Tuesday, December 30, 2008

Year Ender

Hindi ko eksakto alam kung ilang taon na. Ilang taon nang walang nangyayari sa buhay ko. O, hindi naman talaga wala. Oo, may mga nangyayari pa naman, lalo na sa tuwing sasapit ang gabi, pero ‘yung tipong mga pangyayari na kahit papaano’y magdidikta sa kung ano’ng magiging buhay ko sa hinaharap, wala pa gaano. Siguro kasi e nasa “quarter-life crisis” pa rin ako hanggang ngayon. Pero kahit papaano din naman e medyo iniisip ko na rin naman ang ilang sa mga bagay sa aking hinaharap, katulad ng isang career na paka-pipiliin, isang stable at hindi dead-end na trabaho na magbibigay na sapat na seguridad sa akin, at iba pa.

Sa sariling pagkaka-unawa ko sa salitang “quarterlife crisis,” at para na rin du’n sa mga kahapon lang ipinanganak na minsang nagtatanong sa’kin kung ano ‘yun, ito ‘yung isang panahon sa buhay natin kung saan e hindi natin alam o hindi natin sigurado kung ano ang talagang gusto nating gawin sa buhay – kung ano’ng trabaho o career ang talagang gugustuhin mo, at anumang may kinalaman sa’yong hinaharap. Ito ‘yung tipong bigla ka na lang hindi sigurado sa course na tinapos mo, at/o sa career na dati mo nang naisip o napili. At kapag nagsimula ka nang mag-isip ng tungkol sa kalalagyan mo sa hinaharap, bigla ka na lang mag-aalangan sa sitwasyon mo ngayon. Ang mga ganitong kaganapan ay nangyayari pagsapit ng 20s hanggang 30s. Kaya tinawag na “quarter” at “life.” ‘Yun yata ‘yun.

Kaya sana sa taon na ito, 2009, ay magkaroon na ako ng isang tiyak na landas na tatahakin at nang malaman ko na rin ang totoong kalalagyan ko sa mundong ito. Alam kong makaka-isip at makakagawa din ako ng mga bagay-bagay na magdadala sa akin sa buhay at career na alam kong magiging masaya ako. Medyo sinimulan ko na nga ‘to, nu’ng kumuha nga ako ng isang training sa Web Development. Sa susunod, kukuha naman ako ng isang course para sa mga pornstar, pero joke lang ‘yan.

May mga medium- at long-term goals pa namang akong na-set. Ewan ko kung matutupad ko o hinde, pero basta naisip ko na lang ‘to. Pero siyempre, kung hindi man ito lahat, sana’y matupad ko ‘tong mga ‘to, sa kahit papaano.

* Ngayong 2009, gusto kong magpunta sa Cebu o sa Davao. Alam niyo ba, hinding-hindi pa ako nakakalayo dito sa lungsod? Ang pinakamalayo kong mga napupuntahan e malalapit lang din, kung tutuusin. Kaya ‘eto, naisip ko na gusto kong magkaroon ng pinaka-unang out-of-this-city experience. At kung bakit Cebu o Davao, kasi malayo dito, at may mga bagay-bagay at ilang tao na gusto kong makita.
* Sana makabalik na ako sa college at nang matapos na ang dapat matapos. At maging okay din ang training na kinukuha ko ngayon. Palagay ko kasi, ‘eto ang ilan sa magiging susi ko para...
* ...masubukan ang magtrabaho at magkaroon ng buhay sa ibang bansa. Trip ko lang magtrabaho kahit papaano, pero mas gugustuhin ko pa rin siyempre na manatili dito. Para cool.
* Medyo babawasan ko ang sobrang paggastos, at nang masimulan ko nang pag-ipon. I could use it for a rainy day.
* Gusto kong maging pogi.
* Kung anu-ano pang mga maliliit na bagay.
* At alam kong may mga ilalagay pa ako dito pero natatamad na akong mag-isip.
* At dahil diyan, may short-term goal ako bigla: tapusin ang listahang ito at siyempre magawa ko din naman.

Nitong mga nakaraang taon din, kahit papaano, ay nagkaroon din naman ako ng magaganda at hindi magagandang mga alaala. May mga bagay na gusto kong balikan, at may mga bagay na ayaw ko nang tanawin. Pero kahit na ganu’n, pasalamat pa rin ako sa bawat tao, bagay, at pangyayari na nakigulo sa magulo ko nang buhay. Alam kong ang lahat ng mga tao ay dumarating at umaalis lang, pero sa bandang huli, pasalamat ako sa mga taong nanatili at sa mga taong nakilala ko sa kung saan-saan. At sa mga tao sa aking nakaraan, alam kong may mga dahilan kaya hindi na sila kabilang sa buhay ko ngayon. May ilan sa kanila na kahit papaano’y nagbabalik, sinadya man o hindi, pero ewan, hanggang duon na lang ‘yun. At kung anu’t-anuman, sana’y maging ayos na ang taon na ito para sa’kin, at para na rin sa mga tao sa paligid ko.

Rakenrol.



Picture Of The Day


Ayos 'yan, ayos. [Engrish.com]

Music: Hotdog - Annie Batungbakal
Mood: Meh.
Quote: Odi et amo. Quare id faciam, fortasse requiris? Nescio, sed fieri sentio et excrucior. (Gaius Valerius Catullus, translation: I hate and I love. How can I do that, you might ask me perhaps? I do not know. But that's what I feel and this is torture.)

Wednesday, December 10, 2008

Mga Balita! Unang Labas!

Maaring kilala niyo ako. Maaring hindi. Hindi na mahalaga (sa ngayon) kung sino ako.

Sa mga nakaka-kilala sa akin, binaon ko na sa hukay ang dating pangalan - at pagkatao - na ginagamit ko sa pagba-blog at sa kung saan-saan pa. Hindi na kasi bagay sa'kin. Sa tuwing iniisip ko nga 'yun, pakiramdam ko e mas malaking kahihiyan ang nagawa ko sa sarili ko kesa sa kung anuman. Sabi nga naman nila, "tatawanan mo rin 'yang problema mong 'yan, isang araw." At hindi na lang ako natatawa ngayon, naaliw pa ako! Lahat naman tayong mga tao e nagdaraan sa mga kalamasan sa buhay - may mga mabibigat at aabutin ka ng matagal bago makabangong muli, at may mga hindi naman gaanong kabigatan na ang gagawin mo lang e magluto ng pancit canton para ayos na. Binago ko lang ang pangalan ko, pero halos dating gawi lang din ang gagawin ko - mga kwentong makukulit, mga pagbabalik-tanaw, mga araw-araw na raket, mga paminsang-minsang kalungkutan na nangangailangan ng inyong pag-unawa, at kung anu-ano pang mga kulugo. Kung may pagbabago lang, siguro medyo bawas lang sa pagiging negative. May pagka-negative pa rin naman (kasi negative naman talaga akong tao simula't-simula pa), pero lilimitahan ko na lang. Tutal, halos puro kalokohan din naman ang naging sistema ng dati kong blog.

Sa mga hindi pa nakaka-kilala sa'kin, rakenrol. Isa lang ako sa milyun-milyong tao na naninirahan sa mundong malapit na yatang matapos. Kumbaga e isa lang akong kulangot sa pader, kaya wala naman gaanong interestanteng bagay tungkol sa'kin. Ni wala nga akong maisulat-sulat na matino sa "About Me" e. Gusto ko lang magkwento ng magkwento ng mga kung anu-ano tungkol sa buhay-buhay - mga kwento ko, mga pangyayari sa mga tao sa paligid ko, at iba pa. 'Yun lang. Ito ang aking personal na diyarya kung saan e magiging tapunan ng aking mga "brain farts," lalagyan ng mga manaka-nakang updates sa aking pang-araw-araw na buhay, mga repositoryo ng aking mga saloobin at mga samutsaring kwento, at kung anu-ano pa. Ayos ba 'yun? Ako si Jake, at bagama't malibog ako, hindi naman ako manyak.

Marami-rami din akong mga kumplikadong dahilan kaya ko binura 'yung dati kong blog, bukod sa gusto ko nang gumamit ng bagong pangalan. Hindi na siguro mahalagang ungkatin pa ang mga bagay na 'yun.

Sa madaling salita: WELCOME SA BAGO KONG BLOG WOO~! Andami ko pang sinabi, 'noh?

Bagong buhay. Dating gawi.

Wala namang gaanong bago sa'kin, bukod sa trabaho ko bilang "web content writer," salamat sa isang kaibigan na nag-refer sa'kin. Sa malayuang tingin, madali lang naman ang dapat gawin. Magsusulat lang ako ng mga bagay-bagay, depende sa pangangailangan. Pero hindi ko pa masyadong nakakasanayan ang "pwersahang pag-iisip ng mga isusulat" at natutuyuan pa rin ako ng utak sa tuwing matatapos na ang araw. At medyo kakaiba ang mga bagay-bagay na sinusulat ko sa trabaho. Pero, alam mo na, sikretong malupit. Bagama't medyo demanding at medyo marami-rami kung magpagawa ng isusulat, mabait-bait naman sa'kin ang boss ko na hindi ko alam kung saang bahagi ng Europe nanggaling. Bibigyan niya lang ako ng mga gagawin, tapos bahala na ako sa buhay ko. Minsan nga e may mga oras na mas nakakapagbabad ako sa Plurk kesa sa mga isusulat ko. Pero siyempre, hindi ko dapat pabayaan 'tong mga ginagawa ko. Hindi ko dapat kalimutan ang dahilan kaya binabayaran ako para umupo sa workdesk ko.

Hindi pa rin ako nakakabalik sa school para tapusin ang course ko. Pero dahil ayokong mabugok ng tuluyan sa "choice of career" ko, kumukuha din ako ngayon ng isang pagsasanay para sa Web Development. Level 1 pa lang 'to, at meron pang Level 2 (Object-Oriented Application Development) at Level 3 (Enterprise Application Development) para makabuo ng isang "professional diploma." Ewan ko, pero pakiramdam ko kasi, 'eto (lang) ang isa sa mga hinahanap ko sa buhay, sa ngayon. Nasa ilalim pa rin ako ng "quarter-life crisis," pero pakiramdam ko rin e malapit ko nang malaman kung ano'ng trip ko sa buhay. Sana, 'di ba?

'Yun lang naman sa ngayon. Yata.

PS: Nakalimutan ko kung sino sa mga kaibigan ko ang nagbitiw nito, pero tulad din niya, "sawang-sawa na ako sa mga pagpaparinig."


Picture Of The Day


Are you drugs? [FAILBlog]

Music: High And Mighty Color - Enrai ~Tooku Ni Aru Akari~
Mood: Sleepy
Quote: "I feel comfortable whenever I talk to you. I'm not afraid to be myself." (Kara)

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails