Monday, August 23, 2010

Micro-Kwento #4: Hindi Inaasahan

Punch out!

Huling araw na ng work week para kay Vince, isang call center agent. Typical sa kanya ang maging excited sa tuwing darating ang weekend, dahil 'yun lang ang mga araw kung kailan pwede siyang matulog nang matagal, makasama ang kanyang pamilya, at gumimik kapiling na naman ang buong tropa. Naglalaro na sa isipan niya ang isang buong araw na tulugan at isang buong gabi ng inuman. At matapos magpaalam sa kanyang mga teammates, lumabas na siya ng opisina upang dumiretso na ng uwi.

Alas-singko ng umaga. Bumubukang-liwayway na nang bumaba siya sa Araneta Center Cubao Station ng LRT 2. Habit na ni Vince ang kumain sa malapit na suking tapsilugan bago siya umuwi. Gawain na niya 'to bawat pagkatapos ng kanyang shift. At dito na mangyayari ang isang bagay na hinding-hindi niya inaasahan.

Bumababa siya sa hagdan ng istasyon nang bigla niyang naramdaman ang pwersadong pag-akbay sa kanyang balikat. Matapos nito ay bigla siyang nakaramdam na may nakatusok na matalim na bagay sa kanyang tagiliran.

"Pare, 'wag na nating patagalin 'to. 'Wag na nating hayaang humantong pa sa bagay na hindi mo magugustuhan. Wallet at cellphone." Bumulong sa kanyang tenga ang isang holdaper.

Hindi niya matingnan ang mukha ng lalaking naka-akbay sa kanya sa likuran niya. Mabilis ang pagtibok ng kanyang puso bagama't pinipilit niyang maging kalmado. Isang maling kilos, babaha ng kanyang dugo sa kinatatayuan niya. Huminga siya ng malalim.

"Pare, kung okay lang sa'yong sayangin ang buhay mo at ang kalayaan mo para sa iilang daang pisong nasa wallet ko, siguro nga'y kailangan mo talaga ng pera. Kunin mo na 'to." Iniabot niya ang kanyang wallet at cellphone.

Kinuha ito ng kanyang holdaper at dali-daling lumakad palayo sa kanya, pero bago siya makalayo nang tuluyan, biglang nagsalita sa kanya si Vince.

"Alam mo pare, maulan ngayon. At alam kong lalarga ka ulet mamayang gabi. Kunin mo na rin pati jacket ko. Para makarami ka naman."

"Ha? Ano? Ano'ng sabi mo?" Lumusob papunta sa harapan ni Vince ang holdaper. "Seryoso ka ba?

"Kaibigan, ang tanging gusto ko lang gawin sa araw na 'to ay ang kumain ng tapsilog bago umuwi. Kung gusto mo, sumama ka sa'kin. Kain tayo."

Isang saglit. Dalawang saglit. Hindi nila alam pareho kung ano'ng gagawin nila.

Kung kanina lang e tinututukan siya ng patalim, ngayon naman ay kasama na ni Vince ang kanyang holdaper sa suking tapsilugan, kumakain.

"Wala akong pambayad sa mga kinain natin." Sinabi ni Vince sa kasama pagkatapos kumain. "Kung gusto mo, ikaw na lang ang magbayad. Tutal e nasa'yo naman ang wallet ko."

Isinauli ng holdaper ang wallet at cellphone ni Vince, tumayo, at umalis.



Picture Of The Day


And that's what happened. (Source: FailBooking)

Music: Some hiphop song here at the internet cafe.
Mood: Unexplained.
Quote: All persons, living or dead, are purely coincidental.

6 comments:

  1. posible.. an act of kindness can change everything. Ü

    ReplyDelete
  2. sinoli pa, sana nilubus-lubos na, joke ang sama ko. nice story :)

    ReplyDelete
  3. Hindi ko alam kung matatawa ako sa kuwento o mai-inspire. Haha pero galeng! Woot!

    ReplyDelete
  4. Hindi pa din talaga nagbago ang writing style mo Jake. Napakaganda pa din talaga. Salamat sa pagsusulat ng mga ganitong kwento. More Power!

    ReplyDelete
  5. magaling! natuwa naman ako dun. so next time kapag may magnanakaw at bubukas bukas ng bag ko eh... bigyan ko na ng something something. hakhak!

    ReplyDelete
  6. nice.. gusto ang ending.. galing mo talaga jakey, walang kupas :)

    ReplyDelete

Comments are moderated. Credit is good but we need cash.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails