Monday, November 19, 2007

Bits and Pieces #2: Fulltime Callboy, Single Forever, Makapunit-Brief Na Utot, Atbp.

* Sa mga nagtatanong kung ano nga ba ang trabahong nakuha ko, isa akong fulltime callboy. Kailangan kong ng ibayong paggiling at pag-indayog ng katawan upang mawala ang antok. Kailangang magaling kaming gumamit ng dila para makapagsalita ng diretso. Kailangan malakas ang karisma namin upang makapanghalina. Ibig sabihin, call center agent. Pero trainee pa lang ako kaya wala pa talagang kasiguraduhan kung uubra ako pagdating sa Inglisan, pag-troubleshoot ng DSL, pakikipagbolahan sa mga galit na 'Kano, at sa papalit-palit na oras.

* Nu'ng isang beses na break namin sa office at nagtungo ako sa CR upang umihi, may nakasabay akong lalaki at pumuwesto siya sa urinal isang pagitan mula sa'kin. Taimtim akong nagpa-praktis ng mga spiels habang umiihi nang bigla akong nagulantang sa sobrang pagkabigla. Pumunit sa katahimikan ng CR ang lakas ng utot ng lalaking nakasabay ko. Sadistang utot na parang pwede ko na siyang idemanda sa kasong genocide. At parang hindi pa siya nakuntento, humirit siya ng isa pa, 'kala mo e nanganak bigla 'yung utot niya. Kung napunit din pati ang brief niya sa lakas ng impact ng utot niya, siya na lang ang nakaka-alam. Patay-malisya na lang ako pero dali-dali din akong umeskapo. Wala ako sa mood para umamoy nang anumang pinaglumaan na ng panahon. Kung namukhaan niya ako at binabasa niya ngayon ito, rak on, pare!

* Nais ko rin palang magpasalamat kay Joice dahil isinali niya ang blog ko sa kanyang pag-recognize sa kanyang 20 best bloggers. Maraming-maraming salamat. Tingnan niyo dito ang kanyang regalo para sa'kin.

* Nagkaroon kami ng di-pagkakaunawaan ni Fluff at hindi na siya nagpaparamdam ngayon. Kunsabagay, kasalanan ko naman kasi ang lahat. Hindi ako sigurado kung pormal na niyang pinutol ang komunikasyon namin dahil hindi na talaga siya nagti-text. At wala naman akong ni katiting na pag-asa sa kanya. At tulad din nilang lahat-lahat... basta. Pero nami-miss ko na siya.

* Hindi pa rin matapus-tapos ang depression ko. Naiinis na ako sa sarili ko. Lahat na lang ng taong dumarating sa buhay ko, biglang nawawala, biglang umaalis, biglang naglalaho. Dati-rati, masaya ko silang nakakausap (o nakakasama kung swertehan). Pero ewan ko ba kumbakit simbilis ng pagkakakilala ko sa kanila ang paglaho nila. Kausap ko sa YM magdamag, napupudpod na ang mga kamay kati-text, sobrang saya kapag nagkikita, sabay bigla na lang silang mawawala. Andyan man, suntok sa buwan naman kung magparamdam ulet. Kung busy naman talaga sa ibang mga mahahalagang bagay o kung anupamang dahilan, sila na lang din ang nakaka-alam. People always, always leave. Lalo tuloy akong hindi naniniwala na may mga taong mananatili sa buhay ng sinuman... Single Forever na talaga ako. And yes, it sucks to be me.

* Sa susunod na buwan na ang birthday ko. At patapos na rin ang taon na ito. At ang masasabi ko, itong taon na ito ang pinakapangit, pinakamalas, pinaka-walang-kwenta, pinaka-sawi, pinaka-depressive, pinaka-lahat-na sa buong buhay ko. Oo, may mga magaganda din namang nangyari sa buhay ko. Siyempre, itong taon na ito pormal na nagsimula ang blog na ito (dahil naman sa isang kamalasan sa relationship). May nakilala akong bagong mga kaibigan. May mga "dumating sa buhay ko" (naglaho naman rin yata ang iba sa kanila). Pero, sobrang dami ng mga pangit na nangyari sa buhay ko ngayong taon. Sobrang dami kong pinagsisisihan. Sobrang layo ito sa buhay ko dati. Kung may gusto akong burahin sa buhay ko, gusto kong burahin ang buong taon na ito. O kahit i-edit ko na lang. Nakahanda akong ibenta ang katawan ko. Ah este kaluluwa pala.

* Head-over-heals-swept-me-off-my-feel-love-at-first-sight-lahat-lahat-na-leche ako sa isang trainer dito sa account namin. Nu'ng pinakauna ko siyang nakita, instant laglag agad ang puso at ngala-ngala ko. Sobrang napakagandang dilag. Maputi, medyo katamtaman ang taas, at mala-perlas. Pinakanagustuhan ko sa kanya e 'yung mga mata niyang animo'y mapanghalina sa likod ng salamin na lalong nagbibigay sa kanya ng ibayong kagandahan. Simula nang makita ko siya, hindi na siya maalis-alis sa isipan ko. Hindi ko pa siya magawang lapitan at kausapin kahit na isang beses. Kulang na lang e itanong ko sa trainer namin ang tungkol sa kanya. Pero, asa-pa-ako-asa-pa-ako-asa-pa-ako-asa-pa-ako-asa-pa-ako!!! Certified trainer/QA siya. Isang institusyon. Samantalang ako, hamak na kulugo na wala pang kasiguraduhan kung makakapasa sa training na ito. Ni hindi pa nga plantsado ang ang spoken-in-dollars (English) ko para makipagsabayan sa kanya. At siyempre sa ganda niyang 'yun, malamang e may boylalu na 'yon o kaya'y sambatalyong fans club. Sobrang layo ng katayuan namin. Haay, kailan kaya niya mapapansin ang hamak na pusong ito? Hindi naman ako manyakis tulad ng iba. Ipapangako ko sa'yo na igagalang ka. (Oo, mga linya sa kanya 'yan kasi saktong-saktong pinakikinggan ko 'yan habang itina-type ko 'to). Malapitan ko lang siya at makausap sa kahit na sandali man lamang, sobrang maligaya na ako.

* Naiinis na ako sa sarili ko. 'Tangina naman.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails