Friday, May 4, 2007

Nakakita Ka Na Ba Ng Butiki Sa MRT?

Kung hindi pa, ibig sabihin, hindi mo pa ako nakakasabay sumakay rito. Isa ako sa mga madalas sumakay sa MRT, sa nakatatandang kapatid nitong LRT, at sa bunso nilang LRT 2.

Ito kasi ang pinaka-efficient na paraan ng transportasyon. Akalain mong mas mabilis pa ito kaysa mga pampasaherong sasakyan, sa mas murang pamasahe. Labinlimang piso lang ang pinakamataas na pamasahe, mula sa isang dulo hanggang sa kabila nito. Samantalang kapag ako ay sasakay mula rito sa’min sa may Buendia Avenue hanggang du’n sa may Cubao-Araneta, humigit-kumulang dalawampu’t-limang piso na agad ang damage. Sobrang tipid sa laki ng pagkakaiba. Aabutin din ako ng mahigit-kumulang kalahating oras na biyahe sa bus, samantalang humigit-kumulang naman sa sampu hanggang labinlimang minuto ang biyahe sa MRT. Kitang-kita ang ebidensya.

Madalas akong sumasakay sa MRT kapag pupunta ako sa SM Megamall, Shangri-La, Gateway Mall, Cubao, SM North EDSA, o sa kung saan mang nasa area of access ng tren. Sa Magallanes Station naman ang destinasyon ko kung uuwi ako sa’min. LRT naman ang mabisang paraan para magpunta ako sa Robinson’s Place Manila, SM Manila o SM San Lazaro mula Buendia Station, lalo na kung may ka-eyeball ako at sampung oras na akong late. Ang pinakagusto ko namang rail transit e ‘yung halos bago pa lang na LRT 2. Dito naman ako sasakay magmula sa Recto hanggang Gilmore para tumingin-tingin ng mga computers. Tatambay naman ako pagkatapos para tumingin-tingin ng mga chicas mula sa kalapit na paaralan. At kung chicas din naman ang pag-uusapan, marami sa kanila ang nakakasabay ko rito sa LRT 2. Siyempre, e malapit-lapit sa University Belt e. Ito ‘yung tipong kahit saan ako tumingin e may isa o isang grupo ng mga magagandang dilag na naka-uniform ang naghihintay na ligawan ko sa tingin. Kadalasan akong lumalabas ng tren na busog na busog ang mga mata.

Pinakagusto ko rin ‘yung sumasakay ako sa MRT kapag umaga. ‘Yung tipong halos kasisikat pa lang ng araw o ‘yung tipong mga bandang alas-otso pa lang ng umaga. Masarap kasi ‘yung ambience ng paligid. Pag-akyat mo sa hagdanan ng isang istasyon, sasalubong sa’yo ang sarap ng simoy ng hanging-umaga na kunwaring sariwa. At ang pinakamasaya sa lahat, masarap dumungaw sa kalunsuran na nilalakbay ng mga paningin mo mula sa loob ng tren. E ang kaso mo, umaga pa lang e sobrang siksikan na ang mga tao at halos punuan ang mga tren. Kadalasang mga dalawa o tatlong tren pa ang magdaraan bago pa ako makasakay, at kung makasakay man, siksikan pa rin.

Usapang siksikan, slam-an, mosh pit. Nakaka-sira talaga ng mood ‘yung tipong kahit karayom e hindi mo na mahulugan dahil sa sooobrang sikip. Gitgitan dito, tulakan du’n. At sa palagay ko, ikaw ang pinakamalas na pasahero kung ang mga nakapalibot sa’yo e ‘yung mga taong amoy 4:30pm na kahit na alas-diyes pa lang ng umaga. Malas mo rin kapag nasa gitna ka, dahil medyo malayo ka sa pinto at kung lalabas ka na, andyan ‘yung pakiramdam na parang maiiwanan ka na lang. Wala pa naman akong naririnig na mga documented cases na ganito, ‘yung lumapas sa destinasyon dahil naipit siya sa maraming tao. Pero may kilala akong lumampas sa kanyang bababaan, sa dahilang siya ay nakatulog. Hindi ko na ikukwento ‘yun dahil baka batukan niya ako ‘pag nabasa niya ‘to.

Naalala ko tuloy ‘yung isang araw, habang nakasakay ako sa tren na siksikan at Guadalupe ang susunod na hintuan nito. Pagbukas ng pinto, kakaunti lang ang mga lumabas, samantalang halos walang kahit isang makapasok. E may isang lalaki du’n, na nakita niya mula sa labas na pwede pa namang umurong pagitna ‘yung mga tao pero walang gumagalaw. Ipinagpipilitan niyang pumasok sa tren pero hindi makapasok ni ilong niya dahil sa sikip ng tao. Ang resulta: Nagmura siya ng malakas habang pasara ‘yung pinto. ‘Yung tipong p***** -- *sabay sarado ng pinto.* Nagtawanan kaming mga nasa loob.

Bago mo ipagpatuloy ang pagbabasa, isa munang Brain Blitz. Punan ng patlang ng tamang sagot: “Next station, Pedro Gil. Paki-ingatan lang po ang mga personal na gamit katulad ng mga ___ at _________. Ingatan na rin po ang ____________ na gagamitin sa paglabas ng tren. Maraming salamat sa patuloy na pagtangkilik sa LRT at isang magandang araw.”

Ibayong ingat lang ang kinakailangan sa lahat ng lugar at oras. At hindi exception ang LRT. Sa palagay ko, ang LRT ‘yung bad-ass ng mga magkakapatid na tren, dahil mas marami ang mga reports ng crime rates dito. Mas marami daw ritong mga mandurukot at mga mandurukot ng pwet. Minsang nakasakay ako sa LRT papuntang R. Papa Station kasama ang kaibigang mangga (dahil sa hugis ng mukha niya). E siksikan din ang mga tao at halos dikit-dikit ‘yung mga balat namin. Bigla kaming nagulat nu’ng may isang lalaking sumigaw na parang galing yata sa impyerno, “KAKAPASOK MO PA LANG, NAKAYAKAP KA NA!” Muntik na siyang ma-biktima ng isang mandurukot. E dahil madalas akong may toyo sa ulo, nagpasimuno ako ng kantiyaw. “OOYYY, diyan nagsisimula ‘yan. Puppy love.” Nagsunuran ‘yung mga tao sa kantiyaw ko. Ayos, bumenta ‘yung pauso ko. Nakaka-alerto nga lang ‘yung isa pang lalaki. “’Naku, ingat talaga kayo. Nawalan na ako ng cellphone kanina.” Walanghiya.

At kung kawalanghiyaan din lang naman ang pag-uusapan, wala naman ako masyadong kaso sa mga mandurukot at mga manyakis. Pero sino ba namang mag-aakala na may mga tao palang sobrang walanghiya na umuutot sa loob ng tren? Naka-encounter na ako nito, mga ilang beses na rin. Isa sa hindi ko malilimutan e ‘yung isang araw na nakasakay ako sa LRT papuntang SM San Lazaro. Maganda ang mood ko at masaya akong nanliligaw sa dalawang taga-St. Paul na chics – sa tingin, as usual. Bigla na lang kaming naka-langhap ng amoy na parang pinaglumaan na ng panahon. Anak ka naman ng tinapay. Nagtitinginan tuloy kaming lahat sa loob ng bus kung sino ang salarin. Hanggang sa mga sandaling ito, wala pang nakaka-alam. Ikaw na umutot nu’ng araw na ‘yun, kung nababasa mo ito ngayon, sana e nakapagbasa ka na rin ng mga libro tungkol sa etiquette, good manners and right conduct. Pero salamat sa’yo, tumingin sa’kin ‘yung dalawang St. Paul chics.

Sa medyo tinagal ko ng pagsakay sa mga tren na ito, medyo nakapag-develop na ako ng mga istratehiya tungo sa isang masayang paglalakbay. Kahit kailan, hindi ako nalalayo sa pintuan ng tren at nakatayo lang ako’t nakahawak sa handrails. Patigasan na ‘to. Hinding-hindi ako gagalaw kahit pison na ‘yung sasagasa sa’kin. Pero ibang usapan kung may isang magandang dilag. Siyempre, simpleng tabi. Kadalasan din akong nagtatabi ng mga barya – exact fare – para sa MRT. Pero ewan ko kung minsan, mas mabagal pa yata ‘yung Exact Fare Lane kaysa ordinaryong pila. Isa rin sa naging habit ko ‘yung pagsakay sa may pinakaunahang bahagi ng tren, ‘yung couch bago ‘yung sa mga for-girls-only. Lalo na kung sa Shaw Boulevard ang destinasyon ko. Dito kasi ‘yung pagbukas ng pinto, escalator na agad. At para dumungaw na rin sa kabilang couch at ibubulong ko sa sarili ko, “andyan kaya si Ms. Right?”

Sino’ng gustong makipag-eyeball?

19 comments:

  1. Isa rin ako sa araw-araw na sumasakay ng MRT. Mabilis nga ito at pinaka-efficient nga na paraan para mamasahe papunta sa trabaho ko.

    Sinasabay din ako ng mama ko sa LRT nung bata pa ako. Ang nakaktuwa pa noon, naabutan ko nung token pa ang kailangan para makapasok ka sa turnstile. Ang buong pagkakaakala ko noon, pag naghulog ka ng token, dadating na ang tren. Pag hindi ka naghulog, walang dadating.

    ReplyDelete
  2. wow.. ako ngaun plang ako sigurong college makakasakay ng LRT ng MAG-ISA... hahaha.. kaya lang nattakot din ako sumakay dun eh.. tatanga tanga din kase ako.. baka madukutan or something.. T_T

    ReplyDelete
  3. MRT aus to the max! LRT,SUNUGIN NA YAN!

    ReplyDelete
  4. waaah! napakamiserable nmn pala ng buhay ko at hindi ko man lang naranasan ang mga naranasan mo. Tulad na lamang ng pagsakay sa MRT, LRT o LRT 2. Bago muna ang lahat ang ganda ng intro mo parang nag-eendorse fufufu! Balik - hindi naman kasi ako taga Metro Manila at andito lamang ako sa Region 1. Hindi ko naranasan ang makipag-unahan, makipagsiksikan kapag sasakay kapag may pasok dahil may service ako hanggang 4th yr hs. Mantakin mo yun! Pero, kung nagkataong walang service, bus ang sasakyan ko pero hindi nmn siksikan dahil maaga ako nagigising! ahahaha!!!
    Pero baka ngayong kolehiyo makasagupa ko ang ilan sa mga experience nayan.

    PS:
    Paki-ingatan lang po ang mga personal na gamit katulad ng mga wallet at cellphone. Ingatan na rin po ang (di ko lam kung ano tawag dun sa baagy na hugis card ata un para makapasok at labas ka ng tren!) na gagamitin sa paglabas ng tren. Maraming salamat sa patuloy na pagtangkilik sa LRT at isang magandang araw.

    AhahaAhah!!!

    ReplyDelete
  5. "Pedro Gil. Paki-ingatan lang po ang mga personal na gamit katulad ng mga WALLET at CELLPHONE. Ingatan na rin po ang MAGNETIC CARD na gagamitin sa paglabas ng tren. Maraming salamat sa patuloy na pagtangkilik sa LRT at isang magandang araw.”

    Ako naman taga-Pasig kaya batang LRT-2 ako. Peyborit ko kapag nagsasalubong ang LRT2 at MRT sa Cubao. Hehe.

    May isang pagkakataon na may babaeng taga-FEU ang naipit habang papasok. Nagmamadali yatang umuwi kaya kahit halos sarado na ang pinto e nagpumilit pa rin siya. Hindi ko alam kung maawa ako o matatawa.

    Medyo madalas rin akong sumakay ng MRT lalo na kapag pupunta ako ng MOA. Dun naman may lalaking naipit ang backpack sa Shaw. Kaya ayun, hanggang Quezon Avenue e nakadikit sa dun sa pinto.

    ReplyDelete
  6. on the picture of the day...

    Reminds me of my schoolmate's shot also of the same sign. :)) Grammatical errors present in public signs. LoL But seriously, it's sad to see such signs since it doesn't make sense. And when it doesn't make sense, it's also implying that laws in our country, no matter how small, don't make sense! :(

    Having difficulty commenting... :)) I have a hard time reading in Filipino. Don't worry because when I get the hang of reading in this language, I'm sure I'll be able to comment. :D

    ReplyDelete
  7. ako wala akong ibang masabi sa LRT, MRT na yan.. kasi once palang ako nakasakay dyan!.. at sobrag inosente ako non... wala nga halos tao non sa loob.. at sobrang dami kong biniling pag-kain.. kala mo mag pi pick nick yun pala.. sobrang sikip.. nagkaka-amuyan na kayo..

    pansin ko mahilig ka sa salitang "Bitter"..

    mahiraqp yan.. walang gamot sa pagiging bitter kundi

    "Bitter Herbs"
    joke!

    ReplyDelete
  8. minsan sabi ng driver ng LRT-1

    "wag po natin salubungin ang mga lalabas ng tren, di po niyo sila kamag-anak" =))

    ReplyDelete
  9. Sa totoo lang, hindi ko gamay ang MRT, LRT, at lalung-lalo na ang LRT2 (teka, ano ba kinaibahan nito sa LRT?). Siguro dala na rin ng pagiging homebody at kuripot ko, madalang ako mag-explore. Side effect: madali akong maligaw at ignorante sa mga bagay na yan.

    Pero oo nga, may mga umuutot talaga sa MRT, lalo na pag punum-puno. Naiisip kasi nung mga umuutot na masyado namang maraming tao kaya hindi na rin mahahalata. :p

    Pagkahaba-haba ng binasa ko, pero ang pinakanatawa talaga ako yung sa pic of the day. Buti na lang di ako umiinom nung segundong yun, haha!

    ReplyDelete
  10. Akala ko nobela na ang binabasa ko. Hehehe! pis!

    astig.. hindi ko pa nararanasan na makipag gitgitan sa MRT. Sa girls at disabled kasi, hindi naman sik sikan. ewan ko lang pag umaga na katulad ng sinasabi mo. Hehe. Suki ka pala ng MRT at LRT stations. :) Balita ko yung LRT 2 ata yun. Yung bago, e mas maganda daw kesa sa MRT.

    ReplyDelete
  11. Pinaka cool yung photo of the day. Astig. :)

    ReplyDelete
  12. Hay naku jake, ang pinakanakakainis e yung may makakatabi kang amoy anghit tapos gitgitan pa. Haha. Terible! Aplikabol yan lalo na sa jip. :D

    I agree, coolness for the photo of the day. :)

    ReplyDelete
  13. Tagal ko nang di naririnig ang stars ng Simply Red ha... brings back memories.

    Madalas din akong sumasakay ng MRT nung nagrereview ako para sa Board exams... malapit lang tinitirahan namen sa Boni Station nun kaya accesible ang MRT. Sa Quezon Ave ang baba namen para sumakay ng FX papuntang Espana. Long cut ito pero malayong comportable kesa mag jeep or magbus ng diretso. Andami ding mga nakakaaliw na pangyayari samen nun pero di kasing unique ng mga naranasan mo. hehehe...

    Sana lang talaga ayusin na nila ang connection ng mga tren na to. Pag sasakay ka mula MRT papuntang LRT2 kelangan mo pang lumabas ng Farmers. Pati kung lilipat ka mula LRT2 to LRT. Tapos sana isa na din ang pre-paid cards nila para ala masyadong clutter sa pitaka. hehehe

    Naidagdag na din kita sa aking blogroll makatang Jake. :)

    ReplyDelete
  14. Grabe, ang mahal pala ng pamasahe jan ngayon. Nakasakay na ako ng LRT dati pero hindi ako sigurado sa MRT. First and last time ko kasing sumakay nun.

    Ayaw ko yng LRT kasi siksikan tapos hindi pa aircon. Kaya tuloy naaamoy mo putok ng ibang tao. Hahaha! Ano ba yng LRT 2?

    ReplyDelete
  15. Sa totoo lang, gusto kong makaranas ng "milagro" habang nakasakay sa tren, pero hindi dahil ako ay isang pervert. Gusto ko lang maranasang magsisigaw in public at gumawa ng eksena. Gusto ko ring makaranas manampal, manadyak, mambanat ng lalaki :p. Pero hindi ko to mararanasan ever kasi kelangan ko muna ng lakas ng loob na sumiskik sa male-only na part ng tren. :)

    ReplyDelete
  16. hahaha wala lang nakakarelate lang, regular LRT passenger din kc ako, and i have posted several entires about lrt also

    ReplyDelete
  17. hindi ako regular passenger ng mrt...

    pero ang masasabi ko lang...

    ang sarap sumakay sa mrt

    at ang sarap matulog...

    kasi malamig...

    tska okay lang sa'kin kahit nakatayo...

    kasi nag-eenjoy akong tumingin tingin...

    ang ayoko, sa LRT...

    ReplyDelete
  18. Salamat sa pag-share ng kwentong MRT mo Jake! HAHAHAHA! Totoo naman ang lahat nang naisulat mo...

    Nung minsang papunta kami ng Bro ko sa Megamall para manuod ng sine sobrang hirap makasakay sa Guadalupe Station...traffic kasi gustuhin ko man mag-cab na lang...kumusta naman ako nun sa pamasahe?! Pero sumuko na rin kami makalipas ang ilan pang tren na nagdaan, nagdecide kaming mag bus na lang para hindi masakit sa bulsa! Na-traffic man at least mas may pag-asa kaming makausad keysa mag-intay kaming makasakay sa MRT... :D

    Takot naman ako sa LRT...tuwing sasakay ako dun pakiramdam ko eh mananakawan ako! Paranoid ito! :D

    ReplyDelete
  19. pag pasok ng LRT/MRT Corporate worker, pagbaba Construction Worker

    ReplyDelete

Comments are moderated. Credit is good but we need cash.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails