Tuesday, December 30, 2008

Year Ender

Hindi ko eksakto alam kung ilang taon na. Ilang taon nang walang nangyayari sa buhay ko. O, hindi naman talaga wala. Oo, may mga nangyayari pa naman, lalo na sa tuwing sasapit ang gabi, pero ‘yung tipong mga pangyayari na kahit papaano’y magdidikta sa kung ano’ng magiging buhay ko sa hinaharap, wala pa gaano. Siguro kasi e nasa “quarter-life crisis” pa rin ako hanggang ngayon. Pero kahit papaano din naman e medyo iniisip ko na rin naman ang ilang sa mga bagay sa aking hinaharap, katulad ng isang career na paka-pipiliin, isang stable at hindi dead-end na trabaho na magbibigay na sapat na seguridad sa akin, at iba pa.

Sa sariling pagkaka-unawa ko sa salitang “quarterlife crisis,” at para na rin du’n sa mga kahapon lang ipinanganak na minsang nagtatanong sa’kin kung ano ‘yun, ito ‘yung isang panahon sa buhay natin kung saan e hindi natin alam o hindi natin sigurado kung ano ang talagang gusto nating gawin sa buhay – kung ano’ng trabaho o career ang talagang gugustuhin mo, at anumang may kinalaman sa’yong hinaharap. Ito ‘yung tipong bigla ka na lang hindi sigurado sa course na tinapos mo, at/o sa career na dati mo nang naisip o napili. At kapag nagsimula ka nang mag-isip ng tungkol sa kalalagyan mo sa hinaharap, bigla ka na lang mag-aalangan sa sitwasyon mo ngayon. Ang mga ganitong kaganapan ay nangyayari pagsapit ng 20s hanggang 30s. Kaya tinawag na “quarter” at “life.” ‘Yun yata ‘yun.

Kaya sana sa taon na ito, 2009, ay magkaroon na ako ng isang tiyak na landas na tatahakin at nang malaman ko na rin ang totoong kalalagyan ko sa mundong ito. Alam kong makaka-isip at makakagawa din ako ng mga bagay-bagay na magdadala sa akin sa buhay at career na alam kong magiging masaya ako. Medyo sinimulan ko na nga ‘to, nu’ng kumuha nga ako ng isang training sa Web Development. Sa susunod, kukuha naman ako ng isang course para sa mga pornstar, pero joke lang ‘yan.

May mga medium- at long-term goals pa namang akong na-set. Ewan ko kung matutupad ko o hinde, pero basta naisip ko na lang ‘to. Pero siyempre, kung hindi man ito lahat, sana’y matupad ko ‘tong mga ‘to, sa kahit papaano.

* Ngayong 2009, gusto kong magpunta sa Cebu o sa Davao. Alam niyo ba, hinding-hindi pa ako nakakalayo dito sa lungsod? Ang pinakamalayo kong mga napupuntahan e malalapit lang din, kung tutuusin. Kaya ‘eto, naisip ko na gusto kong magkaroon ng pinaka-unang out-of-this-city experience. At kung bakit Cebu o Davao, kasi malayo dito, at may mga bagay-bagay at ilang tao na gusto kong makita.
* Sana makabalik na ako sa college at nang matapos na ang dapat matapos. At maging okay din ang training na kinukuha ko ngayon. Palagay ko kasi, ‘eto ang ilan sa magiging susi ko para...
* ...masubukan ang magtrabaho at magkaroon ng buhay sa ibang bansa. Trip ko lang magtrabaho kahit papaano, pero mas gugustuhin ko pa rin siyempre na manatili dito. Para cool.
* Medyo babawasan ko ang sobrang paggastos, at nang masimulan ko nang pag-ipon. I could use it for a rainy day.
* Gusto kong maging pogi.
* Kung anu-ano pang mga maliliit na bagay.
* At alam kong may mga ilalagay pa ako dito pero natatamad na akong mag-isip.
* At dahil diyan, may short-term goal ako bigla: tapusin ang listahang ito at siyempre magawa ko din naman.

Nitong mga nakaraang taon din, kahit papaano, ay nagkaroon din naman ako ng magaganda at hindi magagandang mga alaala. May mga bagay na gusto kong balikan, at may mga bagay na ayaw ko nang tanawin. Pero kahit na ganu’n, pasalamat pa rin ako sa bawat tao, bagay, at pangyayari na nakigulo sa magulo ko nang buhay. Alam kong ang lahat ng mga tao ay dumarating at umaalis lang, pero sa bandang huli, pasalamat ako sa mga taong nanatili at sa mga taong nakilala ko sa kung saan-saan. At sa mga tao sa aking nakaraan, alam kong may mga dahilan kaya hindi na sila kabilang sa buhay ko ngayon. May ilan sa kanila na kahit papaano’y nagbabalik, sinadya man o hindi, pero ewan, hanggang duon na lang ‘yun. At kung anu’t-anuman, sana’y maging ayos na ang taon na ito para sa’kin, at para na rin sa mga tao sa paligid ko.

Rakenrol.



Picture Of The Day


Ayos 'yan, ayos. [Engrish.com]

Music: Hotdog - Annie Batungbakal
Mood: Meh.
Quote: Odi et amo. Quare id faciam, fortasse requiris? Nescio, sed fieri sentio et excrucior. (Gaius Valerius Catullus, translation: I hate and I love. How can I do that, you might ask me perhaps? I do not know. But that's what I feel and this is torture.)

Wednesday, December 10, 2008

Mga Balita! Unang Labas!

Maaring kilala niyo ako. Maaring hindi. Hindi na mahalaga (sa ngayon) kung sino ako.

Sa mga nakaka-kilala sa akin, binaon ko na sa hukay ang dating pangalan - at pagkatao - na ginagamit ko sa pagba-blog at sa kung saan-saan pa. Hindi na kasi bagay sa'kin. Sa tuwing iniisip ko nga 'yun, pakiramdam ko e mas malaking kahihiyan ang nagawa ko sa sarili ko kesa sa kung anuman. Sabi nga naman nila, "tatawanan mo rin 'yang problema mong 'yan, isang araw." At hindi na lang ako natatawa ngayon, naaliw pa ako! Lahat naman tayong mga tao e nagdaraan sa mga kalamasan sa buhay - may mga mabibigat at aabutin ka ng matagal bago makabangong muli, at may mga hindi naman gaanong kabigatan na ang gagawin mo lang e magluto ng pancit canton para ayos na. Binago ko lang ang pangalan ko, pero halos dating gawi lang din ang gagawin ko - mga kwentong makukulit, mga pagbabalik-tanaw, mga araw-araw na raket, mga paminsang-minsang kalungkutan na nangangailangan ng inyong pag-unawa, at kung anu-ano pang mga kulugo. Kung may pagbabago lang, siguro medyo bawas lang sa pagiging negative. May pagka-negative pa rin naman (kasi negative naman talaga akong tao simula't-simula pa), pero lilimitahan ko na lang. Tutal, halos puro kalokohan din naman ang naging sistema ng dati kong blog.

Sa mga hindi pa nakaka-kilala sa'kin, rakenrol. Isa lang ako sa milyun-milyong tao na naninirahan sa mundong malapit na yatang matapos. Kumbaga e isa lang akong kulangot sa pader, kaya wala naman gaanong interestanteng bagay tungkol sa'kin. Ni wala nga akong maisulat-sulat na matino sa "About Me" e. Gusto ko lang magkwento ng magkwento ng mga kung anu-ano tungkol sa buhay-buhay - mga kwento ko, mga pangyayari sa mga tao sa paligid ko, at iba pa. 'Yun lang. Ito ang aking personal na diyarya kung saan e magiging tapunan ng aking mga "brain farts," lalagyan ng mga manaka-nakang updates sa aking pang-araw-araw na buhay, mga repositoryo ng aking mga saloobin at mga samutsaring kwento, at kung anu-ano pa. Ayos ba 'yun? Ako si Jake, at bagama't malibog ako, hindi naman ako manyak.

Marami-rami din akong mga kumplikadong dahilan kaya ko binura 'yung dati kong blog, bukod sa gusto ko nang gumamit ng bagong pangalan. Hindi na siguro mahalagang ungkatin pa ang mga bagay na 'yun.

Sa madaling salita: WELCOME SA BAGO KONG BLOG WOO~! Andami ko pang sinabi, 'noh?

Bagong buhay. Dating gawi.

Wala namang gaanong bago sa'kin, bukod sa trabaho ko bilang "web content writer," salamat sa isang kaibigan na nag-refer sa'kin. Sa malayuang tingin, madali lang naman ang dapat gawin. Magsusulat lang ako ng mga bagay-bagay, depende sa pangangailangan. Pero hindi ko pa masyadong nakakasanayan ang "pwersahang pag-iisip ng mga isusulat" at natutuyuan pa rin ako ng utak sa tuwing matatapos na ang araw. At medyo kakaiba ang mga bagay-bagay na sinusulat ko sa trabaho. Pero, alam mo na, sikretong malupit. Bagama't medyo demanding at medyo marami-rami kung magpagawa ng isusulat, mabait-bait naman sa'kin ang boss ko na hindi ko alam kung saang bahagi ng Europe nanggaling. Bibigyan niya lang ako ng mga gagawin, tapos bahala na ako sa buhay ko. Minsan nga e may mga oras na mas nakakapagbabad ako sa Plurk kesa sa mga isusulat ko. Pero siyempre, hindi ko dapat pabayaan 'tong mga ginagawa ko. Hindi ko dapat kalimutan ang dahilan kaya binabayaran ako para umupo sa workdesk ko.

Hindi pa rin ako nakakabalik sa school para tapusin ang course ko. Pero dahil ayokong mabugok ng tuluyan sa "choice of career" ko, kumukuha din ako ngayon ng isang pagsasanay para sa Web Development. Level 1 pa lang 'to, at meron pang Level 2 (Object-Oriented Application Development) at Level 3 (Enterprise Application Development) para makabuo ng isang "professional diploma." Ewan ko, pero pakiramdam ko kasi, 'eto (lang) ang isa sa mga hinahanap ko sa buhay, sa ngayon. Nasa ilalim pa rin ako ng "quarter-life crisis," pero pakiramdam ko rin e malapit ko nang malaman kung ano'ng trip ko sa buhay. Sana, 'di ba?

'Yun lang naman sa ngayon. Yata.

PS: Nakalimutan ko kung sino sa mga kaibigan ko ang nagbitiw nito, pero tulad din niya, "sawang-sawa na ako sa mga pagpaparinig."


Picture Of The Day


Are you drugs? [FAILBlog]

Music: High And Mighty Color - Enrai ~Tooku Ni Aru Akari~
Mood: Sleepy
Quote: "I feel comfortable whenever I talk to you. I'm not afraid to be myself." (Kara)

Tuesday, September 30, 2008

Micro-Kwento #2: Exgirlfriendminated

"Naalala kita 'pag umuulan (sembreak!). Naalala kita 'pag giniginaw (sembreak!). Naalala kita 'pag kakain na (sembreak!). Naalala kita. Ilang oras pa ba bago tayo ay magkita? Ako'y naiinip na. Bawat oras, binibilang. Sabik na masilayan ka, ahaha!"

LRT - Gil Puyat (Buendia) Station. Sinasabayan ni Edward sa isipan ang kanta ng Eraserheads na tumutugtog sa music player niya habang nakapila sa ticket booth. Mga ilang minuto na rin bago magtanghali, at nakatakda siyang makipagkita sa barkada niyang babae na medyo matagal na niyang hindi nakikita. SM Manila ang napagkasunduan nilang kitaan. Maaliwalas ang araw, parang tipikal lang.

"Text mo ako kapag andito ka na. Maglalakad-lakad muna ako rito," sabi ng huling text message ng barkada niya, si Rose.

Medyo excited na hindi mapakali ang mood ni Edward. Sume-semi siya sa pag-headbang bilang pagsabay sa mga kantang pinakikinggan niya. Sinasariwa pa niya 'yung reunion concert ng Eraserheads kung saan pinuntahan niya ito kasama ng mga ka-opisina niya. At nang makabili siya ng one-way ticket papuntang Central Terminal, pumasok na siya sa platform area. Iniisip niya kung ano ba mga magandang gagawin sa "friendly date" nilang dalawa.

Tulad ng nakaugalian niyang gawin sa pagsakay sa LRT, nag-abang siya sa marker ng unang pinto ng pangalawang coach. Medyo naiipon na rin ang mga tao na pinagmamasdan niya. Mga estudyante, mga empleyeado, mga trabahador, mga mag-syota, mga magbabarkada, mga pulis, at mga kapwa niyang "bachelor."

Dumating na rin ang tren matapos ang tatlong kanta sa music player niya. As usual, may semi-tulakan na nangyari pero hindi naman gaano karami ang mga taong nagsisipasok at nagsisilabas. At matapos ang mini-patintero sa loob ng coach, napa-pwesto siya sa may gitnang bahagi, patayo.

Pagkasara ng mga pintuan ng tren, saktong may nag-text sa kanya kaya natural e tiningnan niya ito. Isang text quote mula sa isang tao na hindi naman niya kilala. Hindi kasi naka-register sa phone niya 'yung number, at MEDyo nakAKahiLO 'YunG paGKAkaGAwa Ng maHaBANg tExt MesSaGE, paRANg gANitO.

Habang pinagmamasdan at hinuhulaan niya kung sino ba 'tong nag-text na 'to, biglang nanginig ang tenga niya sa pagkakagulat dahil may tumawag ng pangalan niya. Sinulyapan niya ang babaeng nakaupo sa may harapan niya na tumawag sa kanya. At nang makilala niya, biglang namanhid ang buong katawan niya, akala mo e tumigil ang sirkulasyon ng dugo sa katawan niya.

Ang babaeng 'yon ay si Cindy, ex-girlfriend niya. Mga tatlong buwan na silang break. Nagulatang si Edward at hindi na niya napag-isipan ang ibabati niya.

"Huy! Kamus--"

Hindi pa natatapos sa pagsasalita si Edward ay may tumawag na naman ng pangalan niya. Kung kanina e tumigil lang ang sirkulasyon ng dugo niya, ngayon naman e nagdilim ang paningin niya dahil pamilyar din sa kanya ang panibagong boses na tumawag sa pangalan niya.

At ang tumawag sa kanya ngayon? Katabi siya ni Cindy. Si April, ex-girlfriend din niya. Nakaraang taon pa sila nu'ng nag-break.

"Huy!" Gulat na gulat si Edward sa scenariong nasa harapan niya.

Ano nga ba ang pagkakataon na makikita ni Edward na magkatabing nakaupo ang dalawa niyang ex-girlfriend? At ang mas kagulat-gulat pa, hindi magkakilala si Cindy at si April.

Ningitian ni Edward ang dalawa niyang ex-girlfriend, habang pinag-iisipan kung ipapakilala niya ang mga ex-girlfriend niya sa isa't-isa.

"Next station: Vito Cruz."

At katulad din ng dati, tinamad bigla ang manunulat na tapusin ang kwento niyang ito.

Friday, September 12, 2008

Bits and Pieces #3: Tatlong Buwan Ng Kawalan

* Wala ulet akong trabaho ngayon, mga isang buwan na. Na-overwhelm ako sa pagiging callboy (call center agent). Kung ano ang inilaki ng sweldo ko, siya din namang kina-grabe ng stress na idinulot ng trabahong 'yon. Hindi pa kasi ako siguro masyadong nakaka-adjust sa lifestyle na 'yon. Pero at least sa susunod na magtrabaho ulet ako sa ganu'n, alam ko na ang gagawin ko. Wala naman talagang kaso sa'kin na magtrabaho ako sa ganu'n, pero ewan. Napangunahan lang ako ng mga personal kong dinadala, tsaka na rin ng pangangatawan ko.

* Oo, at dahil nga sa katakut-takot na stress na nakamit ko sa trabahong 'yun, halos isang buwan akong may sakit. Nagsimula lang sa simpleng pagkakaroon ng sipon. Tapos tumatagal na ang lagnat at sakit ng ulo ko. Papunta na palang trangkaso ang sakit ko. At kung akala ko e hanggang du'n lang, inabot ako ng pagkatagal-tagal sa trangkaso na 'yun na may iba pang mga karamdaman on the side. Nagpa-ospital tuloy ako at nalaman kong iyon pala ay "upper respiratory tract infection." Naratay ako ng ilang araw. At kung akala ko e pagaling na ako, nagkaroon na naman ako ng isa pang sakit na wala namang kinalaman sa sakit na natingnan sa'kin: gastroenteritis. Anak ng baka, hindi ko alam kung saan ko napulot 'yang sakit na 'yan. Pero siguro kasi dahil wala ako lagi sa oras kumain, at hindi talaga ako kumakain ng tama. Matapos ang halos isang buwan, tuluyan na akong gumaling.

* At ang tanging naipundar ko sa nakalipas kong trabaho ay isang gadget na kauna-unahan kong binili para sa sarili ko: Nintendo DS Lite. Pink ang binili ko, para mataray.

* Isang gabi habang naglalakad ako pauwi, isang pulubi ang sitting pretty sa may kanto namen. Tulad ng inaasahan, iniangat niya ang kanyang mga kamay upang mamalimos. Tiningnan ko siya saglit. Parang nararamdaman ko ang gutom niya. At dahil diyan, binigyan ko siya ng isang pakete ng Skyflakes na naisilid ko sa bag ko. Nu'ng pagka-abot ko sa kanya, laking gulat ko na lang nu'ng binato niya bigla 'yung binigay kong crackers. Tinanong pa niya ako, "pwedeng pera na lang?" Na-badtrip ako. Astig naman sa request. Pinapa-encash na lang niya 'yung pagkaing akala ko naman e mas kinakailangan niya. Pinulot ko 'yung crackers, napausal ng "'tanginang 'yan," sabay alis. Lesson Learned: hindi ako bagay maging endorser ng Skyflakes.

* Isang hapon naman, may hinihintay akong napakahalagang tawag sa aking selepono. Pero nagkataon din naman na kinakailangan kong bumisita sa banyo dahil hindi na mapigil pa ang sigaw ng loob ko. Naisip ko tuloy na dalhin ang aking selepono sa banyo para naman magawa ko na ang ninanais ng tiyan ko habang naghihintay ng naturang tawag. E kamalas-malasan, nu'ng pagkabukas ko ng ilaw sa banyo namen, bigla na lang "tumalon" ang selepono ko mula sa lalagyang hawak ko. Nahulog siya sa malaking timba na puno ng tubig. Lumubog ang kawawa kong selepono sa kaila-ilaliman at kaibuturan ng hinayupak na timba. Hindi ko pa naisalba ang selepono ko agad dahil nga kinapa-kapa ko siya sa timba kung saan siya nag-swimming. Katulad ng inaasahan, nalunod na ang selepono ko at sumalangit na siya. Napabili tuloy ako ng panibagong selepono ng di-oras. At dahil diyan, bago na ang cellphone number ko. Alam niyo na ang dapat niyong gawin.


Eraserheads: The Reunion Concert tickets namin ni Eilanna.

* Hindi ko pinalagpas, siyempre, ang Reunion Concert ng Eraserheads. Alas-singko pa lang ng hapon e andu'n na kami sa venue. Sobrang dami talaga ng tao, at napansin namin talaga na karamihan sa mga taong 'yon ay nasa henerasyon namin (natin kung gusto mong isama sarili mo). Sulit na sulit ang ticket namin at oras na hinintay namin hanggang sa magsimula ang concert na 'yun, kahit na natapos ito agad dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Sayang nga dahil hindi natugtog ang ilan sa mga kantang inaantay namen. 'Yung barkada ko, inaantay niya 'yung "Balikbayan Box." Ako naman, inaantay ko 'yung "Superproxy." Pero tama kami sa hula naming opening song na "Alapaap". Binalik ng banda ang mga masasayang alala naming henerasyon. Sa gitna ng hiyawan ng mga tao, pakiramdam ko talaga e nasa nag-flashback ako sa dinastiyang Eraserheads: ang dekada 90.

* Para po sa mga may Plurk (at wala pang Plurk), add niyo lang ako at nang masundan niyo 'ko. Wala. Para masaya. Pramis, maa-adik kayo sa Plurk na 'to. Click na rito!

Bale 'yan na lang muna ang mailalagay ko sa ngayon. Pagmamasdan ko muna ang street namin na nagmistulan na namang Dead Sea dahil sa baha.

Sunday, June 29, 2008

Micro-Kwento #1: Kalamigan

Isang gabing madilim.

Humiga si James sa tabi ni Angel na nakatalikod sa kanya at nakaharap sa dingding. Pumapasok sa kwarto nila ang malamig na hangin na galing sa labas, dala ng bugsu-bugsong pag-ulan. Sa pag-aakalang malalim na ang tulog ni Angel, niyapos niya ito ng mahigpit at hinawakan ang kamay. Hinalikan pa niya ito sa leeg.

Napabugtong-hininga si Angel at binitawan ang kamay ni James. Isiniksik pa niya ang ulo niya sa unan.

"I'm sorry kanina. Hindi ko talaga sadya. I fed on my ego again but I never meant to hurt you that way," usal ni James kay Angel.

Napabugtong-hininga ulet si Angel. Pinilit niyang ipikit ang kanyang mga mata at umastang wala siyang narinig. Pero kasabay din nito ang nangingilid nang luha sa kanyang mga mata. Gustong sumagot ni Angel, pero hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya. Andaming mga salita ang lumulutang sa diwa niya, ngunit hindi niya alam kung paano ito bubuuin at isasagot pabalik kay James.

Isang malamlam na ilaw lamang sa study table ni Angel ang nagbibigay-liwanag sa madilim na kwarto. Nakasindi rin ang computer ni Angel, pero patay ang monitor at ang tanging ginagawa lang ng computer na ito ay ang pagpapatugtog ng mga classical music na madalas pakinggan ni James sa gabi. Sa labas, animo'y nakiki-awit sa musika ni Mozart ang ulan sa pagsipol nito ng hangin.

Walang nagawa si James. At matapos ang ilang minuto ng pagyakap kay Angel at wala siyang narinig na anumang tugon mula rito, tumalikod si James at humarap sa kabila. Ang kanilang paghiga sa kama ay kaparis ng dalawang isla na pinaghihiwalay ng isang ilog. Nakatanga si James sa kawalan, habang si Angel ay hindi malaman kung ano ang iisipin. Ang kalahating oras na itinagal nila sa ganu'ng estado ay parang kalahating dekada ang tagal. Magkasing-lamig ang hangin at ang pakapalagayan ng loob ng dalawa.

Hanggang sa hinarap ni Angel si James na sa pagkakataon namang 'yun ay nakatalikod sa kanya at hinapit niya ang bisig nito. Inisip ni Angel na wala na siyang dapat pang sabihin at ipapakita na lang niya ang pagpapatawad at kung anupaman ang nararamdaman niya sa saglit na 'yon. Niyakap ni Angel si James nang mahigpit at sinilid ang ulo niya sa leeg nito.

Bigla-bigla, humarap din si James sa kanya at walang tinirang espasyo sa pagitan nila. Nasa loob na sila ng bisig ng isa't-isa at naglapat ang kanilang mga labi.

Tinatamad na ang manunulat sa pagtapos ng kwento na ito.

Saturday, June 7, 2008

My Top 20 Most Memorable Pinoy Old TV Commercials

Madalas akong nakaharap sa TV nu'ng mga bata pa kami. At 'yun 'yung mga tipo na may pagkakataon na mas pinapanood ko 'yung mga commercials kesa sa mga palabas nuon (maliban sa Bikini Open). E habang nagsi-search ako ng mga lumang commercials sa YouTube, 'eto at gumawa ako ng aking sariling "Top 20 Most Memorable Pinoy TV Commercials" kung saan e nilista ko 'yung talagang hindi ko malilimutang mga commercials. Ilan sa mga ito ang naalala mo pa? Ano naman ang inyong top 20? 80s babies, unite!



20) KYOWA RICE DISPENSER - Nu'ng elementary pa ako, madalas akong nagbabakasyon sa bahay ng pinsan ko. At pinagtitripan nila ako kapag kinakanta ko ang jingle na ito. Siguro kung binabasa ito ngayon ng mga pinsan ko, pagtitripan ulet nila ako.

Kyowa, Kyowa, Kyowa, type kita. Basta may Kyowa, ginhawa ka!

19) MILO - Madalas 'tong lumalabas sa IBC 13, lalo na sa mga programang Takeshi's Castle at Mask Rider Black. Major sponsor nila yata 'to e.

Great things start from small beginnings. Growing up, reach early for your dreams. Face the day. It's a new challenge. A chance to be better. A chance to become your dreams. Growing up with Olympic Energy. Growing up, with Milo! Milo everyday!

18) ENCARNACION BECHAVEZ - Takot na takot ako sa commercial na 'to. Isang hindi-maunawaang magandang model in a red dress on a black background. Tapos may voice-over pa. *nginig*

When you care enough to send your loved ones the very best.

17) SM CITY - Isa ito sa mga suki tuwing Family Kwarta O Kahon. Sa Letrang O!

Food! Shopping! Fun! Movies! We got it all... SM City! It's waiting for you.

16) PUBLIC SERVICE ANNOUNCEMENT - Ito 'yung mga paalala ng mga TV stations kung paano naiimpluwensyahan ang mga bata ng mga matatanda. Marami-raming versions nito.

Sa mata ng bata, anuman ang gawin ng nakatatanda, ay nagiging tama. Isang paalala mula sa OPS-PIA, KBP, at ng himpilang ito.

15) IVORY SHAMPOO - Catchy 'yung theme song nito courtesy of DV8.

Dati, ang aking buhay ay kulang sa sigla.
Parang kay bigat dalhin ang mga problema.
Pero pagdating mo, kaylaking pagbabago.
Biglang gumaan ang aking mundo.

Ang gaan-gaan ng feeling.
Ang gaan-gaan ng loob ko sa'yo.
Alam kong 'di ako magsasawa dahil ang gentle mo naman.

14) CHAMPION CIGARETTES - Sa gabi naman madalas lumalabas ang mga commercial nito, sa mga programang isports at sa mga pelikula. Medyo may "hidden meaning" ang mga eksena sa commercial na ito.

Ikaw ang nasa isip ko. Hinahanap-hanap kita. Ikaw talaga ang tanging Champion ng buhay ko. Nais kong malaman mo na ikaw ang tanging Champion ng buhay ko. Champion talaga! Champion Cigarettes. Champion talaga. Government Warning: Cigarette Smoking is dangerous to your health.

13) TROSYD - Mainstay din sa primetime.

'Wag mo nang patagalin. Trosyd na kaagad. Katiting man, deadly! Kahit sa pabalik-balik na fungi. At sa kato-Trosyd. Trosyd! Ang mabiliiiiiiiiiiiis na pamatay-fungi sa balat ng tao. Gawa ng Pfizer.

12) WHITE CASTLE WHISKEY - Sino nga ba 'yung model dito? Basta naka-two piece siya at nakasakay sa kabayo. Tapos tinitingnan siya ng mga manyak.

White Castle Whiskey! White Castle Whiskey! Sakto ang 5 years old whiskey. Okay lang ang tama, at walang hangover. Sakto ang White Castle Whiskey! Sakto!

11) NEOZEP - Sa gabi din lumalabas ito.

Simpleng sipon mo, maaaring lumala pa. Ibang gamot, baka delikado pa! Dapat, Neozep. The total cold specialist with no harmful ingredients. Tigil agad ang cold miseries. Neozep!

10) GREEN CROSS ALCOHOL - Ah 'eto naman sa tanghaling tapat, kapag nanonood ka ng Coney Reyes On Camera, Lovingly Yours, at Kapag May Katwiran Ipaglaban Mo.

Mel: Misis, sigurado ka ba diyan?
Misis: Pwede na 'to.
Jay: Pero 40% lang 'yan.
Misis: Pwede na 'to.
Mel: May tiwala ka sa mahinang klaseng alkohol?
Jay: Para sigurado, Green Cross with 70% Isopropyl Alcohol.
Mel: Napatunayang mas mabisa kesa ibang alcohol.
Misis: Tama! Papalitan ko na 'yung partner ko.
Mister: Ako?!
Misis: Ito! Sa Green Cross na tayo.
Jay: Parang napanood ko na ito, ha?
Mel: Green Cross Alcohol! Partner natin-- *siko kay Jay*
Jay: --sa kalusugan!
Mel: *pabulong kay Jay* Ikaw naman, sa'n ka na naman nakatingin...?
Jay: *pabulong kay Mel* Kinakausap ko lang 'yung...

9) ZONROX BLEACH - Kasabayan din nito 'yung Green Cross Alcohol.

Sa puting labada, hindi sapat ang sabong panlaba. May kumakapit pa ring mikrobyo rito. Dapat, germ-free ang linis. Kaya kailangan, ZONROX! Para litaw na litaw ang kaputian, at mikrobyo'y tepoks! Oks na oks sa kaunting Zonrox!

8) BEAM TOOTHPASTE - One of the most memorable jingles.

B-E-A-M means "Smile!"
Smile kami pag Beam.
Beam na Beam, ngipin ay protektado
Panalo sa presyo. Panalo pag Beam!

7) PAGODA COLD WAVE LOTION - Ah 'eto 80s na 80s ang dating. Naalala ko mama ko sa commercial na ito.

Get into the new wave of hair fashion. Pagoda Cold Wave Lotion! It contains lanolin and perfume neutralizer. Get into the new wave of hair fashion. Pagoda Cold Wave Lotion! The hair fashion lotion.

6) BEAR BRAND STERILIZED MILK - Classic 'tong commercial na 'to. Look at my mole!

I remember yesterday.
The world was still young...

Father: Go, dance with lola. C'mon.
Grandchild: Lola, lola...

*sabay sayaw sila*

*After many years...*

Great-grand child: Is that you, lolo?
Grandchild: Look at my mole.
Great-grand child: Ah yeah!
Grandchild: Magaling akong sumayaw.
Great-grand child: Sige nga! Sayaw tayo...

I remember yesterday. Special, as today.

Bear Brand Sterilized Milk. The Special Milk trusted for generations.

5) CARONIA NAIL POLISH - Aba e lalo na 'to, ang commercial na 'to na naging laughing stock sa Tropang Trumpo with the dance moves.

Ca... ro... nia! Caronia!
Ikabupini Manikura.
Lalilalaloo... lalalaloo..

Your beaty shines... with Caronia!

4) DRAGON KATOL - 'Yung American cowboy na nagpipilit managalog. Mas classic 'to kesa sa sino nga ba 'yung uso ngayon na "Adobong Manaak?"

Girl: Dameyng lamowk!

Cowboy: Teypowk seyla ngayown. Sa Dragon Katol.

Dragon Katol! Dragon khung umusowk. Lamowk, sehguradowng teypok!

3) SEIKO WALLET - Napapakanta pa rin ako rito kapag naalala ko at magkakasama kaming magto-tropa.

Seiko, Seiko Wallet!
Ang wallet na maswerte!
Balat nito ay DYINYUWAYN!
International pa ang mga design.
Ang wallet na maswerte.
Seiko, Seiko Wallet!
Seiko, Seiko Wallet!

Seiko Wallet, ang wallet na maswerte!

2) FAMILY RUBBING ALCOHOL - Madalas naman 'tong lumabas sa IBC 13 tuwing tanghaling tapat kapag 'yung mga sports at 'yung mga palabas na sabong.

Sonny Padilla: Sa everyday workout ko, kailangan ko ang proteksyon ng Family Rubbing Alcohol. Effective disinfectant, panlaban sa pasma, at pampaginhawa pa. Basta alcohol, Family Rubbing Alcohol. Hindi lang pampamilya, pang-isports pa!

'Di lang pampamilya, pang-isports pa! TENG~!



At bago ko ilantad ang aking most memorable commercial of all time, panoorin mo muna 'tong sa Family Rubbing Alcohol.





At ang aking pinakamalupit na commercial...

1) RA HOMEVISION - Ito talaga 'yung pinaka-classic sa'kin. 'Yung may spaceship galing Star Wars, Smurfs, at 'yung kamay ng alien na nagsasara du'n sa lid ng VHS rewinder yata 'yun. Wala akong makitang video nito sa YouTube.

Rentententen! Tenenenenenenen-rentententen! Tenenen!

Looking for entertainment? Zero in and rent your favorite VHS tapes from RA HOMEVISION! Your dependable Home Video services where you can find those Box Office Hits! Guaranteed Top-Quality VHS Tapes at very popular prices. We got them! VHS Thrillers! Adventures! Dramas! Sports! Cartoons! Award Winners! And more! Come and bring home the excitement! Go to RA HOMEVISION at #5 Dian St., Cash & Carry, Makati!

Rentententen! Tenenenenenenen-rentententen! Tenenen!



Narito ang ilan pa sa mga commercials na madalas naming mapagkwentuhan ng mga tropa ko. Ni-research ko rin ang mga linya ng mga 'yan. Paramihan tayo ng mga naalala. Halatang-halata na yata kung sino 'yung mga matatanda na. Gyahahaha! Alam kong hindi na makukumpleto ang listahang ito, pero ang sarap magbalik-tanaw sa ating pagkabata.
Maraming salamat din pala sa mga nag-contribute nu'ng ginagawa ko ang listahang ito. Kayo, anu-ano ang mga naalala niyo? Habang itina-type ko ang blog na ito, narinig ko yatang sumigaw 'tong kaliwang nipple ko. ANG TATANDA NIYO NA!

Palmolive ("I Can Feel It!")
Gee! Your Hair Smells Terrific!
Electrolux ("I'm gonna knock on your door, ring on your bell, tap on your windows too.")
680 Home Appliances (with Rod Navarro)
3D ("For Quality You Can Trust" tsaka 'yung 3D Rota Air Classic)
Polymagma ("Mukhang guilty!")
Birch Tree ("It's everybody's milk!")
YC Bikini Brief
Sweepstakes ("Ibalik ang swerti.")
San Miguel Beer ("Iba ang may pinagsamahan" tsaka 'yung Sabado Nights na naging dahilan ng pagsikat ni Ina Raymundo)
Gold Eagle Beer ("Ba-ba-ba-bayani, mero'n pa ba nu'n dito? Tumutulong sa kapwa sa maliliit na bagay.")
Coat Saver ("It's a miracle!" "No, Father. It's Coat Saver.")
7up ("It's cool to be clear!")
Mocha Cake, Ube, and Paeendaeen. From Regent.
Duty Free Philippines ("Tonyooo~!")
Serg Chocolate. ("Ikaw pa rin.")
Caress Nail Polish ("Color every magic moment.")
United American Tiki-Tiki ("Pampalusog ng inyong baby.")
Gift Gate ("I like you!" ni Geneva Cruz)
Johnson's Baby Powder ("Ikaw lamang, wala nang iba.")
La Germania ("Generates love, generates cooking, generates love!")
Anzahl Urethane Paints ('Yung may babae sa hood ng kotse.)
Johnson's Wax ("Tumatagal.")
Motolite ("Kumbinsing!")
Philippine Airlines ("The beauty of the Philippines.")
Pioneer Epoxy (Yoyoy Villame)
Nano-Nano ("Nano-nano-nano-nano... Sweet, sour and salty.")
Kotex ("Dalaga ka na, hindi ka na bata...")
Yakult ("With Lactobacillus-Shirota strain.")
Del Monte Pineapple Juice ("With Phytochemicals!")
Knorr Real Chinese Soup ("Just add one egg!")
CY Gabriel Wonder Soap ("CY Gabriel Wonder Soap ang gamitin.")
Likas Papaya Soap ("Ipakita ang inyong likas na ganda with Likas Papaya Soap.")
Juicy Fruit Gum ("Times like this, you need Juicy Fruit Gum!")
Tanduay Gold (Steven Seagal's "I found gold in the Philippines.")
ABS-CBN's Karapatan Ng Mga Bata ("Karapatang magpahayag ng sariling pananaw!")
Dunlop Socks ("Dunlop Socks, computer-designed, great style, great comfort, we all love our Dunlop! Designed for the future, it's the socks for the future. Today!")
Nestea ('Yung naglatag ng blanket sa damuhan at pagkainom ng Nestea iced tea, nagpatumba at pagbagsak naging tubig yung blanket.)
ZAA Toothpaste ("Tanggal ang singaw mo. Safe pa ang ngipin mo.")
Arthur's Legaspi Towers ("Arthur's Legaspi Towers and Taft Avenue accepts made-to-order pants and barong finished within 6 hours. Visit their other branches.")



(Panigurado e may magka-copy paste na naman ng blog entry kong ito.)



Opisyal nang tapos ang summer. Hindi na ako ulet makakakita ng mga magagandang chiching sa kanilang swimsuit. Pero 'eto at nagpo-post sila sa mga Friendster profiles nila ng kanilang mga summer escapades. Ako? Wala ako gaanong pictures ng mga getaway ko. Meron isa, memorable.

Kiss your summer ass goodbye! (Pasintabi na lang po sa anuman ang makikita niyo sa larawang 'yan. Kumbinsihin mo muna ang sarili mo na gusto mo talagang makita 'to. You have been warned.)

Wednesday, May 28, 2008

Tuyo Na Naman

9:00pm - 5:30am = Rumarampa bilang callboy kapiling ang mga kapwa kong tagabigay-serbisyo. (Callboy as in lalaking nagtatrabaho sa call center.)

5:30am - 6:30am = Semi-tambay with the colleagues sabay uwi. Habang bumibiyahe e sandamakmak na naman ang iniisip ko.

6:30am - 7:30am = Almusal. Diyusko, tuyo na naman ang ulam ko.

7:30am - 9:00am = Intarwebs. Magba-blog sana ako pero masyado nang sintuyo ng ulam ko nu'ng umaga ang utak ko. Kaya siguro sa weekend na lang. Kung sisipagin.

9:00am - 4pm = Borlogs. At ang hirap-hirap matulog kung tirik ang araw, kung maingay sa labas, at kung may mga taong pinag-uusapan ka at ginagawa kang "laughing stock" nang hindi mo alam.

4pm - 5pm = Intarwebs ulet. Magigising na lang ako at santambak na naman ng mga messages sa YM ang hindi ko nasagot. May mga bagong emails din na wala namang iba kundi ang mga updates sa kung anu-anong websites. Minsan pa e nakakatanggap din ako ng death threats. Magba-bloghop din sana ako pero masyado naman sabog ang pag-unawa ko. Kaya sa weekend na lang din.

5pm - 7pm = Borlogs ulet.

7pm - 8pm = Mala-usad pagong na paghahanda para pumasok. Nakaw na intarwebs, tsibog, ligo, simpleng muni-muni, at nakaw na intarwebs ulet habang nagbibihis. Pagkalabas ko sa pinto, saka ko malalaman na kinakailangan kong bumalik ulet kasi may nakalimutan na naman ako.

8pm - 8:59pm = Dapat e bumibiyahe na ako nito kung ayaw kong ma-late at malintikan sa Team Manager ko.

Ganyan na lang ng ganyan ang mga araw ko nitong mga nakaraang panahon. Maaring pang mag-iba-iba 'yan. Depende kung meron kaming mandatory overtime at kung anumang lakad na biglang plano.

Sobrang stressed talaga ako nitong mga nakaraang araw. Idagdag mo pa ang mga stress na nakukuha ko sa kaiisip tungkol sa pag-aaral ko at sa personal kong buhay.

Masyado na akong stressed sa sarili kong mga problema para gumawa pa ng isa.

Sunday, May 4, 2008

Sobra Sa Stress, Kulang Sa...

Sobrang toxic at stressed ang nakaraang linggo ko. At tila yata hindi pa nakuntento ang pagkakataon, sinabayan pa ako ng sandamakmak na sakit.

Bahay-opisina-bahay-opisina na lang talaga ang drama ko ngayon. Hindi ako lumalabas hangga't walang nag-aaya. At kung meron man, bibihira na lang ako um-oo. Mas gusto ko na lang kasing makapagpahinga matapos ang isang buong shift na pumumpuno ng information overload. Buhay nga naman sa call center. Customer Service this, Proper Hold Procedures that. Flight Itineraries this, Offer Lowest Fare Itineraries that (airline reservations kasi 'yung account ko). Nakaka-praning. Andami-daming gagawin. Andami-daming mga bagay ang kailangang tandaan. Siguro kung computer memory ako at 64mb lang ang capacity ko, literal na akong nag-"hang" sa dami ng mga impormasyoness. Nasa training pa lang kami at nagra-rakenrol na agad kami. Pasalamat na lang ako at nakaka-survive pa ako at nagagawa ko naman ng tama ang mga bagay-bagay.

At dahil diyan, naging paborito akong target ng lagnat. Halos kada tapos ng shift ko e nilalagnat ako. Ewan ko kumbakit. Hindi naman ako buntis. Tapos, biglang sasakit ulo ko, na sa sobrang sakit e gusto ko nang ipaputol ('yung "ulo sa taas" 'yung binabanggit ko). Bibigat ang mga mata ko, mawawalan ako ng mood, nagiging iritable ako, at nababawasan ang pag-utot ko. Minsan pa e sasakit ngipin ko o magkaka-sore eyes ako panandalian. Madalas naman e laging masakit buong katawan ko sa pagod. At bago pa matapos ang nagdaang linggo, hindi ako tinatanan ng allergic rhinitis (sa madaling salita, sipon-at-hatching-combination to the maximum level). Sa katunayan, katatapos ko lang kumain habang tina-type ko ang blog entry na ito at masasabi kong wala akong nalasahan sa mga kinain ko. Hindi ko nalasahan 'yung kalamansi sa toyo. Hindi ko nalasahan 'yung sundae sa Ministop. Pagod. Daig ko pa 'yung nakipag-sex ng buong araw. Speaking of sex, SOBRA AKO SA STRESS, KULANG AKO SA SEX!

Kailangang maka-survive. Kailangang kumayod nang sa gayon ay maisakatuparan ko ang aking mga goals para sa taon na ito. Kailangan kong maging successful. Paninidigan ko ang sinabi ko sa nag-interview sa'kin. "One of these days, I'm going to do the same thing as what you're doing right now." Pati na rin sa trainer ko. "There will come a time where I'm gonna train others the same stuff that you're training me right now." Kailangan kong makapag-ipon para magkaro'n na rin ako ng sariling buhay at laya. Kailangan kong maging pogi!

Talk about pogi...

Isang araw habang break namin, nagyoyosi ako sa may smoking area ng building namin kasama ang ilan sa mga wavemates ko. Medyo kwentuhan lang naman nang biglang may isa sa kanila na lumapit sa'kin. Babae, medyo close ko naman kahit papaano kasi nakakakwentuhan ko minsan. Ma-appeal naman siya. Akala ko e makikisindi kaya ako naman si dukot ng lighter sa bulsa ko.

"Jake, crush kita. Seryoso."

Hindi ko alam kung ano ire-react ko. Ewan ko kung pinagtitripan ako nito o ewan. Napangiti na lang ako.

"Talaga?"

"Oo. Kasi ganito-ganyan-ganu'n-eclavouz-chenelyn-of-the-chuvaness..." (Basta binanggit niya 'yung mga dahilan niya at hindi ko na matandaan. 'Yoko rin namang ilagay dito at baka sabihin mo pang napakayabang ko.)

"Ayos," sabi ko, at kung anu-ano pang pag-sang-ayon na may ngiti bilang pasasalamat.

Bumalik siya sa kinauupuan niya. Umiral bigla ang pagkapilyo ko, binulong ko sa sarili ko, at humagikgik sa tawa... "Partida, hindi mo pa nakikita 'tong *toot* ko." Siyempre sasabihin ko lang 'yan kung gusto kong mawalan ng trabaho. Heheheh...

Sunday, April 6, 2008

Plano Mo?

Jake: Bord, may itatanong ako sa'yo.

Oni: Bord.

Jake: Bord, kelan ka nagsimulang mag-solo flight?

Oni: Hmm. Tagal na. Mga college pa. Bakit?

Jake: Magso-solo flight na rin ako e.

Oni: Ah... Okay yan. Mahal ang kuryente.

Jake: Oo nga e. Inaalala ko lang dahil kargo ko na lahat. Pero quits lang kasi hindi na internet-all-you-can. 'Yun lang.

Oni: 'Yun lang. Okay sana kung may internet sa office na no restrictions

Jake: Well, I guess i just have to live with it. Uunti-untiin ko naman e.

Oni: Okay.

Jake: Hanggang sa makapag-provide na 'ko ng sarili kong internet access. Tsaka chics.

Oni: Hehehehe.

Jake: Pruprublemahin ko lang siguro kuryente, tubeg, chibog, renta, pamasahe, tsaka pang-gimik. Goodluck.

Oni: Oo. May work ka ba?

Jake: Company-hopping pa ren.

Oni: Ganu'n ba? Hanap ka muna na ma-regular ka. Then tsaka ka mag solo.

Jake: Still joining 'em undergrads and under-employed people in a quick money called call center industry.

Oni: Ba't gusto mo na mag solo? Gusto mo na bang maka tipid sa motel fees?

Jake: 'Tangina mo. Wala na akong alam sa mga ganyan-ganyan, bords. Tsaka na lang ulet babarurot kapag stable na.

Oni: Hehehehe.

Jake: Ikaw ba bords nakikini-kinita mo ba future mo?

Oni: Okay lang.

Jake: Have you thought of it lately?

Oni: Malapit na akong mag asawa.

Jake: Seryoso?

Oni: Oo. Mga two years from now.

Jake: Alright.

Oni: Hindi ako nakabuntis, ha.

Jake: Thought of putting up a business rather than still being a corporate slave?

Oni: Kasi dapat magka-anak na ako before 30. Putting up a business requires a lot of risk.

Jake: Oo naman. Pundar muna tsaka na gumawa ng mga magdadala ng apelido.

Oni: Gusto ko mag-business pag marami na akong ipon. Paano ka magkakapera? Eh 'di maging corporate slave muna.

Jake: The thing is, nasa mindset mo pa rin 'yan, rather than being a corporate slave forever. Sa ngayon, hindi ko talaga alam kung anong trip ko sa buhay.

Oni: P're, mukhang seryosong usapan, ha. Ano'ng meron?

Jake: Eto siguro 'yung tinatawag na quarterlife-crisis.

Oni: 25?

Jake: Wala, ayoko na kasing dumepende sa mga folks. 'Yun lang naman. E nagpabaya kasi ako sa buhay ko dati kaya I have to make do of what I have and what I can do.

Oni: Actually, nangyari na rin sa'kin 'yan.

Jake: Sa nakikita ko, ganito talaga ang trend sa generation natin ngayon.

Oni: Oo nga. At least, naiisip natin yung ngyayari sa buhay natin, right?


Hindi pa ako tapos ng college. 23 na ako, pero undergrad pa rin. At mukhang matatagalan pa ako. Nagkanda-leche-leche kasi simula nu'ng nag-4th year na ako. Dati kasi, lagi akong "achiever." Ewan ko, basta bigla na lang ako tinamad. Kung dati e minamani ko lang 'yung mga exams at pine-perfect ko ang mga quizzes, nitong huli kong semester e naging pala-absent ako. At dahil sa nawalan na yata ako ng gana mag-aral, naisip ko na lang munang magtrabaho. Baka nga hindi pa rin ako mag-enroll ngayong semester ng taon na ito. Gustuhin ko mang ituloy ngayon ang college ko, may mga kumplikadong bagay pa rin ang pumipigil sa'kin. Kaya ayun. Naisip ko ring magtrabaho dahil gusto ko nang humiwalay sa "shit-hole" na kinalulugaran ko at mag-solo na. Gusto ko na ng sariling buhay. Hindi nakadepende, at walang nakikialam ultimo pati hairdo ko.

Pero ewan ko ba kung ano ba talaga gusto ko. Ano'ng trip ko sa buhay. May plano pa naman akong tapusin college ko, pero hindi muna ngayon. Basta naka-focus lang ako sa pag-hada para kapag nakapag-ipon na ako, kaya ko nang suportahan sarili ko. Iniisip ko sarili ko makalipas ng lima o sampung taon. Ano na kaya ginagawa ko? Asan kaya ako? Hanggang kelan ako magta-trabaho? Kung wala na akong kapasidad magtrabaho sa anumang dahilan, paano ako mabubuhay?

Ewan.

Thursday, March 20, 2008

Ordinaryong Umaga, Bihirang Makita

Mas madalas, sa tanghali ako gumigising dahil lagi na lang akong lagpas-madaling-araw kung matulog. Pero dahil sa isang training na kinailangan kong puntahan nitong mga nagdaang araw lang, nagkaroon ulit ako ng pagkakataong makipag-eyeball sa umaga.

Pagkatapos akong gisingin ng isang mabuting kaibigan (tinatawagan niya ako, nagprisinta kasi siya bilang isang personal kong alarm clock) at ihanda ang aking sarili, lumabas ako sa bahay habang pasikat pa lang ang araw. Na-miss ko ang masayang pakiramdam ng pagdampi ng malamig na hangin sa bukang-liwayway. Nakaka-aliw pansinin ang iba't-ibang uri ng taong kasabayan ko sa paglalakad sa kalsada. Mga empleyado, mga estudyante, mga maglalako, at mga mababangong naggagandahang dilag.

Aliw sa pinatutugtog ng aking music player na selpown, sumakay ako sa jeep na papuntang MRT. Ang astig kasi ang bango sa loob ng jeep. Eh kasi feeling fresh ang mga tao. Mga bagong-paligo. Mmmmm...

Medyo tulala at tuliro ako sa loob ng jeep nang unti-unti kong nararamdaman ang pagbigat ng aking kaliwang balikat. May binatilyong estudyanteng nakakatulog sa balikat ko. Siguro kung chics pa 'yun e hindi na ako bababa sa jeep. Minabuti ko na lang na gumalaw ng kaunti para magising ito. Sana hindi siya makatulog sa flag ceremony nila.

Liban diyan, nakakatuwa lang ang ambience ng umaga. Mas maganda pa dahil kitang-kita mo talaga ang aliwalas ng kagandahan ng mga kababaihan, office lady man o nursing student. At ang kanilang mga maniningning na kariktan ang siyang nagbibigay-kulay sa umagang masibol. Hindi naman din siguro halata na umagang-umaga pa lang e "sniper mode" na ako.

Pagkababa ko sa jeep, kitang-kita ang kapal ng tao sa istasyon ng MRT. Pero sanay na akong makipagsapalaran sa ganitong uri ng pakikibaka. Ang pagsakay sa MRT o LRT kapag umaga ay isa sa napakasimple pero pinaka-aliw para sa'kin. Pakiramdam ko e inihahatid na ako sa aking Huling Hantungan kapag ganito ang scenario. Nakaka-aliw dumungaw at tumanga mula sa bintana ng MRT. Akalain mong natatahak mo ang kahabaan ng EDSA sa loob ng ilang saglit lang, at nakikita mo ang isang tipikal na umaga sa Metro Manila - umagang maaliwalas kahit na mainit, iba't-ibang uri ng sasakyang siksikan sa trapik, mga tao, mga gusali.

Bumaba ako sa aking Huling Hantungan at lumipat naman ako sa LRT 2 patungo sa aking Mas Huling Hantungan. At sa loob ng humigi't-kumulang isang oras, napakalayo ko na pala sa bahay. Sa may bandang Quezon City kasi 'yung pinupuntahan kong training. Eh taga-Makati ako. Apat na sakay papunta, walong oras na training, at apat na sakay pabalik. At sa loob ng sampung araw, ganyan ang buhay ko.

Tapos na ang training. Hindi na naman ako siguro maaaninagan ng umaga. Para sa isang tao na bihirang gumising nang maaga, mami-miss ko na naman ang sights and sounds at pakiramdam ng isang ordinaryong umaga. Lalo na 'yung kakaibang uri ng "flag ceremony" na nagaganap pagkagising sa umaga.

Saturday, January 12, 2008

Tok Tok Tok

"Tok! Tok! Tok!" 'Yan ang tunog ng mga baryang ikakatok ng isang bata sa maliit na kahoy na nagsisilbing harang sa butas ng suking sari-sari store. Nu'ng bata ako, isa ako sa mga terminator ng sari-sari store ilang kanto mula sa bahay namin. Ito ang unang "foodtrip" ko.

Siyempre magsisimula 'yan sa mga kendi at babulgam (chewing gum). Magkaroon lang ako ng beinte-singko ('yung paru-paro pa 'yung design), makakabili na ako ng isang cherry ball. Bale piso-apat. Naalala kong pinagtripan kong bumili ng marami, dalawampiso 'ata. Eh hardcore ako, sinubukan kong lunukin. Ayun, bumara sa lalamunan ko. Nu'ng una pa nga e pinipilit kong lunukin, pero wala pa rin. Mag-iisang oras na at mangiyak-ngiyak na ako. Buti na lang at binigyan ako ng tubig ng kasambahay namin matapos akong pagsabihan. Gusto ko rin 'yung kendi na ang pangalan e "Kendi." Kulay green ito na lasang matamis na menthol. Hindi ko rin malilimutan 'yung "Viva" na kulay brown naman siya pero nakalimutan ko 'yung lasa. Caramel yata. Natatawa ako sa isang kalaro ko. Ayaw niya raw bumili ng "Stork" na kendi kasi nakakatakot daw 'yung mukha na naka-drowing sa wrapper. Kung tama 'yung pagkaka-alala ko e hitsurang matandang kalbong nakasalamin na akala mo e mad scientist. At siyempre, nakapopular dito 'yung "Bazooka Bubble Gum" na may comic strip pang nakapaloob. Ngayon e wala na akong maalala sa mga nabasa ko dati pero ang pagkakaalam ko e nakarami ako nu'n. Meron din pala akong naalalang kendi na nagtuturo ng masamang impluwensya sa mga bata. Eto 'yung mga kendi na hitsurang sigarilyo. As in, yosi ang hitsura niya at nakakain mo siya nang buo. Medyo ini-spoof lang 'yung pangalan. Astig din 'yung mga nakaisip nito e 'noh? Bukod sa mga kendi na 'yan, meron pang iba katulad ng mga wafer sticks na "Champola" (ewan ko kung may "SuperStik" na nu'n), gelatin ("Jelly Ace" na pagkahirap-hirap buksan na tipong mapipikon ka muna bago ma maisipang ipabukas sa nanay mo), kondol, at Haw Flakes (ito talaga ang isa sa mga champion, ang hostiya ng mga bata).

Kilabot din ako ng mga mamisong sitsiriya. Kapag nakatayo na ako sa may harapan ng tindahan, ini-i-scout ko ang mga sitsiryang nakasabit sa lambitin. Isa sa mga nakasanayan kong paborito 'yung "Pritos Ring" na ginagawa ko talaga muna siyang singsing at ipinagpipilitan kong ipasok sa mga daliri kong may mga maiitim na kuko bago ko kainin. Yak. Germs. Andyan din 'yung "Sweet Corn" na kapag naubos mo na e pagtitripan mong paputukin 'yung wrapper. Nakaka-bad breath naman 'yung corn flavor na "Humpy Dumpy" tapos nakakadilaw naman ng ngipin 'yung parang Cheez Curls pero nakalimutan ko na 'yung eksaktong pangalan. Trip ko ring 'yung tigpipisong version ng "Pik Nik." 'Pag tinitingnan ko siya e parang sosi 'yung dating. Hindi ko rin malilimutan diyan 'yung "Crispy Patata" pero nakaka-umay kapag naparami ang dosage mo nito. 'Yung iba ko namang mga kalaro, trip nila 'yung "Salt And Vinegar." Ako hinde. Ah ayun, trip na trip ko rin 'yung "Rin Bee." 'Yung cheese sticks. Talagang dinadamihan ko bawat ngasab nu'n para wholesome 'yung flavor pero muntik nang magkasugat-sugat 'yung lalamunan ko dahil du'n.

Kayo, nu'ng mga bata pa kayo? Ano'ng mga trip niyong foodtrip sa mga tindahan nu'ng bata pa kayo?

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails