Tuesday, December 30, 2008

Year Ender

Hindi ko eksakto alam kung ilang taon na. Ilang taon nang walang nangyayari sa buhay ko. O, hindi naman talaga wala. Oo, may mga nangyayari pa naman, lalo na sa tuwing sasapit ang gabi, pero ‘yung tipong mga pangyayari na kahit papaano’y magdidikta sa kung ano’ng magiging buhay ko sa hinaharap, wala pa gaano. Siguro kasi e nasa “quarter-life crisis” pa rin ako hanggang ngayon. Pero kahit papaano din naman e medyo iniisip ko na rin naman ang ilang sa mga bagay sa aking hinaharap, katulad ng isang career na paka-pipiliin, isang stable at hindi dead-end na trabaho na magbibigay na sapat na seguridad sa akin, at iba pa.

Sa sariling pagkaka-unawa ko sa salitang “quarterlife crisis,” at para na rin du’n sa mga kahapon lang ipinanganak na minsang nagtatanong sa’kin kung ano ‘yun, ito ‘yung isang panahon sa buhay natin kung saan e hindi natin alam o hindi natin sigurado kung ano ang talagang gusto nating gawin sa buhay – kung ano’ng trabaho o career ang talagang gugustuhin mo, at anumang may kinalaman sa’yong hinaharap. Ito ‘yung tipong bigla ka na lang hindi sigurado sa course na tinapos mo, at/o sa career na dati mo nang naisip o napili. At kapag nagsimula ka nang mag-isip ng tungkol sa kalalagyan mo sa hinaharap, bigla ka na lang mag-aalangan sa sitwasyon mo ngayon. Ang mga ganitong kaganapan ay nangyayari pagsapit ng 20s hanggang 30s. Kaya tinawag na “quarter” at “life.” ‘Yun yata ‘yun.

Kaya sana sa taon na ito, 2009, ay magkaroon na ako ng isang tiyak na landas na tatahakin at nang malaman ko na rin ang totoong kalalagyan ko sa mundong ito. Alam kong makaka-isip at makakagawa din ako ng mga bagay-bagay na magdadala sa akin sa buhay at career na alam kong magiging masaya ako. Medyo sinimulan ko na nga ‘to, nu’ng kumuha nga ako ng isang training sa Web Development. Sa susunod, kukuha naman ako ng isang course para sa mga pornstar, pero joke lang ‘yan.

May mga medium- at long-term goals pa namang akong na-set. Ewan ko kung matutupad ko o hinde, pero basta naisip ko na lang ‘to. Pero siyempre, kung hindi man ito lahat, sana’y matupad ko ‘tong mga ‘to, sa kahit papaano.

* Ngayong 2009, gusto kong magpunta sa Cebu o sa Davao. Alam niyo ba, hinding-hindi pa ako nakakalayo dito sa lungsod? Ang pinakamalayo kong mga napupuntahan e malalapit lang din, kung tutuusin. Kaya ‘eto, naisip ko na gusto kong magkaroon ng pinaka-unang out-of-this-city experience. At kung bakit Cebu o Davao, kasi malayo dito, at may mga bagay-bagay at ilang tao na gusto kong makita.
* Sana makabalik na ako sa college at nang matapos na ang dapat matapos. At maging okay din ang training na kinukuha ko ngayon. Palagay ko kasi, ‘eto ang ilan sa magiging susi ko para...
* ...masubukan ang magtrabaho at magkaroon ng buhay sa ibang bansa. Trip ko lang magtrabaho kahit papaano, pero mas gugustuhin ko pa rin siyempre na manatili dito. Para cool.
* Medyo babawasan ko ang sobrang paggastos, at nang masimulan ko nang pag-ipon. I could use it for a rainy day.
* Gusto kong maging pogi.
* Kung anu-ano pang mga maliliit na bagay.
* At alam kong may mga ilalagay pa ako dito pero natatamad na akong mag-isip.
* At dahil diyan, may short-term goal ako bigla: tapusin ang listahang ito at siyempre magawa ko din naman.

Nitong mga nakaraang taon din, kahit papaano, ay nagkaroon din naman ako ng magaganda at hindi magagandang mga alaala. May mga bagay na gusto kong balikan, at may mga bagay na ayaw ko nang tanawin. Pero kahit na ganu’n, pasalamat pa rin ako sa bawat tao, bagay, at pangyayari na nakigulo sa magulo ko nang buhay. Alam kong ang lahat ng mga tao ay dumarating at umaalis lang, pero sa bandang huli, pasalamat ako sa mga taong nanatili at sa mga taong nakilala ko sa kung saan-saan. At sa mga tao sa aking nakaraan, alam kong may mga dahilan kaya hindi na sila kabilang sa buhay ko ngayon. May ilan sa kanila na kahit papaano’y nagbabalik, sinadya man o hindi, pero ewan, hanggang duon na lang ‘yun. At kung anu’t-anuman, sana’y maging ayos na ang taon na ito para sa’kin, at para na rin sa mga tao sa paligid ko.

Rakenrol.



Picture Of The Day


Ayos 'yan, ayos. [Engrish.com]

Music: Hotdog - Annie Batungbakal
Mood: Meh.
Quote: Odi et amo. Quare id faciam, fortasse requiris? Nescio, sed fieri sentio et excrucior. (Gaius Valerius Catullus, translation: I hate and I love. How can I do that, you might ask me perhaps? I do not know. But that's what I feel and this is torture.)

4 comments:

  1. Ahaha. XD @ picture

    Ee. Ngayon ko lang na-realize na pwede pala ako magcomment. >_> Akala ko pang kapwa blogger lang eh. Ayan tuloy sa shoutbox ko ni-comment mga comment ko. Haha. XD

    Tignan mo na lang dun. XD Anyway - Happy New Year Jake! :'D

    ReplyDelete
  2. buti ka nga may midterm and longterm goals. ako puro short term. gayahin nga kita. mag-set ako ng listahan baka magkaron din ako ng linaw na direksyon. ayoko na kasi umabot sa midlife crisis, mabuti yung nasa quarter-life pa rin ang age bracket ko hehe. buti nabasa ko tong blog mo.

    hulog ka ng langit.

    happy new year again, jake =)

    ReplyDelete
  3. nawa'y magdilang anghel ka sa iyong sinabi :)

    manigong bagong taon, bord!

    ReplyDelete
  4. Jake, good luck sa 2009! :) Never ko sinulat yung mga goals ko... Siguro para in case na hindi ko ma-achieve e meron akong excuse na nakalimutan ko na kasi kaya hindi ko nagawa *lol* Or siguro para hindi ko rin malaman na nagfail ako dun sa mga goals if ever man. Ang negative ko 'no? Pero ganon talaga ako lagi ko muna naiisip yung negative :( Anyways, ako naman nagpplano na makarating sa Batanes :D Sa Cebu kasi nakarating na ako.. Yung Davao naman malamang hindi ako papayagan ng mga parents ko kasi iisipin nila na magulo dun dahil sa nangyayari sa Mindano. Kaya Batanes na lang! Sana payagan ako at sana makarating ka rin sa mga gusto mong puntahan :)

    Happy New Year!

    ReplyDelete

Comments are moderated. Credit is good but we need cash.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails