Thursday, March 20, 2008

Ordinaryong Umaga, Bihirang Makita

Mas madalas, sa tanghali ako gumigising dahil lagi na lang akong lagpas-madaling-araw kung matulog. Pero dahil sa isang training na kinailangan kong puntahan nitong mga nagdaang araw lang, nagkaroon ulit ako ng pagkakataong makipag-eyeball sa umaga.

Pagkatapos akong gisingin ng isang mabuting kaibigan (tinatawagan niya ako, nagprisinta kasi siya bilang isang personal kong alarm clock) at ihanda ang aking sarili, lumabas ako sa bahay habang pasikat pa lang ang araw. Na-miss ko ang masayang pakiramdam ng pagdampi ng malamig na hangin sa bukang-liwayway. Nakaka-aliw pansinin ang iba't-ibang uri ng taong kasabayan ko sa paglalakad sa kalsada. Mga empleyado, mga estudyante, mga maglalako, at mga mababangong naggagandahang dilag.

Aliw sa pinatutugtog ng aking music player na selpown, sumakay ako sa jeep na papuntang MRT. Ang astig kasi ang bango sa loob ng jeep. Eh kasi feeling fresh ang mga tao. Mga bagong-paligo. Mmmmm...

Medyo tulala at tuliro ako sa loob ng jeep nang unti-unti kong nararamdaman ang pagbigat ng aking kaliwang balikat. May binatilyong estudyanteng nakakatulog sa balikat ko. Siguro kung chics pa 'yun e hindi na ako bababa sa jeep. Minabuti ko na lang na gumalaw ng kaunti para magising ito. Sana hindi siya makatulog sa flag ceremony nila.

Liban diyan, nakakatuwa lang ang ambience ng umaga. Mas maganda pa dahil kitang-kita mo talaga ang aliwalas ng kagandahan ng mga kababaihan, office lady man o nursing student. At ang kanilang mga maniningning na kariktan ang siyang nagbibigay-kulay sa umagang masibol. Hindi naman din siguro halata na umagang-umaga pa lang e "sniper mode" na ako.

Pagkababa ko sa jeep, kitang-kita ang kapal ng tao sa istasyon ng MRT. Pero sanay na akong makipagsapalaran sa ganitong uri ng pakikibaka. Ang pagsakay sa MRT o LRT kapag umaga ay isa sa napakasimple pero pinaka-aliw para sa'kin. Pakiramdam ko e inihahatid na ako sa aking Huling Hantungan kapag ganito ang scenario. Nakaka-aliw dumungaw at tumanga mula sa bintana ng MRT. Akalain mong natatahak mo ang kahabaan ng EDSA sa loob ng ilang saglit lang, at nakikita mo ang isang tipikal na umaga sa Metro Manila - umagang maaliwalas kahit na mainit, iba't-ibang uri ng sasakyang siksikan sa trapik, mga tao, mga gusali.

Bumaba ako sa aking Huling Hantungan at lumipat naman ako sa LRT 2 patungo sa aking Mas Huling Hantungan. At sa loob ng humigi't-kumulang isang oras, napakalayo ko na pala sa bahay. Sa may bandang Quezon City kasi 'yung pinupuntahan kong training. Eh taga-Makati ako. Apat na sakay papunta, walong oras na training, at apat na sakay pabalik. At sa loob ng sampung araw, ganyan ang buhay ko.

Tapos na ang training. Hindi na naman ako siguro maaaninagan ng umaga. Para sa isang tao na bihirang gumising nang maaga, mami-miss ko na naman ang sights and sounds at pakiramdam ng isang ordinaryong umaga. Lalo na 'yung kakaibang uri ng "flag ceremony" na nagaganap pagkagising sa umaga.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails