Tuesday, May 1, 2007

Pinalo Ako Sa Pwet

[Addendum: Thanks to NostalgiaManila for having this featured on their website through my submission. You can see it HERE. You may leave your comments on either/both posts.]

Ang pinakaunang pagpaparusa na ginawa sa’kin nu’ng bata ako e ‘yung iniluhod ako sa munggo ng nanay ko. Siguro mga apat na taong gulang pa lang ako niyan. Nu’ng maglaon, umakyat na sa Level 2 ang parusang ito dahil idinagdag niya ang pagpapapasan sa’kin ng diksyunaryo sa kaliwang kamay ko at ang Banal na Biblya sa kanan habang nakaluhod sa asin.

Nu’ng maghiwalay ang mga magulang ko, lumaki naman ako sa piling ng mga kasambahay na hindi yata tumatagal sa’kin dahil sa talento ko sa katigasan ng ulo. Sa pagkaka-alala ko, laging kaming dalawa lang ng isang kasambahay ang naiiwan sa bahay dahil OFW pa noon ang tatay ko.

Isa sa mga paboritong nilang pagdidisiplina sa’kin ay ang pag-iwan sa’kin, mag-isa lang ako sa may tarangkahan ng bahay at madilim na silang uuwi. At dahil takot akong mag-isa sa dilim, madalas e dinadatnan akong humahagulgol. Umaabot yata sa New Zealand ang mga pagngangawa ko nu’n. Naging karaniwan na ring parusa sa’kin ang pagkakakulong sa madilim na CR mula anim na buwan hanggang isang taon.

Minsan namang lumagi ng matagal na panahon ang pinsang-buo ko sa bahay namin. Pinili niya kasi ang bahay naming bilang kanyang asylum. Siya ang nagtuloy sa pagpapalaki sa’kin, at siya rin ang nagturo sa’kin ng samutsaring mga bagay. Sa kanya rin ako nakatikim ng mala-Batas Militar na pandidisiplina. Ang sinturon ay ang primary weapon niya sa tuwing gagawa ako ng kapilyuhan, bukod sa napaka-generic na kurot at sampal.

Kung kasabayan kita ng panahon, malamang ay pinalaki ka sa siyesta, o ang compulsory na pagtulog sa tanghali. Ito ang isa sa mga pinaka-ayaw kong bahagi ng aking kabataan. Habang ang mga kaedaran ko ay masayang naglalaro at nagbibilad sa araw sa labas ng kanilang mga kural, pilit naman akong pinatutulog ng pinsan ko. Pinaka-ayaw ko ito dahil hirap na hirap naman talaga akong matulog sa tanghali. At kapag nalaman niyang hindi ako nakatulog sa tanghali, parusa niya sa’kin na hindi niya ako pinapabangon sa higaan hanggang 6pm. Saving grace ko ang boses ni Noli de Castro sa TV Patrol ito lagi ang nagsisilbing hudyat na napagsilbihan ko na ang sintensya ko. Kapag naman nakakatulog ako, reward niya sa’kin ang karapatang bumangon ng 4pm, lumasap ng masarap na merienda, at magsaya sa panonood ng mga cartoons (Shaider at Masked Rider Black naman kapag weekends).

Pinsan ko rin ang nagtaguyod at tumulong sa aking Primary School life. Tulad ng nabanggit, tinuruan niya ako ng maraming bagay. Personal ko siyang tutor bago ako pumasok sa school at bago matulog. Tinuruan niya akong magtali ng sintas, at kung hindi ko ito nagagawa ng tama, instant kurot ang naghihintay sa’kin. Nu’ng hirap na hirap naman ako sa pagkakabisa ng The Lord’s Prayer, Hail Mary, at Glory Be (nga ba ‘yung pamagat ng Glory be to the Father, to the Son, and to the Holy Spirit, blah-blah-blah), ipinabigkas niya ang mga ito sa’kin ng tig-i-isandaang beses bawat araw. Daig ko pa ang Holy Week dahil isang beses lang ang Pabasa. Mahigpit din ang pagbabawal sa’king maglaro ng Nintendo Family Computer kapag may mga mali akong sagot sa mga battery exams sa Algebra at English na araw-araw niyang binibigay.

Isa rin sa mga malaking issue sa’kin ang wastong pagkain. “Walang tabi-tabi!” ‘Yan ang opening remarks niya sa tuwing haharap na ako sa hapag-kainan. E hindi ako kumakain ng mga taba, mga atay at balun-balunan, at halos lahat ng uri ng gulay o kahit ano basta kulay green. Hindi na kataka-takang inaabot ako ng tatlong oras sa pagkain. Tinutulugan na yata ako ng guardian angel ko. Bawat pagsubo ng mga pagkaing nabanggit ay parang countdown ng kamatayan ko (napaka-aga naman sa edad kong pito na yata). Required na dapat maubos ang lahat ng nasa plato hanggang sa pinakahuling butil ng kanin. Ito ang isa sa mga dahilan kumbakit hindi ako nakakapanood ng Takeshi’s Castle sa Channel 13. Madalas din niya akong hindi pinalalabas ng kwarto kapag nakagagawa rin ako ng ibang mga krimen.

Nu’ng lumipat na ng tirahan ang pinsan ko, akala ko e magiging ayos na ang lahat. Magagawa ko na ang lahat-lahat ng mga trip kong gawin. Wala na akong siyestang aalahanin at makakain ko na ang mga gusto kong lang na ulam. Hindi pala.

Isang araw na lang, umuwi ang tatay ko mula abroad na may kasamang <*suspense music*> asawa at ang anak nila. Indonesian ang breed ng mga ito. Nu’ng una, maayos ang pakikitungo ng bago kong madrasta. Mabait. Pero nang maglaon, mas malala pa pala siya sa pinsan ko. Pakiramdam kong sumailalim ako sa Kamay Na Bakal.

Mahilig siya sa mga pagkaing sooobrang pina-anghang sa sili. Bawat ulam yata naming ay mayroong humigit-kumulang 32767 siling labuyo na mas mapula pa sa Valentine’s Day. Isa ito sa mga primary weapon niya dahil kapag hindi na naman ako kumain nang tama, asahan ko nang kakagat ako ng isang malupit na sili. Umabot yata ng sampung dekada ang anghang sa dila ko. Bukod dito, sa kanya rin ako nakatikim ng sinturon na ang ipinampapalo ay bakal. Bukol, pasa, at gasgas ang inaabot ng mura kong balat. Iniumpog na rin ako sa ulo kapag nagpa-power trip siya. Sa pagkakaalala ko, sintalim yata ng katana ‘yung mga kuko niyang ipinangkukurot sa’kin kapag ako naman ang nagpa-power trip sa “kapatid” ko. Magkatulad din sila ng pinsan ko sa pagdidisiplina sa’kin sa usapang siyesta. Naging ganito ang mga uri ng pagdidisiplina sa’kin hanggang sa tuluyan na akong grumaduweyt sa kanya nu’ng Grade 5. Naghiwalay sila ng tatay ko at ibinalik siya sa kanyang pinanggalingan. Parang nabunutan na ako ng tinik dahil sa nangyaring ‘yan.

Swerte ko lang, hindi ako nakatikim ng pisikal na parusa sa school tulad ng mga ikinukwento sa’tin ng mga magulang natin. Isa sa mga naging pagdidisiplina sa’kin sa loob ng paaralan ay ang pagpapalabas sa’kin sa classroom sa tuwing maingay ako kasama ng mga usual suspects. Pinaglinis na rin ako ng classroom nang isang linggo – mag-isa! Bukod pa ito sa pagpapahiya sa’kin sa buong klase kapag hindi ako gumagawa ng assignment. Kaya siguro hindi ako nakaka-porma sa mga nagiging crush ko. Naalala ko, minura ako nang adviser ko nu’ng Grade 4 ako nu’ng pinagtripan ko ang kaklase kong uhugin. Nakita ko na ring lumipad ang lahat ng mga kagamitan ko palabas ng classroom matapos akong sigawan ng teacher ko sa Filipino na “MAKAKAUWI KA NA!” nu’ng Grade 5 ako. Pinatayo na rin ako sa upuan, sa pintuan ng classroom namin, sa may main entrance ng school namin, at maging sa talahiban.

Lumipas ang napakaraming taon. Pero patuloy pa rin akong – tayong – dinidisiplina at pinapalo. Iba-ibang mga tao, iba-ibang mga oras, iba-ibang mga sitwasyon, iba-ibang mga pagkakataon. Alam nating lahat ang mga layunin nila kumbakit nila tayo pinapalo sa pwet. Gusto nila tayong tumino. May mga bagay silang gusting ituro sa’tin, at kung matigas ang ulo natin at ayaw makinig, dinidisiplina nila tayo upang hindi na nating ulitin ang mga pagkakamali. Kinakailangan nilang gawin ‘to upang kolektahin natin ang mga sarili, mag-isip, at isapuso ang mga aral na itinuturo nila sa’tin. Ganito sila magpa-alala sa mga bagay-bagay sa mundo.

Sa mga nabanggit ko sa itaas, wala sa kanila ang nakapagparanas sa’kin ng pinakamasakit na palo, bugbog, o kurot. Para sa’kin, wala nang mas sasakit pa kapag sinampal ka ng katotohanan. ‘Yung tipong masakit na ngang isipin dahil totoo, isasampal pa ito sa’yo. Minsan na akong sinampal ng katotohanang binigo ko ang magulang ko sa kanilang mga gustuhin para sa’kin. Sinampal ako ng katotohanang patay na ang matalik kong kaibigan nu’ng High School. At ang pinakamasakit sa lahat, not-so-long ago ay sinampal ako ng katotohanan nu’ng makita ko ang babaeng minamahal ko na may kasama iba. Bukod ‘yan sa napakarami pang ibang mga bagay. Masakit. Sobra. Masakit ang pakiramdam sa tuwing isasampal ang katotohanan na hindi lahat ng mga bagay na gusto natin ay makakamit natin. Marapat lang na matuto tayong tanggapin ang mga bagay-bagay na ayaw natin.

Pinakamasakit na palo ang pagsampal ng katotohanan…

17 comments:

  1. I never really knelt on anything as a child. I did get good spankings and was hit by a belt like 2 or 3 times. Any form of physical punishment stopped at age 13. My father treats my sister and I like adults even though we're still minors :P.

    ReplyDelete
  2. Agree ako sayo tol. Ang pinakamsakit sa lahat ay yung masampal ka ng katotohanan. hehe Astig yung pusa sa pic hehe masarap ba yung bopis na aso di ko pa natikman e hehehe pero im sure nakatikim na ako ng siopao na pusa di ko lng namamalayan hehe

    ReplyDelete
  3. hindi ko pa naranasang mapalo ng sinturon ng tatay ko pero hanger oo! naikulong na din ako sa kwarto pero hindi pa ko napadapa sa asin o munggo.

    ReplyDelete
  4. wOw! ang galing! 22o lahat ng mga sinabi! natamaan ako dun. . . sa iba lang ah! ahihihi! makakaasa kang susubaybayan ko ang bawat entry mo. . . pro kung sna eh pumunta ka rin sa mundo ko pag me bagong entry ka po ulit pra mabisita at komentan na rin!

    ah bsta astig ng entry na to! sampal ng katotohanan! nakzzz!

    ReplyDelete
  5. Pahabol, hindi ako makaiwas sa pagtulog pag tanghali kz tatay ko nagpapatulog sakin at okey lng nmn kz bgo ma2log kwento mode muna siya kila pong pagong, si bing kambing, si babe the pig at ang dakilang eroplano na palipad lipad lagi sabay kiliti sa akin! ahihihi!

    ReplyDelete
  6. Hindi kami pinapatulog ng parents o ng katulong dati pag tanghali. Hmm.. Or wala lang talaga akong maalala :P Ang natatandaan ko lang e bawal kami lumabas ng bahay sa umaga hangga't hindi kami kumakain ng breakfast... Tapos pagdating ng mga 11:30 ng umaga papapasukin na kami sa bahay at 4 na ulit ng hapon kami pwedeng lumabas ng bahay hanggang 6 ng gabi :P Lagi yun pag mga quarter to 4 naka-abang na kami sa gate ng bahay para saktong 4 lalabas na kami hihi

    Na-aalala kong malupit na parusa na natanggap ko e nung kinurot ako ng katulong namin sa may tagiliran at talagang dumugo siya (hindi ko maalala kung bakit niya ako kinurot siguro nanggigil hehehe) mula sa labas ng village pauwi ng bahay umiiyak ako ang lakas lakas pa ng iyak ko parang biik hihi tapos yun pinalayas yung katulong hahaha!

    ReplyDelete
  7. Hindi ka rin mahilig magsulat, 'no? Ang haba ng entry mo, dude. Hindi ko alam kung saan ako magsisimulang mag-comment. XD Napalo na rin ako ng mommy ko pero ilang beses lang at hindi naman masakit. Malakas lang ang iyak ko nun kasi hindi ko ma-take na ganun ka-grabe yung kasalanan ko to the point na kailangan niya akong paluin. In short, I was crying because of GUILT! Usually kasi mahilig lang silang magbigay ng sermon ng daddy ko eh.

    Siguro kung mas maikli ang next entry mo, makakapag-comment na ako ng matino. Hehe.

    ReplyDelete
  8. Ang saklap naman non! Naalala ko tuloy yung ibang parusa sakin! except sa munggo, di pa ginawa sakin yon! siguro nasayangan sila! hahaha!!!

    ~napadaan at na-astigan sa blog mo! :)

    ReplyDelete
  9. Nakakaaliw ka mag-blog. Bihira na ko nakakabasa ng mga entry na ang kabuuan ay naka-Filipino... Nakakaaliw lalo na sa mga nabanggit mo na mga palabas sa TV, mula sa yellow na outfit ni Annie ng Shaider hanggang sa mga kalokohang stunts ng Takeshi's Castle. Ako rin eh naabutan ko ang kahirapang matulog ng tanghali pero d ko naman naranasang lumuhod sa monggo bilang parusa.

    (Naubusan nako ng Tagalog) I totally agree with you in your last paragraph... It's easy to get over the physical pain, scars heal, bones regenerate... but the damage some truths do to us are life changing. I hope these changes for you were for the better. :)

    ReplyDelete
  10. Ang pinakamatinding pagpalo sa akin nun ng papa ko eh yung gamitin nya yung rubber shoes sa butt ko na pampalo, ouch ang sakit talaga super pantal hehe.. pansin ko lang sobra mga nadanas mong palo noon, siguro sadyang makulit ka :D

    Sad naman yung palo ng katotohanan sa'yo lalo na makita mong mahal mo na iba na kasama :(

    Hope you're okay...

    ReplyDelete
  11. Ako ang pinaka pangit na atang parusa sa akin ay ang pag hagis ng walis tingting.. at dahil sa mabilis akong tumakbo.. sa paa lang ako lagi nito natatamaan..

    -> Naranasan ko naring mapalo ng sinturon.. pero ONCE lang.. totoo..isang beses lang ako napalo.. nakalimutan ko na nga ung dahilan.. mabait kasi ako nung bata..

    _> pinaka-ayaw ko ring part ay yang.. pagtulog sa tanghali.. ako nagkukunari lang akong tulog pero naglalaro lang ako sa kwarto ko. :)

    by the way, di tayo nagpang-abot a paco.. batch 2002 ka grumaduate ng High School batch 2002 naman ako gurmaduate ng elem.. hihihihi

    ReplyDelete
  12. Hehe wala lang. Naalala ko lang yung lines na yan from The Notebook. So okaaayyy.. what's so wrong about chickflicks?? They usually have something worth pondering upon anyway. :P

    Nakikidaan lang. :)

    ReplyDelete
  13. hahaha.. wow.. so parang nakakalungkot ang childhood mo.. hmm?? TANONG: hnd ba mabaho ang hininga nung madrasta mo? kasi kung maanghang ang kinakain nia diba?? diba? nakka bad breath un???

    anyway... ako?? ang pinakaMASAKIT na naransan ko eh ung nasampal ako ng aking momma. siguro hnd nia na nakayanan ang katarantaduhan ko.. kea aun.. tsk

    ReplyDelete
  14. pwede na itong pang Maalaala Mo Kaya o Magpakailanman.

    siesta, kahit anong pilit kong matulog eh hindi ako makatulog kahit todo pikit ang mga mata ko.

    OFW din ang papa ko. nasanay akong wala siya, at mas okay sa akin kung nasa ibang bansa siya.

    Pinagbawalan din akong kumain ng street foods, kaya't hanggang ngayon eh hindi ko pa alam ang lasa ng isaw at ang kaawaawang one-day old chick.

    Ilang beses na rin akong napagalitan sa school, kinder pa lang eh nag papaiyak na ko ng classmate ko.

    tama, reality bites,,

    ReplyDelete
  15. naalala ko nung bata ako na pinaluhod kami ni Mama pagkagaling sa simbahan kasi nag-away yata kaming magkakapatid habang nagsisimba...sinabi niya rin na katatapos lang niya magsimba pero ayun kami, binibigyan siya ng dahilan para magkasala daw. haha.

    pero agree ako ah. yun nga ang pinakamasaklap sa lahat, yung tipong sinasampal sayo yung totoo, e alam mo na naman yun...
    asar pag ganun, 'no?

    ReplyDelete
  16. Ayoko ring pinapatulog kapag hapon. Tuwing alas-tres kasi may magagandang palabas dati gaya ng Julio at Julia (kambal ng tadhana), Sarah at B't X.

    Ako naman sinilid sa sako tapos binuhol! Itatapon raw ako sa ilog Pasig!

    ReplyDelete
  17. hmm.. cno kaya namimiss mo? ;) at hulaan mo kung cno ako.. hehe.. pag nahulaan mo, may kiss ka sakin.. ;)

    ReplyDelete

Comments are moderated. Credit is good but we need cash.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails