Tuesday, June 23, 2009

Morning Tripping

May isang araw sa buhay ko bilang isang ordinaryong empleyado na para bang pinagtitripan ako ng pagkakataon.

Gumising ako ng maaga at tamang-tama para hindi ma-late sa opisina. Pagkatapos kong magpungas-pungas, bumaba ako papuntang lababo para maghilamos, at umakyat ulet sa kwarto para magsuklay ng buhok - instant exercise. Tapos e bumaba ulit ako at lumabas para kumain sa katabing karinderya, at panigurado, itlog at hotdog pa lang ang nailuluto nila. At pagkatapos kong ubusin ang kapeng may brown sugar, uuwi agad ako para maligo. Pero dito na magsisimula ang kalbaryo ko, umagang-umaga.

Sa amin kasi, first-come-first-served ang dalawa naming banyo. E marami kami. In-anticipate ko kasi na ako ang mauunang makakaligo dahil nga maaga ako, e pagkabalik ko e may tao na sa banyo. At dahil diyan, naupo muna ako at pinagka-abalahan ko ang sarili ko sa paglalaro ng intrimitidang pink na Nintendo DS Lite. Ngunit lumipas na yata ang mga labinlimang minuto e hindi pa rin tapos ang boarder naming abala pa sa banyo. Dito na ako medyo nag-aalala kasi out of schedule na ako. Isang sandali... dalawang sandali... tatlong sandali... tatlo't kalahating sandali pa at lumabas na din sa wakas ang nasa banyo. Pupwesto na ako sa pagtayo nang biglang isa pang boarder na hindi ko namalayan kung saang nanggaling ang biglang pumasok sa banyo. Nakngtinapay. Dahil dito, kumbinsido na akong... late na ako.

Mga halos kalahating oras din ang kumain sa oras ko sa paghihintay bago pa ako nakapasok sa banyo para maligo. E ako pa 'yung isa pang matagal maligo dahil kung anu-anong orasyon pa ang ginagawa ko sa loob. Ah hindi, hindi 'yung orasyong panlalaki. Kahit ano'ng pagmamadali ko sa banyo, ganu'n din at matagal din ang nagugugol kong oras sa pagligo. Nyuk.

Dali-dali akong umakyat para magbihis, pero wala din namang kwenta dahil magtatagal at magtatagal din ako sa pagtambay ko sa PC -- habang nagbibihis. Ilang minuto na naman ang nalagas bago pa ako tuluyang maging handa sa paglabas, at nang tiningnan ko ang oras sa aking mobile phone, medyo nakumbinsi akong aabot pa ako sa "grace period" at hindi na naman akong mamamarkahang "LATE."

Maganda at maaliwalas ang umaga na sumalubong sa akin pagkalabas ko sa pintuan ng bahay namin. Medyo binilisan ko na rin ang lakad ko para maka-compensate sa oras na nasayang kahihintay sa paggamit ng banyo. Naka-ilang metro na ang layo ko sa bahay nang biglang... "'YUNG ID KO, 'TANGINA!" Bwisit akong kumaripas pabalik sa bahay para kunin ang linsyak na ID na 'yan, at dinoble ko ang bilis ko sa paglalakad pagkaalis ko, habang napapamura ng malakas sa isipan ko.

Sa wakas at nakasakay din ako sa jeep na sa kabutihang palad e hindi na gaanong naghintay ng mga pasahero. Ngunit subalit datapwa't, isang "moderate traffic" na ang estado ng kahabaan ng Chino Roces Avenue, na liliko sa may Pasay Road (sa may kanto ng Waltermart Makati), na dadaan du'n sa street sa tabi ng riles, na liliko naman sa Don Bosco kung saan medyo mas mabagal ang traffic, tsaka bubulok pagkaliko sa Chino Roces Avenue na papunta na sa MRT. Pagkababa ko ng jeep, tiningnan ko ulet ang orasan sa telepono ko at nakumbinsi sa sariling kakayanin kong umabot kung oorasan ko ang sarili ko.

At para bang hindi na natapos ang kalbaryo ko, nagrarakenrol na ang mga tao sa may Magallanes Station ng MRT. At siyepre pa, dadagdagan pa sa kabwisitan ko ang mga matatandang hindi yata tinuruan ng tamang etiquette sa pagpila. Edukado pa man din sila, pero hindi marunong pumila ng maayos, at may sumingit pa sa mismong harapan ko. Sa sobrang frustration ko, napabugtong-hininga ako ng malalim, at alam kong naramdaman niya 'yun dahil malaki ang mga butas ng ilong ko.

Pagdating naman sa boarding area, may isang kanta din ang tagal bago dumating ang tren na medyo puno na ng mga tao. E walanghiya, sa isang pintuan ng MRT, kitang-kita ko ang samutsaring ugali ng mga tao. May mga ilan na sumasalubong sa mga lumalabas, at may mga iba pa na alam naman nilang huli silang dumating pero makikipagbunuan pa para makapasok sa tren. Nakabawi na lang ako ng libreng siko nu'ng pati ako e natulak din. Yamot. At siyempre pa, apat na istasyon din akong nakaramdam na parang nasa loob ako ng washing machine, kung saan e talagang tulakan at siksikan ang mga tao. But don't take me wrong -- I love MRT rides in the morning.

Pagkababa ko sa Shaw Boulevard, dito na ang final challenge. May mga labindalawang minuto na lang ang natitira bago matapos ang sagad-sagarang grace period, at late na ang mga taong papasok paglampas ng oras na ito. Pagkalabas ko sa istasyon, niligawan ko muna sa tingin saglit si Teresa Herrera na nasa malaking billboard, huminga ng malalim, at nagmadaling lumakad, umaasa na umabot pa talaga ako sa oras.

Matapos ang mahaba-habang delay sa banyo, sa pagkalimot sa ID, sa panalangin sa trapiko, sa pagkayamot sa MRT...

Dumating ako sa office. Dalawang minuto akong LATE. Alam na. Lesson of the day? Nasa "quarterlife crisis" pa rin ako.

Pero kahit na ganyan, kamusta na kayo? Wala, trip ko lang ulet magbalik sa pagba-blog. Kung tatanungin niyo kung kamusta na ako, e mahaba-habang usap 'yan. Pero dahil wala namang nangyayari sa blog ko, e sabihin na lang natin na wala din naman kayong masyadong na-miss, kahit na meron at marami. Tingnan niyo na lang ang updated links ko sa sidebar para masabi na lang na updated kayo sa'kin.



Picture Of The Day


Makes sense! [Failblog.org]

Music: Air Supply - Even The Nights Are Better
Mood: Annoyed
Quote: "Do not believe in anything simply because you have heard it. Do not believe in anything simply because it is spoken and rumored by many." (Gautama Buddha)

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails