Tuesday, July 17, 2007

Haw Flakes

Nabanggit ko na rin lang at medyo napansin niyo na rin, bakit hindi ko pa pagtripan?

Karamihan sa mga kaedaran ko e siyempre nakakain na ng haw flakes. Kung hindi mo alam 'yan, malamang e hindi ka rito sa Pilipinas lumaki, o baka hindi ka masyadong lumalabas ng bahay at nag-e-eksperimento ng mga barya-goodies sa suking tindahan. Ang haw flakes ang isa sa mga napakaraming simbulo ng nakalipas na panahong kaysarap balikan kung minsan.

Para sa kapakanan ng mga kahapon lang ipinanganak, ang haw flakes ay isang mamisong pagkain galing sa Tsayna (China). Medyo kulay pink sila na halos simbilog ng old-school na beinte-singkong barya ('yung paru-paro ang naka-engrave). Tigsa-sampu yatang piraso 'yun na nakabalot sa papel na ang design e pwede mong mapagkamalang paputok para sa Bagong Taon. Malalaman mo agad na galing siya sa Tsayna dahil sa mga nagtsatsaynisang mga characters sa label nito. Walang kahalintulad ang lasa nito (at sa totoo lang, hindi ko na halos maalala). Basta maasim-asim siya na manamis-namis (at ayoko 'yung naiisip ko).



Ang haw flakes ang isa sa mga naging dahilan kumbakit ko ikinakatok ang mga barya ko du'n sa friendly neighborhood sari-sari store nu'ng mga bata pa kami ng kapatid ko. Ito rin ang staple food namin sa hapon kapiling ng mga kalaro ko. Haw flakes din ang nakapagpatunay na sa murang edad, may alam ang mga bata ukol sa Banal na Misang Katoliko.

*itataas ang isang piraso ng haw flakes*
Bata 1: Ito ang katawan ni Kristo.
*isusubo niya sa kalaro*
Bata 3: HOY, TAWAG KA NA NG NANAY MO!

Ewan ko kung nakakain na ako ng sundot-kulangot, pero sigurado akong nakakain na ako ng kundol, sweet-and-spicy dilis, mga candy na may kung anu-ano ang hugis, at iba pa. At hindi ko malilimutan ang haw flakes.

Bata pa ako nu'ng huli akong nakakain nito. Hindi ko nga alam kung meron pa nga ba nito sa kasalukuyang panahon. Ayon naman sa crush kong si Chel, marami-rami daw siya nito. Marami. Nang-iingit pa. Pero banggit din niyang mabibili daw ito sa Aji Ichiban. Grabe, na-miss ko nang kumain niyan.

Sa tulong ng Wikipedia, ito ang napag-alaman ko sa haw flakes.

Gawa pala ito sa prutas na nanggagaling sa "Chinese Hawthorn." Hindi ko alam kung ano ang hitsura niyan. At pinamimigay pala ito ng isang "traditional Chinese doctor" sa mga pasyente nito pagkatapos ng mga konsultasyon sa kanya. Ngayon, alam ko na kung saan ako magpapabunot ng ngipin next week.

1970s pa pala 'tong Haw Flakes. At ang "Shandong Foodstuffs Import & Export Corporation" ay ang pinakamalaking nagpo-prodyus nito. At madalas itong makikita at mabibili sa mga Chinatowns sa labas ng China. Kung meron niyan sa Binondo, hindi ko pa alam.

Minsan na pala itong nasita ng Estados Unidos dahil sa pagkakaroon nito ng "Ponceau 4R (E124, Acid Red 18)," isang di-aprubadong food coloring. Pero wala akong pakialam. Basta masarap ang haw flakes.

Thursday, July 5, 2007

Primary School Days

Bago mo basahin ito, kung may pinapatugtog ka sa sandaling ito, maari sana'y pakipatay muna 'yan at patugtugin mo muna 'yung mga kantang inilagay ko rito. Wala lang. Para mas "feel" mo 'yung kwento ko. Ayos ba? Game.


Press play...

Usong-uso 'yang kantang 'yan noong mga 1994. Grade 4 ako niyan at sa Cavite pa ako nakatira. Hatid ng kantang 'yan ang mga masasaya at hindi gaanong masasayang alala nu'ng nasa Primary pa lang ako.

'Yan 'yung mga panahong nagsisimula pa lang halos 'yung Elementary School kung saan ako nag-aral. Siguro mga tatlo o apat na taon pa lang ang operasyon nila. Hindi gusali ang school namin noon. Isang bahay - as in bahay na residential - ginawang dalawang classroom 'yung living room tsaka master bedroom (nilagyan ng blackboard, teacher's table, mga upuan, at mga murals at charts sa mga dingding), ginawang canteen 'yung kitchen, ginawang mini-playground ang tarangkahan at likod-bahay, at voila! May school na kami! Annex pa nga 'yan dahil nag-e-expand pa lang yata sila. Ayos lang kasi walking distance naman 'yun main campus. May ilog pa nga sa likuran namin kaya minsan, ka-jamming namin ang mga palaka pag oras ng klase. Maswerte din kami dahil nakaranas na kaming mag-klase sa open-area na likod-bahay. Siyempre may lilim 'yun.

Naalala ko, 1 is to 3 ang ratio ng lalaki sa babae. Kaya lahat kaming mga lalaki ay magbabarkada na rin, samantalang ang mga babae naman e may grupo-grupo pa yata. Pero all in all e masaya naman kaming buong klase. Mas madalas kaming magkasundu-sundo kesa sa mag-away-away. Hindi kami isolated sa isa't-isa kaya mas madalas e damay-damay kami sa kalokohan at academics.

Required kaming dalhin ang lahat-lahat ng mga notebooks, mga libro, at iba pang mga school paraphernalia araw-araw, kaya uso sa'min 'yung palakihan ng bag. Buti na lang at nabuhay ako sa panahong usong-uso 'yung "stroller" type na bag. May iba na backpack o knapsack pa rin 'yung gamit pero ayos lang 'yun. At siyempre, payabangan pa kami ng mga lunch boxes at water jugs. Ako, batang backpack ako (isa ngayon itong teyoriya ng mga siyentipiko kumbakit nakuba ako). Hindi halos uso ang paperclips, dahil "puncher-fastener" ang uso noon. Iba rin ang hitsura ng mga folder - kulay dilaw. Nakagamit na rin ako ng iba't-ibang uri ng papel - manila paper, crepe paper, papel de japon, art paper, bond paper, writing pad, cartolina. Maaga rin akong natuto kung pa'no ibalot ang mga libro at notebook ng plastic cover.

Karamihan sa amin ay pinagbabaon ala-lunch box, at ang iba sa amin ay binibigyan na lang ng pera. Araw-araw, naging baon ko 'yung sandwich na may palaman. Depende yata sa balitang showbiz ang palaman na inilalagay ng yaya ko du'n sa toasted tasty bread ko. Kapag masaya, keso. Kapag olats, mayonnaise kahit alam niyang ayaw na ayaw ko 'yun. Kaya nu'ng sinabi kong ayoko ng sistemang tinapay, napilitan tuloy akong magbitbit ng lunch box dahil kanin-at-ulam ang dala kong baon. Binibigyan naman ako ng pera, pero hindi ganu'ng kalaki kasi baka hindi naman pagkain ang ipambili ko. Ang problema naman, hindi ko na trip kainin 'yun pagdating ng lunch time kasi hindi na siya mainit. Ganu'n ako ka-arte. At ang naging final solution? Uuwi ako sa bahay tuwing lunch time. Pinapayagan lang kasing lumabas tuwing lunch time ang mga batang walking distance lang ang bahay. Buti na lang at isang likuan lang ang pagitan ng bahay namin sa school.

Kasabay sa mabilis na pag-unlad ng mga hormones sa katawan namin 'yung pagkakaroon ng mga crushes. Sa hindi malamang dahilan, sikat na sikat 'yung love team namin ng crush ko. Sa mga babae, siya kasi ang pinakamatalino. Sa mga lalaki, walang halong yabang o kung anuman, ako naman ang topnotcher. Kaya madalas, pinaglalaban o pinagpa-partner kami sa mga in-classroom activities. Naging mortal na kalaban ko siya sa Math (hindi pa ako bobo sa Math dati!), at naging tweetums partner ko siya tuwing may mga dance intermissions o field demonstrations. (Naging ka-"love team" ko siya hanggang sa nagtapos kami ng Elementarya.) "Puppy love" daw ang tawag sa ganu'n. Lagi pa akong nagpapasikat nu'n para lang mapansin niya ako. Isa tuloy siya sa naging dahilan kumbakit ginagalingan ko tuwing quizzes, lalo na kapag Spelling contests kasi du'n ako magaling. O kaya halimbawa, hihintayin ko siyang matapos sa exam, kapag ipapasa na niya, tsaka pa lang ako magpapasa. Sumisimple pa ako ng pagtabi sa kanya tuwing seating arrangement. Du'n ko lang unang narinig ang salitang "blush." "Uyyy!~ Nagba-blush!~" Namumula kaming dalawa kapag pinagtitripan kami ng buong klase kasama na pati 'yung adviser namin.

Kung ano naman ang itinalino ko, 'yun din ang iginulo ko. Lagi akong kasama sa listahan ng mga notorious troublemakers. Kasama ng mga tropapips kong kapwa-sabog sa Haw Flakes (oo, Haw Flakes!), kami ang nangunguna pagdating sa kalokohan. Minsan, gumawa kami ng napakaliit na butas sa may CR. Siyempre alam na 'yan. Ginawa na rin naming sketchbook 'yung pader ng CR dahil walang kaming habas kung mag-vandal. Sa dami ng obrang isinulat ko du'n, isa lang ang naalala ko. "Sige, tae ka!" tapos may arrow na nakaturo sa toilet bowl. (Wala pang nakaka-alam niyan hanggang ngayon, kaya 'wag mo akong isusumbong!) May milagro din kaming ginagawa sa CR, pero kung bastos ang iniisip mo, nagkakamali ka. Bawal kasi sa loob ng campus 'yung tex cards. Kaya halimbawang may mga undeground negotiations, trade-ins, o tex tournaments na magaganap, CR ang naging opisina namin. Bukod pa diyan sa may mga nagpupuslit ng porn magazine (hindi pa ako nakakarinig ng salitang "porn" dati, alam ko lang e "bold") at mga nagka-cutting classes para lang magpunta sa convenience store na malapit sa amin para makapag-Slurpee o kaya sa isang tagong lugar para mag-tex. Andyan din ang mga usual na bullies na walang ibang alam kundi mambulahaw ng mga kaklase.

Kung ang isang bansa ay may mga karampatang parusa para sa mga nagkasala, ganu'n din kami sa klase. Pinapatayo sa upuan, pinalalabas ng klase, minsan pa nga e diretso nang pinauuwi kung heinous crime na 'yung nagawa, pinaglilinis ng classroom mag-isa, pinapag-squat, at iba pa tulad ng pinakasikat sa lahat - bring your own parent. Natikman ko na yata ang halos lahat ng uri ng parusa. Siyempre bukod sa usual bullying at harap-harapang paglabag sa school regulations, counted ding pinarurusahan ang mga hindi gumagawa ng assignment, walang project, hindi nagdadala ng mga libro, at ang mga kahalintulad.

Uso sa'min ang tex cards. Street Fighter, Dragon Ball, Ghost Fighter, X-men, Power Rangers - dinaanan naming lahat sa tex 'yan. Para sa mga smalltime, isa-isa hanggang tatlo-tatlo ang tayaan. Para naman sa mga bigtime, pakapalan ang taya. The more you bet, the more you win or lose. Bukod diyan, dumaan din kami sa kausuhan ng jolens, goma, at gagamba. Problema nga lang, kumpiskado ang lahat-lahat ng 'yan kapag nagkahulihan. Didiretso 'yan sa crime lab - basurahan - kapag nahulihan ka. Buti pa 'yung mga babae sa amin, tsismisan at intrigahan lang ang uso sa kanila. Kaya para sa "clean physical fun," nakuntento kami sa taguan - ng gamit! Pero kung mapagkakasunduang magkaroon ng fun and games ang buong klase pagsapit ng uwian, pwede kaming maglaro ng taguan, open the basket, agawang beys, bulaklak, at kung anu-ano pang maisip namin kapag wala kaming maisip.

Ah, oo. 'Yan 'yung panahon ng "ice-candy craze." Halos bawat bahay sa amin ay may tindang ice candy. Kami rin, nagtitinda niyan, kasa ng yelo at "ice tubig." Nagtataka nga ako kumbait "ice tubig" ang tawag nila du'n. Adik din ako sa mamisong chichirya na hindi ko na maalala ngayon kung ano ang mga variants. Wala pa yatang squidball noon. Meron pa lang fishball, kikiam, at siomai. Tapos siyempre, 'yung candy na may dalawang tex.

Minsan, nakaka-miss 'yung panahong kasama pa sa school supplies na dapat mong bilhin ay ang music writing book at drawing book. Tapos pagandahan kayo ng lapis, pambura, pencil case, at bag. Tuwing kainan, umpukan kayo at sabay-sabay kakain. Pag-uwi, sasabayan mo 'yung crush mo o sasamahan mo hanggang dumating ang service ng isa sa inyo. Nakaka-miss 'yung pinupuri ka ng teacher kapag nagbo-volunteer kang magbura ng blackboard o 'yung pinasisigaw mo siya kapag maingay ka sa classroom. Magaling ka sa favorite subjects mo, dole-outs ka sa not-that-favorite subjects mo.

Karamihan sa mga ka-edad ko ay nagsasabing sinayaw daw nila ang isa o pareho sa mga kantang sinabi kong patugtugin mo (kaya kung hindi mo pa pinatutugtog, punta ka ulet sa itaas, patugtugin mo, at basahin mo uli ang entry na ito sa umpisa). Sa amin, sinayaw namin 'yung "Sweet Soul Revue" nu'ng Field Demonstration. Kahit bata pa lang ako, music-minded na ako. Alam ko ang mga usong kanta at genres dati. Nu'ng panahon 'yan mas uso ang mga dance songs. Sumunod naman ang OPM at ang mga old-school Pinoy banda na hindi hamak na mas maganda kesa sa mga banda ngayon. May mga Western songs na rin ako naririnig-rinig noon. Salamat sa kuya kong nagdya-jamming sa kausuhan ng Nirvana at Metallica. Kahit wala pa kaming cable TV, updated kami sa radyo. Ikaw ba, nasayaw mo ba 'yan?

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails