Monday, August 8, 2011

Micro-Kwento #7: Kwarto

Binuksan ko ang pintuan ng iyong kwarto. Pagkasindi ko ng ilaw, sumalubong sa akin ang kwarto mong sobrang ibang-iba na. Hindi na ito magulo. Naalala ko pa ang sinabi mo sa akin nu'ng una mo akong dinala dito. "'Wag kang magulat sa kwarto ng isang tunay na lalake. Dahil ang tunay na lalake, hindi nagliligpit ng pinaghigaan dahil may babaeng gagawa nu'n para sa kanya." Pero ngayon, ang lahat ng gamit ay maayos. Ang kama mo ay sobrang maayos, pati na ang mga unan nito. Ang computer desk at mesa mo ay maayos din. Pati ang gitara mo, nakalagay sa lalagyan nito. Parang hindi mo ito kwarto, parang hindi ito sa'yo. Kasi 'yung sa'yo, sobrang magulo. Nakakapanibago. Pumasok ako, at sinarado ko ang pinto. Humiga ako sa kama mo. Sa aking pagkakahiga, tumingin ako sa kisame. Maliwanag ang ilaw mo. Parang nakaka-antok. Inayos ko ang pagkakahiga ko at gumawi ako sa may kanan ko, paharap sa pinto. At hindi nagtagal, bumukas ito.

Pumasok ka at nakita mo ako. Ngumiti ka at sinarado mo ang pinto. Naupo ka sa upuan ng computer desk mo at humarap sa akin habang ipinatong mo ang iyong mga siko sa'yong mga tuhod.

"Kanina ka pa dito?" Unang tanong mo sa akin.

"Ah hindi, ngayun-ngayon lang."

Hindi ka na nagpaliguy-ligoy pa, at pinag-usapan natin ang dapat nating pag-usapan.

"I'm really sorry. Really sorry for what happened." Sinimulan mo.

"Bakit kasi kailangang mangyari 'yon. Ngayon, iiwan mo ako kung kelan okay na sa atin ang lahat. Kilala ka na ni mama at papa. Okay na tayo sa kanila. Sa dinami-dami ng tao, bakit ikaw pa?"

"Hindi ko rin alam e. Hindi ko rin naman ginusto ang nangyari. Pero nangyari na. At andito na tayo ngayon."

Mula sa pagkakahiga, naupo ako sa kama mo. "Walang dahilan para iwanan mo ako. Akala ko ba mahal mo ako?"

"Mahal kita. Sobra. Nami-miss na kita."

"Pero bakit?" Medyo maiiyak na ako. Pinagmasdan ko ang mukha mo, pilit naghahanap ng sagot.

Wala kang naisagot. Iniwas mo lang ang mga mata mo sa akin at tumingin sa bintana kahit sarado ito.

Limang minutong katahimikan. Sampung minuto.

"Kung alam lang din natin sana ang mangyayari..." Nagsalita ka ulit. Tapos nag-isip ng maidudugtong.

Wala na lang din akong nasabi. Pilit kong hinahanap sa sarili ko kung ano ang sasabihin ko. Pero wala akong nasabi. Kinain na ng lungkot ang lahat-lahat ng dapat kong sasabihin.

"Kailangan ko nang umalis." Tumayo ka. Inantay kong lumapit ka sa'kin, yakapin, halikan. Pero hindi, dahan-dahan ka lang nagpunta sa pinto. Binuksan mo ito, at lumingon ka sa akin.

"Mag-ingat ka lagi. Mahal kita. 'Wag ka nang masyadong malungkot. At least, nakapag-usap na tayo ngayon, kahit saglit lang."

At unti-unti ka nang nawala. Sa pagkakasara mo ng pinto, gusto kong sumigaw. Pero hindi ko magawa. Parang nawala ang boses ko. Parang nawala ako sa sarili. Sa isip ko, sumisigaw ako, pero hindi ko talaga magawang sumigaw. At bigla kong pinagsisihan ang mga bagay na hindi ko ginawa. Sana, tumayo ako. Sana nilapitan kita at nahawakan. Alam kong hindi na kita makikita ulit.

Two hours ago

Andaming tao ngayon. At ang iingay nila. Andito yata lahat ng mga relatives mo - nakilala ko na 'yung iba, 'yung iba, hindi pa. At lahat sila ay andito para sa'yo. Sa paligid ko, naririnig ko silang pinagkukwentuhan ka. Hindi ko masyadong maintindihan, pero alam kong ikaw ang pinag-uusapan nila. Maliwanag ang buong sala. At, para sa okasyong ito, buhay na buhay. Parang nahihilo na nga ako sa sobrang pagkabuhay ng sala niyo. At nakikita kita mula sa kinauupuan ko. Hindi ka maistorbo. Pero, kailangan kong lumapit sa'yo.

Nilapitan kita. Tiningnan kita. Pero hindi ako makatagal. At mula dito na nga'y pumasok ako sa kwarto mo, at nahiga sa kama mo, at nag-usap tayo, at iniwan mo ako. Ano nang gagawin ko, ngayong patay ka na?

Basahin ang iba ko pang mga kwento dito: Micro-Kwento



Picture Of The Day



Minsan, pareho kami ng tanong. (Failbook)

Music: None.
Mood: Hungry.

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails