Wednesday, August 15, 2007

Ligaw Sa Tingin

Taimtim na nagbabasa ng libro sa Powerbooks, nakakita ako ng isang magandang dilag na nagbabasa rin ng libro, di-kalayuan sa kinatatayuan ko. Sadyang nakapagandang dilag. Tila maamo ang dating. Kolehiyala. Isang anghel sa aking paningin. Nabihag niya agad ang puso kong makailang beses nang nasawi dahil sa mga kapwa niyang anghel. Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga ng malalim. "Siya na nga. Siya na nga marahil." Dahan-dahan ko siyang nilapitan. Sa bawat pagyapak ng aking mga paa patungo sa kanyang kinalulugaran, nararamdaman kong pati ang mga nakasalumbabang manunulat sa mga librong nakatambay sa mga istante e nakatingin sa'kin at bumubulong yata ng "Go, Jake! Rakenrol! Kaya mo 'yan!"

Tangan-tangan ang isang nakasisilaw na ngiti sa aking mga labi (note: mukha akong manyak kapag ngumingiti ng ganito), klinaro ko ang aking lalamunan nu'ng medyo nakalapit na ako sa kanya para marinig niya ito -- isang napakalaspag na eksena kung trip magpalipad-hangin ang isang lalaki kapag nakakakita siya ng tsikas. Dumampot ako ng isang libro at kunwaring binasa-basa. General English Fiction -- ito 'yung mga tipong binabasa ng mga "bigtime" at "high-maintenance" na uri ng mga dilag, samantalang ako naman e walang interes sa mga ganitong libro. Sinulyapan ko siya. Aba, ibinalik niya sa akin ang ngiti. Matapos ang mga matitipid na pagpapalitan ng mga salita, duon nagsimula ang aming pagmamahalan. 'Nakanaman. Bigtime.


Ang kwentong 'yan ay isa sa mga paboritong paksa ng imahinasyon kong walang ibang matinong maisip dahil siguro tigang na ako matagal na akong walang "intimate interaction" sa kahit na isang babae. Nakngtinapa. Lagi naman may mga pagkakataon na nakakakita ako ng isang babae sa mga lugar na tinatambayan ko. Gusto ko man, hindi ko man lang magawang lapitan at tanungin ni kanyang pangalan. Wala na nga yata akong progress bukod sa eye contact e.

Panliligaw sa tingin. 'Yan marahil ang isa sa mga bagay na magaling ako. Paniguradong Gold Medalist ako sa ganitong larangan. Halos buong buhay ko, inialay ko na ang aking sarili sa -- saan pa nga ba -- sa mga magagandang babae, pero wala akong naalala na naging matagumpay ako sa paglapit sa sinuman sa mga ito.

Sabi pa naman ng isang tropa ko, kami ang sadyang iniregalo sa kanila. Hindi ko tuloy alam kung matatawa ako o kikilabutan.

Lagi na lang may eksena sa pang-araw-araw kong buhay na may nasasalubong akong dilag, tapos sasabihin ko sa sarili ko, "malalaman ko ang pangalan nito" o "makaka-date ko ito, isang araw." Pero napangungunahan talaga ako ng kaba. At sa katagalan ng aking pag-iisip, wala, lumipad na ang manok. At bakit nga ba takot akong lumapit sa mga ito? Sa palagay ko, karamihan sa mga kalalakihang may parehong dilemma sa'kin ay mga ganito ring mga rason:

* Hindi ko alam kung ano ang aasahan ko. - 'Yan ang isa sa mga dahilan kumbakit nagtatagal ako sa kinakatayuan ko at nagdadalawang-isip kung lalapitan ko nga ba ito o hinde. Siguro kasi iniisip ko ang lahat-lahat ng mga pwedeng mangyari. At sa tagal ng pagbabaka-sakali ko, wala na.

* Iniisip ko ang iisipin ng ibang tao sa paligid. - Pero sa bagay, naiintindihan ko sila. Medyo nakakatawa rin kasi ako mag-isip kapag nakakakita ako ng isang lalaking lalapit sa mga Aphrodites na nagkalat sa mundo. Binubulong ko sa sarili ko, "ampogi naman nito."

* Ayokong ma-reject. - Sino ba naman ang may gusto? Ang pagkatakot sa rejection ay isa nang self-defense mechanism na nasilid na sa ating mga utak. Tsaka iniisip naman kasi natin na mas mataas ang posibilidad na i-mission failed ka lang nila.

* Hindi ko alam kung ano ang gagawin o sasabihin ko. - Ano'ng diskarte ba ang pinaka-effective? Nasisiguro kong ang lahat ng mga lalake sa mundo ay ipinanganak para matuto at maging magaling sa paggamit ng mga pick-up lines. Sa mga hindi, sureball na in-denial lang ang mga 'yun.

* Hindi ako naniniwalang uubra ako sa mga 'to. - Ako ang tipikal na polo-tee-and-jeans guy. Wala namang interesante sa hitsura ko. At sa pagiging pessimist kong makipagkilala sa mga 'yan, wala talaga akong mapapala.

* Ayokong maistorbo ang mga kaibigan niya. - Minsang napansin ko at naitanong sa mga tropa ko, "napansin mo bang mga bading ang kadalasang kasama ng mga magagandang babae?" O kung hindi man, sambatalyon silang Spice Girls na magkakasama. Siyempre nakaka-intimidate 'yun.

* Tila yata hindi natural o magandang tingnan na basta na lang ako lumapit sa kanila at magsimula ng isang pakikipag-usap. - Ewan ko kung paranoid lang talaga ako, pero kapag napapansin nilang nakatingin ako sa kanila, parang nagbubulungan sila na "Ay shet, si Jake! 'Di ba manyak 'yun?" Iniisip ko na lang siguro na laging may nakasulat na "Jake Morales: MANYAK!" sa pader ng CR ng mga babae kaya ganu'n.

* Mababa ang tingin ko sa sarili ko. - Siguro kasi sa taas ng tingin ko sa kanila, bumababa naman ang tingin ko sa sarili ko. Parang linya lang 'yan na "hindi tayo bagay, kasi langit ka at lupa lang ako." Sa mukha kong 'to, sinong hindi matatakot sa'kin? Sayang lang, hindi nila alam na magaling ako sa...

* Iniisip kong napaka-importante nito sa buhay ko, gusto kong maging makabuluhan ang gagawin ko, isinasa-alang-alang ko ang lahat ng meron sa buhay ko dito. - Parang isang pelikula kung saan nakasalalay ang tagumpay ng bida sa kakayahan niyang maging pogi at swabe. Ito 'yung tipo ng pakiramdam na kapag pumalya ako rito, anlaki ng mawawala sa'kin. Ah, ewan!

* Ang aking paborito: Hindi ko kayang kontrolin ang takot na pumipigil sa'kin. - TORPEdo. Kapag napangunahan na ako ng takot, wala na. Nakakatawa ngang isipin na hindi naman nakakatakot ang mga hitsura nila, pero bakit natatakot ako?

Sapul ba, mga repapips? Siguro kung may kakayahan lang ako, magpapa-survey ako sa mga babae kung pa'no nila gustong lapitan sila.

Inaalay ko ang post na ito sa mga babaeng nililigawan ko sa tingin du'n sa school library namin, du'n sa isang magandang dilag na taga-rito sa amin na madalas kong nakakasalubong kung papasok na ako sa school o kung uuwi ako, sa mga babae du'n sa mga coffee shops na kadalasang nagiging dahilan ng pagpunta ko sa mga ganu'ng lugar bukod sa gusto kong lang magkape at magbasa ng libro mag-isa, sa mga babae sa mga gimikang tinatambayan namin na naisasayaw ko naman pero lagi kong nalilimutang itanong 'yung number, sa mga crushes kong chatmates, textmates, blogmates at kung anu-ano pang mates kung saan e nakuntento na lang akong ligawan ang mga pictures nila sa Friendster at pagmasdan silang online sa YM hanggang sa mag-signout sila, at sa lahat ng mga magagandang dilag sa buong Kamaynilaan.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails