Minsan namang lumagi ng matagal na panahon ang pinsang-buo ko sa bahay namin. Pinili niya kasi ang bahay naming bilang kanyang asylum. Siya ang nagtuloy sa pagpapalaki sa’kin, at siya rin ang nagturo sa’kin ng samutsaring mga bagay. Sa kanya rin ako nakatikim ng mala-Batas Militar na pandidisiplina. Ang sinturon ay ang primary weapon niya sa tuwing gagawa ako ng kapilyuhan, bukod sa napaka-generic na kurot at sampal.

Kung kasabayan kita ng panahon, malamang ay pinalaki ka sa siyesta, o ang compulsory na pagtulog sa tanghali. Ito ang isa sa mga pinaka-ayaw kong bahagi ng aking kabataan. Habang ang mga kaedaran ko ay masayang naglalaro at nagbibilad sa araw sa labas ng kanilang mga kural, pilit naman akong pinatutulog ng pinsan ko. Pinaka-ayaw ko ito dahil hirap na hirap naman talaga akong matulog sa tanghali. At kapag nalaman niyang hindi ako nakatulog sa tanghali, parusa niya sa’kin na hindi niya ako pinapabangon sa higaan hanggang 6pm. Saving grace ko ang boses ni Noli de Castro sa TV Patrol ito lagi ang nagsisilbing hudyat na napagsilbihan ko na ang sintensya ko. Kapag naman nakakatulog ako, reward niya sa’kin ang karapatang bumangon ng 4pm, lumasap ng masarap na merienda, at magsaya sa panonood ng mga cartoons (Shaider at Masked Rider Black naman kapag weekends).

Pinsan ko rin ang nagtaguyod at tumulong sa aking Primary School life. Tulad ng nabanggit, tinuruan niya ako ng maraming bagay. Personal ko siyang tutor bago ako pumasok sa school at bago matulog. Tinuruan niya akong magtali ng sintas, at kung hindi ko ito nagagawa ng tama, instant kurot ang naghihintay sa’kin. Nu’ng hirap na hirap naman ako sa pagkakabisa ng The Lord’s Prayer, Hail Mary, at Glory Be (nga ba ‘yung pamagat ng Glory be to the Father, to the Son, and to the Holy Spirit, blah-blah-blah), ipinabigkas niya ang mga ito sa’kin ng tig-i-isandaang beses bawat araw. Daig ko pa ang Holy Week dahil isang beses lang ang Pabasa. Mahigpit din ang pagbabawal sa’king maglaro ng Nintendo Family Computer kapag may mga mali akong sagot sa mga battery exams sa Algebra at English na araw-araw niyang binibigay.

Isa rin sa mga malaking issue sa’kin ang wastong pagkain. “Walang tabi-tabi!” ‘Yan ang opening remarks niya sa tuwing haharap na ako sa hapag-kainan. E hindi ako kumakain ng mga taba, mga atay at balun-balunan, at halos lahat ng uri ng gulay o kahit ano basta kulay green. Hindi na kataka-takang inaabot ako ng tatlong oras sa pagkain. Tinutulugan na yata ako ng guardian angel ko. Bawat pagsubo ng mga pagkaing nabanggit ay parang countdown ng kamatayan ko (napaka-aga naman sa edad kong pito na yata). Required na dapat maubos ang lahat ng nasa plato hanggang sa pinakahuling butil ng kanin. Ito ang isa sa mga dahilan kumbakit hindi ako nakakapanood ng Takeshi’s Castle sa Channel 13. Madalas din niya akong hindi pinalalabas ng kwarto kapag nakagagawa rin ako ng ibang mga krimen.

Nu’ng lumipat na ng tirahan ang pinsan ko, akala ko e magiging ayos na ang lahat. Magagawa ko na ang lahat-lahat ng mga trip kong gawin. Wala na akong siyestang aalahanin at makakain ko na ang mga gusto kong lang na ulam. Hindi pala.

Isang araw na lang, umuwi ang tatay ko mula abroad na may kasamang <*suspense music*> asawa at ang anak nila. Indonesian ang breed ng mga ito. Nu’ng una, maayos ang pakikitungo ng bago kong madrasta. Mabait. Pero nang maglaon, mas malala pa pala siya sa pinsan ko. Pakiramdam kong sumailalim ako sa Kamay Na Bakal.

Mahilig siya sa mga pagkaing sooobrang pina-anghang sa sili. Bawat ulam yata naming ay mayroong humigit-kumulang 32767 siling labuyo na mas mapula pa sa Valentine’s Day. Isa ito sa mga primary weapon niya dahil kapag hindi na naman ako kumain nang tama, asahan ko nang kakagat ako ng isang malupit na sili. Umabot yata ng sampung dekada ang anghang sa dila ko. Bukod dito, sa kanya rin ako nakatikim ng sinturon na ang ipinampapalo ay bakal. Bukol, pasa, at gasgas ang inaabot ng mura kong balat. Iniumpog na rin ako sa ulo kapag nagpa-power trip siya. Sa pagkakaalala ko, sintalim yata ng katana ‘yung mga kuko niyang ipinangkukurot sa’kin kapag ako naman ang nagpa-power trip sa “kapatid” ko. Magkatulad din sila ng pinsan ko sa pagdidisiplina sa’kin sa usapang siyesta. Naging ganito ang mga uri ng pagdidisiplina sa’kin hanggang sa tuluyan na akong grumaduweyt sa kanya nu’ng Grade 5. Naghiwalay sila ng tatay ko at ibinalik siya sa kanyang pinanggalingan. Parang nabunutan na ako ng tinik dahil sa nangyaring ‘yan.

Swerte ko lang, hindi ako nakatikim ng pisikal na parusa sa school tulad ng mga ikinukwento sa’tin ng mga magulang natin. Isa sa mga naging pagdidisiplina sa’kin sa loob ng paaralan ay ang pagpapalabas sa’kin sa classroom sa tuwing maingay ako kasama ng mga usual suspects. Pinaglinis na rin ako ng classroom nang isang linggo – mag-isa! Bukod pa ito sa pagpapahiya sa’kin sa buong klase kapag hindi ako gumagawa ng assignment. Kaya siguro hindi ako nakaka-porma sa mga nagiging crush ko. Naalala ko, minura ako nang adviser ko nu’ng Grade 4 ako nu’ng pinagtripan ko ang kaklase kong uhugin. Nakita ko na ring lumipad ang lahat ng mga kagamitan ko palabas ng classroom matapos akong sigawan ng teacher ko sa Filipino na “MAKAKAUWI KA NA!” nu’ng Grade 5 ako. Pinatayo na rin ako sa upuan, sa pintuan ng classroom namin, sa may main entrance ng school namin, at maging sa talahiban.

Lumipas ang napakaraming taon. Pero patuloy pa rin akong – tayong – dinidisiplina at pinapalo. Iba-ibang mga tao, iba-ibang mga oras, iba-ibang mga sitwasyon, iba-ibang mga pagkakataon. Alam nating lahat ang mga layunin nila kumbakit nila tayo pinapalo sa pwet. Gusto nila tayong tumino. May mga bagay silang gusting ituro sa’tin, at kung matigas ang ulo natin at ayaw makinig, dinidisiplina nila tayo upang hindi na nating ulitin ang mga pagkakamali. Kinakailangan nilang gawin ‘to upang kolektahin natin ang mga sarili, mag-isip, at isapuso ang mga aral na itinuturo nila sa’tin. Ganito sila magpa-alala sa mga bagay-bagay sa mundo.

Sa mga nabanggit ko sa itaas, wala sa kanila ang nakapagparanas sa’kin ng pinakamasakit na palo, bugbog, o kurot. Para sa’kin, wala nang mas sasakit pa kapag sinampal ka ng katotohanan. ‘Yung tipong masakit na ngang isipin dahil totoo, isasampal pa ito sa’yo. Minsan na akong sinampal ng katotohanang binigo ko ang magulang ko sa kanilang mga gustuhin para sa’kin. Sinampal ako ng katotohanang patay na ang matalik kong kaibigan nu’ng High School. At ang pinakamasakit sa lahat, not-so-long ago ay sinampal ako ng katotohanan nu’ng makita ko ang babaeng minamahal ko na may kasama iba. Bukod ‘yan sa napakarami pang ibang mga bagay. Masakit. Sobra. Masakit ang pakiramdam sa tuwing isasampal ang katotohanan na hindi lahat ng mga bagay na gusto natin ay makakamit natin. Marapat lang na matuto tayong tanggapin ang mga bagay-bagay na ayaw natin.

Pinakamasakit na palo ang pagsampal ng katotohanan…

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails