Tuesday, September 30, 2008

Micro-Kwento #2: Exgirlfriendminated

"Naalala kita 'pag umuulan (sembreak!). Naalala kita 'pag giniginaw (sembreak!). Naalala kita 'pag kakain na (sembreak!). Naalala kita. Ilang oras pa ba bago tayo ay magkita? Ako'y naiinip na. Bawat oras, binibilang. Sabik na masilayan ka, ahaha!"

LRT - Gil Puyat (Buendia) Station. Sinasabayan ni Edward sa isipan ang kanta ng Eraserheads na tumutugtog sa music player niya habang nakapila sa ticket booth. Mga ilang minuto na rin bago magtanghali, at nakatakda siyang makipagkita sa barkada niyang babae na medyo matagal na niyang hindi nakikita. SM Manila ang napagkasunduan nilang kitaan. Maaliwalas ang araw, parang tipikal lang.

"Text mo ako kapag andito ka na. Maglalakad-lakad muna ako rito," sabi ng huling text message ng barkada niya, si Rose.

Medyo excited na hindi mapakali ang mood ni Edward. Sume-semi siya sa pag-headbang bilang pagsabay sa mga kantang pinakikinggan niya. Sinasariwa pa niya 'yung reunion concert ng Eraserheads kung saan pinuntahan niya ito kasama ng mga ka-opisina niya. At nang makabili siya ng one-way ticket papuntang Central Terminal, pumasok na siya sa platform area. Iniisip niya kung ano ba mga magandang gagawin sa "friendly date" nilang dalawa.

Tulad ng nakaugalian niyang gawin sa pagsakay sa LRT, nag-abang siya sa marker ng unang pinto ng pangalawang coach. Medyo naiipon na rin ang mga tao na pinagmamasdan niya. Mga estudyante, mga empleyeado, mga trabahador, mga mag-syota, mga magbabarkada, mga pulis, at mga kapwa niyang "bachelor."

Dumating na rin ang tren matapos ang tatlong kanta sa music player niya. As usual, may semi-tulakan na nangyari pero hindi naman gaano karami ang mga taong nagsisipasok at nagsisilabas. At matapos ang mini-patintero sa loob ng coach, napa-pwesto siya sa may gitnang bahagi, patayo.

Pagkasara ng mga pintuan ng tren, saktong may nag-text sa kanya kaya natural e tiningnan niya ito. Isang text quote mula sa isang tao na hindi naman niya kilala. Hindi kasi naka-register sa phone niya 'yung number, at MEDyo nakAKahiLO 'YunG paGKAkaGAwa Ng maHaBANg tExt MesSaGE, paRANg gANitO.

Habang pinagmamasdan at hinuhulaan niya kung sino ba 'tong nag-text na 'to, biglang nanginig ang tenga niya sa pagkakagulat dahil may tumawag ng pangalan niya. Sinulyapan niya ang babaeng nakaupo sa may harapan niya na tumawag sa kanya. At nang makilala niya, biglang namanhid ang buong katawan niya, akala mo e tumigil ang sirkulasyon ng dugo sa katawan niya.

Ang babaeng 'yon ay si Cindy, ex-girlfriend niya. Mga tatlong buwan na silang break. Nagulatang si Edward at hindi na niya napag-isipan ang ibabati niya.

"Huy! Kamus--"

Hindi pa natatapos sa pagsasalita si Edward ay may tumawag na naman ng pangalan niya. Kung kanina e tumigil lang ang sirkulasyon ng dugo niya, ngayon naman e nagdilim ang paningin niya dahil pamilyar din sa kanya ang panibagong boses na tumawag sa pangalan niya.

At ang tumawag sa kanya ngayon? Katabi siya ni Cindy. Si April, ex-girlfriend din niya. Nakaraang taon pa sila nu'ng nag-break.

"Huy!" Gulat na gulat si Edward sa scenariong nasa harapan niya.

Ano nga ba ang pagkakataon na makikita ni Edward na magkatabing nakaupo ang dalawa niyang ex-girlfriend? At ang mas kagulat-gulat pa, hindi magkakilala si Cindy at si April.

Ningitian ni Edward ang dalawa niyang ex-girlfriend, habang pinag-iisipan kung ipapakilala niya ang mga ex-girlfriend niya sa isa't-isa.

"Next station: Vito Cruz."

At katulad din ng dati, tinamad bigla ang manunulat na tapusin ang kwento niyang ito.

Friday, September 12, 2008

Bits and Pieces #3: Tatlong Buwan Ng Kawalan

* Wala ulet akong trabaho ngayon, mga isang buwan na. Na-overwhelm ako sa pagiging callboy (call center agent). Kung ano ang inilaki ng sweldo ko, siya din namang kina-grabe ng stress na idinulot ng trabahong 'yon. Hindi pa kasi ako siguro masyadong nakaka-adjust sa lifestyle na 'yon. Pero at least sa susunod na magtrabaho ulet ako sa ganu'n, alam ko na ang gagawin ko. Wala naman talagang kaso sa'kin na magtrabaho ako sa ganu'n, pero ewan. Napangunahan lang ako ng mga personal kong dinadala, tsaka na rin ng pangangatawan ko.

* Oo, at dahil nga sa katakut-takot na stress na nakamit ko sa trabahong 'yun, halos isang buwan akong may sakit. Nagsimula lang sa simpleng pagkakaroon ng sipon. Tapos tumatagal na ang lagnat at sakit ng ulo ko. Papunta na palang trangkaso ang sakit ko. At kung akala ko e hanggang du'n lang, inabot ako ng pagkatagal-tagal sa trangkaso na 'yun na may iba pang mga karamdaman on the side. Nagpa-ospital tuloy ako at nalaman kong iyon pala ay "upper respiratory tract infection." Naratay ako ng ilang araw. At kung akala ko e pagaling na ako, nagkaroon na naman ako ng isa pang sakit na wala namang kinalaman sa sakit na natingnan sa'kin: gastroenteritis. Anak ng baka, hindi ko alam kung saan ko napulot 'yang sakit na 'yan. Pero siguro kasi dahil wala ako lagi sa oras kumain, at hindi talaga ako kumakain ng tama. Matapos ang halos isang buwan, tuluyan na akong gumaling.

* At ang tanging naipundar ko sa nakalipas kong trabaho ay isang gadget na kauna-unahan kong binili para sa sarili ko: Nintendo DS Lite. Pink ang binili ko, para mataray.

* Isang gabi habang naglalakad ako pauwi, isang pulubi ang sitting pretty sa may kanto namen. Tulad ng inaasahan, iniangat niya ang kanyang mga kamay upang mamalimos. Tiningnan ko siya saglit. Parang nararamdaman ko ang gutom niya. At dahil diyan, binigyan ko siya ng isang pakete ng Skyflakes na naisilid ko sa bag ko. Nu'ng pagka-abot ko sa kanya, laking gulat ko na lang nu'ng binato niya bigla 'yung binigay kong crackers. Tinanong pa niya ako, "pwedeng pera na lang?" Na-badtrip ako. Astig naman sa request. Pinapa-encash na lang niya 'yung pagkaing akala ko naman e mas kinakailangan niya. Pinulot ko 'yung crackers, napausal ng "'tanginang 'yan," sabay alis. Lesson Learned: hindi ako bagay maging endorser ng Skyflakes.

* Isang hapon naman, may hinihintay akong napakahalagang tawag sa aking selepono. Pero nagkataon din naman na kinakailangan kong bumisita sa banyo dahil hindi na mapigil pa ang sigaw ng loob ko. Naisip ko tuloy na dalhin ang aking selepono sa banyo para naman magawa ko na ang ninanais ng tiyan ko habang naghihintay ng naturang tawag. E kamalas-malasan, nu'ng pagkabukas ko ng ilaw sa banyo namen, bigla na lang "tumalon" ang selepono ko mula sa lalagyang hawak ko. Nahulog siya sa malaking timba na puno ng tubig. Lumubog ang kawawa kong selepono sa kaila-ilaliman at kaibuturan ng hinayupak na timba. Hindi ko pa naisalba ang selepono ko agad dahil nga kinapa-kapa ko siya sa timba kung saan siya nag-swimming. Katulad ng inaasahan, nalunod na ang selepono ko at sumalangit na siya. Napabili tuloy ako ng panibagong selepono ng di-oras. At dahil diyan, bago na ang cellphone number ko. Alam niyo na ang dapat niyong gawin.


Eraserheads: The Reunion Concert tickets namin ni Eilanna.

* Hindi ko pinalagpas, siyempre, ang Reunion Concert ng Eraserheads. Alas-singko pa lang ng hapon e andu'n na kami sa venue. Sobrang dami talaga ng tao, at napansin namin talaga na karamihan sa mga taong 'yon ay nasa henerasyon namin (natin kung gusto mong isama sarili mo). Sulit na sulit ang ticket namin at oras na hinintay namin hanggang sa magsimula ang concert na 'yun, kahit na natapos ito agad dahil sa hindi inaasahang pangyayari. Sayang nga dahil hindi natugtog ang ilan sa mga kantang inaantay namen. 'Yung barkada ko, inaantay niya 'yung "Balikbayan Box." Ako naman, inaantay ko 'yung "Superproxy." Pero tama kami sa hula naming opening song na "Alapaap". Binalik ng banda ang mga masasayang alala naming henerasyon. Sa gitna ng hiyawan ng mga tao, pakiramdam ko talaga e nasa nag-flashback ako sa dinastiyang Eraserheads: ang dekada 90.

* Para po sa mga may Plurk (at wala pang Plurk), add niyo lang ako at nang masundan niyo 'ko. Wala. Para masaya. Pramis, maa-adik kayo sa Plurk na 'to. Click na rito!

Bale 'yan na lang muna ang mailalagay ko sa ngayon. Pagmamasdan ko muna ang street namin na nagmistulan na namang Dead Sea dahil sa baha.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails